2018
“Tayo’y Ililigtas Niya”
February 2018


“Tayo’y Ililigtas Niya”

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Sa gitna ng napakatinding pinsala, pinangalagaan ng Panginoon ang Kanyang mga missionary.

earthquake aftermath

Ang mga larawan ay ibinigay ng awtor at ni Michael Remington

Ang lindol na yumanig sa Japan noong Marso ng 2011 ay pumalo sa 9.0 sa antas ng Richter—ito ay isa sa pinakamalalakas na lindol na naitala sa kasaysayan. Noong panahong iyon, naglilingkod ako bilang pangulo ng Japan Sendai Mission, bahagi ng Japan na pinakamalapit sa sentro ng lindol. Mahigit sa 16,000 katao ang namatay at daan-daang libong mga bahay at gusali ang gumuho sa lindol at sa sumunod na tsunami.

Sa kabila ng malawakang pinsala, hindi kami nawalan ng kahit isang missionary. Sa sumunod na mga araw at linggo, nakita ko ang mga himala sa buhay ng mga missionary na naglilingkod kasama namin. Kapwa noong bago at pagkatapos ng lindol, ang isang mapagmahal na Ama ay bumuo ng isang serye ng mga kaganapan na magliligtas sa Kanyang mga missionary.

Ginabayan sa Ligtas na mga Lugar

Ang mga leadership meeting para sa Koriyama Zone ng aming misyon ay halos palaging ginaganap sa araw ng Huwebes. Sa oras na ito, gayunman, ang pulong ay naka-iskedyul para sa araw ng Biyernes, Marso 11, 2011—ang araw ng lindol. Karaniwang isinasama sa mga leadership meeting ang mga lider ng zone at district lamang. Sa pagkakataong ito, ang lahat ng missionary sa zone ay inanyayahan sa leadership meeting. Nangangahulugan ito na sa araw ng lindol, ang mga missionary ng Japan Sendai na nakatira sa pinakamalapit sa mga nuclear reactor na nasira ng lindol at tsunami ay malayo sa kanilang mga apartment, ligtas na dumadalo sa leadership meeting sa Koriyama chapel. Inilipat sila ng Panginoon sa ligtas na lugar.

Hindi lamang ang mga missionary sa aming leadership meeting ang nagabayan tungo sa kaligtasan bago lumindol. Ang mga missionary ay natututo nang maaga na umasa sa Panginoon at sa mga pahiwatig ng Espiritu. Nang mangyari ang lindol, walang oras na matawagan ang mga lider para sa mga gabay. Ang iba pang mga missionary ay nakaligtas dahil sinunod na nila ang Espiritu, na gumabay sa kanila patungo sa mga protektadong lugar na inihanda ng Ama sa Langit para sa kanila.

Matapos ang lindol, maraming missionary ang nagpunta sa mga evacuation center. Ang ilang mga zone ay walang pag-aatubiling lumipat sa mga chapel, na nagkaroon lang ng kaunting pinsala at kung saan mas nakaramdam sila ng kapayapaan mula sa Espiritu Santo. Ang ilang mapalad ay nakapanatili sa kanilang mga apartment, na walang heater, tubig, kuryente, o pagkain. Ngunit lahat ay ligtas.

Ginabayan ng mga Harang sa Daan

Noong una, dahil hindi ko alam ang pinsala sa mga nuclear power plant, sinubukan kong pabalikin kaagad ang mga missionary sa kanilang mga apartment mula sa aming leadership meeting pagkatapos ng lindol. Ngunit hinadlangan ng Panginoon ang daan. Walang mga bus o tren na tumatakbo. Kaya patuloy na pinanatili ng Ama sa Langit na ligtas ang mga missionary sa Koriyama.

Inisip ko na kailangan ako sa mission home na malapit sa sentro ng lindol. Ngunit pagkatapos ng walong oras ng pagmamaneho sa mga nasira at masikip na daan, nalaman namin na ang aming daraanan ay naharangan din. Lumalabas na sa pagpapanatili namin sa Koriyama, naging mas madali para sa amin na makatulong sa paglikas ng iba pang mga missionary, isang proseso na nagbigay ng karagdagang katibayan na ang Panginoon ay nagbabantay sa amin.

Kasunod ng lindol ay nagkaroon ng kakulangan sa gasolina. Ang mga trak ng gasolina na makakadaan sa mga sirang kalsada ay umusad nang napakabagal, kaya tatlong oras ang hinintay namin para sa gasolina, kung mayroon man. Ngunit naglaan ng tulong ang Panginoon sa amin sa mga mahimalang paraan. Halimbawa, habang pinalilikas ang mga sister at elder sa Niigata sa kabilang panig ng isla, natanto namin na nagbiyahe kami nang 18 oras sa iisang tangke, na may gas gauge na palaging nakarehistro na “puno.” Habang papalapit kami sa Niigata, agad na bumaba ang gas gauge sa “walang laman.”

Mapanganib na Paglalakbay

Sa kabutihang palad, ang ating mapagmahal na Ama ay patuloy na nagdirekta ng isang maayos na paglikas sa gitna ng matinding pinsala. Ang paglalakbay sa malayong distansya ay mapanganib. Patuloy ang mga aftershock. Itinigil ang pampublikong transportasyon. Ang mga suplay ng tubig at kuryente ay nahinto, at halos imposible na makabili ng gasolina o pagkain. Lubos na nauunawaan namin ni Sister Tateoka na kami lamang ang makararating sa dalawang elder sa isang bulubunduking lugar at dalawang iba pang elder sa kabila ng bundok sa kabilang panig ng isla. Ang mga Freeway ay sarado, kaya ang huling biyaheng ito ay gugugol ng lima o anim na oras papuntang hilaga hanggang sa bundok sa mga likod-daanan, isa pang dalawa hanggang tatlong oras na biyahe sa mga bundok at pababa sa Tsuruoka, at apat na oras pa pabalik sa kaligtasan.

