“Naniniwala ako na karamihan sa mga miyembro ay itinuturing ang paglilingkod bilang mahalagang bahagi ng kanilang mga tipan at pagkadisipulo. Ngunit naisip ko rin na kung minsan mas madaling hindi pansinin ang pinakamagagandang pagkakataon na makapaglingkod sa iba dahil sa kaabalahan natin o dahil naghahanap tayo ng malalaking paraan upang mabago ang mundo at hindi natin nakikita na ang ilan sa pinakamahalagang mga pangangailangan na matutugunan natin ay ang pangangailangan ng sarili nating pamilya, mga kaibigan, ward, at komunidad. Nalulungkot tayo kapag nakikita natin ang pagdurusa at matinding mga pangangailangan ng mga nasa kabilang panig ng mundo, ngunit maaaring hindi natin nakikita ang isang tao na katabi natin sa klase na nangangailangan ng ating pakikipagkaibigan. …
“… Maaaring inilagay ng Ama sa Langit ang mga taong nangangailangan sa atin na pinakamalapit sa atin, dahil alam Niya na tayo ang higit na makatutugon sa kanilang mga pangangailangan.”
“Kailan at paano dumarating ang inspirasyon para sa mensahe sa pangkalahatang kumperensya?
“Nang walang nakaatas na mga paksa, nakikita namin ang pag-uugnay ng langit sa mga paksa at tema ng mga walang-hanggang katotohanan tuwing kumperensya.”
“Naniniwala ako sa … kasakdalan [ng Diyos], at alam ko na tayo ay mga espirituwal na anak Niya na may banal na potensyal na maging katulad Niya. Alam ko rin na, bilang mga anak ng Diyos, hindi natin dapat ibinababa at minamaliit ang ating sarili, na para bang ang pagpaparusa sa ating sarili ay hahantong sa taong nais ng Diyos na kahinatnan natin. Hindi! Sa pamamagitan ng taos-pusong pagsisisi at hangaring pag-ibayuhin ang kabutihan sa ating puso, umaasa ako na makakamtan natin ang pag-unlad sa paraang hindi kasama ang pagkakaroon ng ulcer o anorexia, depresyon o ang pagmamaliit sa ating sarili. …
“‘Oo, lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya … ,’ paghikayat ni Moroni. ‘Ibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon … sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay ma[gi]ging ganap kay Cristo ’ [Moroni 10:32 ; idinagdag ang pagbibigay-diin]. Ang tanging pag-asa natin upang tunay na maging sakdal ay tanggapin ito bilang kaloob ng langit. Hindi natin ito ‘matatamo sa sariling sikap’. Kaya nga, ang biyaya ni Cristo ay hindi lamang nag-aalok sa atin ng kaligtasan mula sa kalungkutan at kasalanan at kamatayan kundi maging ng kaligtasan mula sa ating patuloy na panlalait sa sarili.”
“Mula noong magbigay ng paanyaya si Pangulong Monson [na pag-aralan at pagnilayan ang Aklat ni Mormon], sinikap kong sundin ang kanyang payo. Kabilang sa maraming bagay, gumawa ako ng listahan kung ano ang Aklat ni Mormon, ano ang pinagtitibay nito, ano ang pinabubulaanan nito, ano ang isinasakatuparan nito, ano ang nililinaw nito, at ano ang inihahayag nito. Kapag pinag-aralan natin ang Aklat ni Mormon sa gayong paraan marami tayong matututuhan at mahihikayat tayong ipamuhay ito! Hinihikayat kong gawin din ninyo ito. [Tingnan ang katapusan ng mensahe ni Pangulong Nelson para sa mga listahang inipon niya.] …
“[Isipin ang mga tanong na ito:] Una, ano kaya ang magiging buhay ninyo kung wala ang Aklat ni Mormon? Pangalawa, ano ang hindi ninyo malalaman ? At pangatlo, ano ang hindi mapapasainyo ? …
“Alam ko na si Pangulong Thomas S. Monson ang propeta ng Diyos sa lupa ngayon. Mahal ko siya at sinasang-ayunan siya nang buong puso ko.”