2018
Inihayag Ito ng Diyos sa Akin
February 2018


Sa Pulpito

Inihayag Ito ng Diyos sa Akin

Rachel Leatham

Larawan ni Rachel Leatham sa kagandahang-loob ng Church History Library; frame mula sa Getty Images

historical photograph of general conference overflow

Sa palagay ko, isa ako sa pinakamasasayang babae sa buong mundo, at ito ay dahil sa ebanghelyo, dahil alam kong totoo ang ebanghelyo. Alam ko na ang ating Diyos Ama, at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, ay pumarito sa lupa at dinala at itinatag ang ebanghelyo at kinausap si Propetang Joseph Smith. …

Sa palagay ko, kung mabubuhay ako nang walang hanggan, hindi ko sapat na mapasasalamatan ang aking Ama sa Langit para sa mga biyayang dumating sa buhay ko, para sa pribilehiyong humayo sa mundo at maibahagi ang aking patotoo, na ipinaaalam sa lahat na ang ebanghelyo ay naipanumbalik na, na ipinagkaloob ni Cristo ang awtoridad sa Kanyang mga tagapaglingkod, at na may mga biyayang naghihintay sa mga makikinig at susunod sa mga salita ng katotohanan, buhay, at kaligtasan. …

Kung minsan naiisip ko na tayong mga kabataan ay hindi tunay na nauunawaan ang responsibilidad na nakaatang sa atin. Hindi natin palaging naiisip na ang mga namumuno sa atin ay matatanda na, at kapag wala na ang ating mga magulang, mapapasaatin ang responsibilidad na ipagpatuloy ang kanilang gawain; na tayo ang mga taong responsable sa Sion sa hinaharap. Ginagawa ba natin ang ating bahagi, at inihahanda ba natin ang ating sarili upang magawa natin ang gawain ng ating mga magulang?

… Masasabi ba natin sa iba ang mga pangakong ibinigay sa atin ng Diyos, kung susundin natin ang Kanyang mga kautusan? Pamilyar ba tayo sa sinaunang talaan ng mga nanirahan sa kontinenteng ito, ang Aklat ni Mormon? At pamilyar ba tayo sa mga dakilang katotohanang itinuturo nito at sa mga aklat na nagtuturo sa atin tungkol sa kariktan ng gawaing kinabibilangan natin ngayon? Nangangamba ako na hindi pa sapat ang pag-unawa natin sa mga alituntunin ng ebanghelyo at hindi pa tayo gaanong masigasig na siyang nararapat.1

Sa kanya na siyang binigyan ng marami ay marami ang hihingin, at alam ng bawat isa sa inyo kung gaano karami ang ibinigay sa atin, at kung gaano karami ang hihingin sa atin [tingnan sa Lucas 12:48; D at T 82:3]. Inihahanda ba natin ang ating mga sarili nang sa gayon ay hindi tayo mabigo? Mamuhay tayo ayon sa bawat salita na magmumula sa bibig ng Diyos [tingnan sa Deuteronomio 8:3; Mateo 4:4; D at T 84:44]. Mamuhay tayo sa paraan na nanaisin Niyang kilalanin tayo, at pagpalain tayo, at mahalin tayo.

… Nais kong sabihing muli na alam kong totoo ang ebanghelyo. Alam kong totoo ang ebanghelyo hindi dahil alam ito ni Itay, at hindi rin dahil palagi itong itinuturo sa akin ni Inay, kundi dahil inihayag ito ng Diyos sa akin. Ang Kanyang Espiritu ay nagpatotoo sa aking espiritu [tingnan sa Mga Taga Roma 8:16], at ang patotoong iyan ang pinakamahalagang kaloob na ibinigay ng Diyos sa akin.

Nawa’y pagpalain tayong lahat ng Diyos, ang aking dalangin sa pangalan ni Jesus, amen.Sinipi mula kina Jennifer Reeder at Kate Holbrook, eds., At the Pulpit: 185 Years of Discourses of Latter-day Saint Women (2017), 133-35.

Tala

  1. Ang mga buwanang liham ni Sister Leatham sa kanyang mission president ay nagpapakita ng kanyang kasipagan. Noong Pebrero 25, 1907, isinulat niya, “Sinikap kong gawin ang aking tungkulin at nakadama ako ng kasiyahan sa aking mga ginagawa” (Colorado Denver South Mission General Minutes, 166).