2018
Hindi Mo Mapapatigil kung Ano ang nasa Aking Puso
February 2018


Hindi Mo Mapapatigil kung Ano ang nasa Aking Puso

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.

Si Blossom ay isang Young Woman sa Ghana noong pinagbawal ng pamahalaan ang mga pagpupulong ng mga LDS.

standing up in class

Larawang Guhit ni Toby Newsome

Nang unang dumating ang Simbahan sa Ghana noong 1978, hindi talaga naunawaan ito at ang mga ginagawa nito ng pamahalaan. Humantong iyon sa maraming haka-haka. Sa paglago ng Simbahan sa sumunod na 10 taon, tumindi rin ang mga haka-haka. Naaalala ko ang naririnig kong sinasabi ng mga tao na ang Estados Unidos ay nagpapadala ng mga tao upang maniktik sa aming pamahalaan. Iyon, kasama ang lahat ng ipinakalat na literatura na anti- Mormon, ang naging dahilan ng labis na pagdududa ng pamahalaan.

Ang Pagpapatigil

Noong Hunyo 14, 1989, ipinasara ng pamahalaan ang mga gusali ng aming Simbahan, pinauwi ang mga missionary, at ipinagbawal ang lahat ng opisyal na gawain ng Simbahan. Tinawag namin ang panahong ito na “ang pagpapatigil.” Ngunit bilang isang 18-taong-gulang na babae, ang alam ko lang ay ibinalita isang araw na hindi na kami makakapagsimba. Mayroon pang mga sundalo na nagbabantay sa mga gusali upang tiyakin na hindi kami makakalapit.

Dahil hindi na kami makapagmiting sa aming mga chapel, nakakuha kami ng pahintulot mula sa mga lider ng Simbahan na magdaos ng mga sacrament meeting sa aming mga tahanan. Kung walang may taglay ng priesthood sa inyong tahanan, hihimukin ka na pumunta sa isang bahay na mayroon. Maligalig ang panahong iyon ngunit napakaespesyal din. Ibinahagi namin ang aming mga patotoo, at ito ang nagpalapít sa amin sa isat isa.

Paano Mo Matatawag ang Iyong Sarili na Mormon?

Sa isang pagkakataon sa panahon ng pagpapatigil, kinailangan kong umalis ng bahay upang pumunta sa isang boarding school. Nang makarating ako roon, narinig ng isa sa mga guro na ako ay isang Banal sa mga Huling Araw. Diretsahan niya akong kinausap para sabihan ng hindi magagandang bagay tungkol sa Simbahan. Marami siyang sinabing masasakit na salita. Madalas akong nagtataka, “Bakit mo ako ginugulo at sinasabi sa akin ang mga bagay na ito? Naniniwala ako sa mga turo ng ebanghelyo, ngunit ako ay tao pa rin.”

Isang araw ay tinanong niya ako kung paano ko masasabi na ako ay isang Mormon ngayon. Hindi ko ba alam ang tungkol sa pagpapatigil? Ngayon, sa aming kultura, hindi kami nakikipagsagutan sa matatanda. At dahil isa siyang guro hindi ko siya maaaring hamunin. Ngunit nang sandaling iyon, natanto ko na talagang may patotoo ako. Hindi ko alam kung paano lumabas sa bibig ko ang mga salitang ito, ngunit napasaakin ang Espiritu, at tumayo ako at nagsabi, “Ang Simbahan ay nasa aking puso. At walang sinuman ang makapagpapatigil kung ano ang nasa aking puso.”

At pagkatapos ay iniwan niya akong mag-isa.

Noong Nobyembre 1990, tinapos na ng pamahalaan ang pagpapatigil at sinabi na kaming mga miyembro ng Simbahan ay malayang sumamba muli. Wala kaming mga radyo o telebisyon sa campus ng paaralan, kaya nalaman ko lang dahil narinig ito ng gurong iyon at kaagad na ipinasundo ako sa isang tao. Nang makita niya ako, sinabi ng guro ko, “Hindi na ipinagbabawal ang Simbahan ninyo! Makakapagsimba ka na muli.”

Masaya siya para sa akin.

Hindi Nila Mapapatigil kung Ano ang nasa Iyong Puso

Yaong mga nanatili sa Simbahan at sumamba nang sama-sama sa panahon ng pagpapatigil ay lalong tumibay ang pagkakabigkis. Naging tunay kaming magkakapatid. Kahit ngayon, na hiwa-hiwalay na kami ng landas, kung may nangyayari sa isa sa amin, nababalitaan naming lahat ang tungkol dito. Pakiramdam namin ay mga pioneer kami.

Gusto kong sabihin sa mga tao na kung alam mo na ang iyong mga paniniwala ay totoo at mayroon kang patotoo tungkol dito, ay maaari kang magkaroon ng mga pagsubok ngunit hindi kailangang manghina ang iyong pananampalataya. Kung alam mo na ang isang bagay ay totoo at naniniwala ka rito, walang sinuman ang makapaglalayo nito mula sa iyo. Hindi nila mapapatigil kung ano ang nasa iyong puso.