Maaga kaming umalis noong umaga ng Marso 16 at dumating sa apartment nina Elder Ohsugi at Elder Yuasa bandang alas 5:00 ng hapon. Upang makuha ang huling dalawang elder, kailangan naming maglakbay pabalik sa timog, sa may tuktok ng bundok, at pababa sa lungsod ng Tsuruoka. Dahil kulang na sa kalahati ang laman ng tangke ng gas, alam namin na hindi kami makababalik. Nang magsimula kaming maglakbay upang kunin ang huling dalawang elder, nagsimulang umulan ng niyebe. Maya-maya, kami’y dinatnan ng isang napakalakas na snowstorm, makakapaglakbay lamang di-lalagpas sa 15 milya (24 km) kada oras. Hindi ko makita ang mga linya sa highway.

Noong 7:30 ng gabi, nang makarating kami sa tuktok, pinatigil kami ng pulisya. Ipinaalam sa akin ng isang opisyal na naharangan ng isang pagguho ang kalsada at nasarhan ang landas sa bundok. Sinabi niya sa akin na hindi kami makakapagpatuloy pa; kinailangan naming bumalik at tahakin ang isang alternatibong ruta sa kabilang panig ng isla sa paligid ng pagguho. Dahil walang sapat na gas upang lumigid sa pagguho, malinaw na wala kaming paraan upang marating sina Elder Lay at Elder Ruefenacht sa Tsuruoka.

earthquake aftermath 2

Mahimalang Paglalakbay

Nananamlay kaming bumalik ayon sa direksyon ng pulisya. Pinatawagan ko sa mga elder sa van ang bawat miyembro ng Yamagata Ward upang malaman namin kung makahahanap kami ng isang taong makapagbibigay sa amin ng gasolina. Huminto kami at nanalangin nang taimtim, humuhugot ng lahat ng kapangyarihan ng langit sa abot ng makakayanan namin. Nanalangin kami para sa isa pang himala at muling bumaling sa Panginoon.

Tinawagan ng mga missionary ang bawat aktibong miyembro. Ngunit walang sinuman ang may gasolina. Naubusan ng suplay ang mga istasyon ng gas at sarado na. Pagkatapos ay nagkaroon ng pahiwatig sa mga elder na tawagan ang isang di-gaanong aktibong kaibigan, si Brother Tsuchihashi. Muling gumabay sa aming landas ang ating Ama sa Langit. Makapagbibigay sa amin si Brother Tsuchihashi ng 20 litro (5 galon) ng gas. Ngunit upang makatagpo ang butihing kapatid na ito, kailangan kaming maglakbay ng isa pang oras sa hilaga, kabaligtaran ng direksyon kung saan namin kailangang pumunta. Ang dami ng gas ay magiging kapaki-pakinabang ngunit hindi sapat upang pahintulutan kaming maglakbay sa paligid ng pagguho.

Taglay ang pananampalataya, naglakbay kami pahilaga, hindi pa rin alam kung paano namin kukunin ang dalawa pang elder. Nakarating kami sa Shinjo City, kung saan natanggap namin ang 20 litro ng gas. Di nagtagal, tumanggap ako ng isang tawag mula kay Pangulong Yoshida, ang aking counselor, na ngayon ay lubhang nag-aalala na hindi pa kami nagbabalik. Tinanong niya kung nasaan kami, at nang sabihin ko sa kanya na sa Shinjo, nagulat siya na napakalayo namin sa aming pupuntahan. Hindi na niya kakayanin pang kami’y marating at matulungang makabalik.

Pagkatapos ay tiningnan niya ang kanyang mapa, at sa basag na boses ay sinabi nang pautal, “May isang di-gaanong pamilyar na daan sa bundok na madaraanan ninyo mula Shinjo patungo sa mga elder sa Tsuruoka.” Naghanda ang Panginoon ng isang paraan para mapunta kami sa mismong lugar kung saan kailangan naming maglakbay sa paligid ng pagguho. Ang gasolina na ibinigay sa amin ay eksakto ang dami sa kailangan namin para ligtas na makabiyahe sa paligid ng pagguho at makuha ang mga elder.

Nang kontakin ko ang bawat missionary pagkatapos ng lindol at nalaman kung paano sila nagabayan papunta sa ligtas na lugar bago pa ang lindol at tsunami, nakadama ako ng labis na pasasalamat. Dalawang missionary, na naprotektahan mula sa tsunami sa pamamagitan ng pag-akyat sa ika-apat na palapag ng isang evacuation center, ay nagpahayag ng kanilang pasasalamat sa pagiging ligtas sa panahon ng malaking panganib.

Nadama nila na inilarawan ng mga salita ni Helaman ang kanilang kalagayan: “Kami ay dinalaw ng mga paniniyak ng Panginoon nating Diyos na ililigtas niya kami; oo, hanggang sa siya ay bumulong ng kapayapaan sa aming mga kaluluwa, at nagbigay sa amin ng malaking pananampalataya, at pinapangyaring kami ay umasa ng aming kaligtasan sa kanya” (Alma 58:11).