2018
Bawat Isa ay Kailangan ng isang Kaibigan
February 2018


Bawat Isa ay Kailangan ng isang Kaibigan

Tim Overton

Arizona, USA

a friend at church

Paglalarawan ni Allen Garns

Nilapitan ko ang mga pintuan ng simbahan na may isang malinaw na pasiya sa aking isipan: “Kung hindi ako makatatagpo ng isang kaibigan sa simbahan ngayon, hindi na ako babalik kailanman.” Ilang beses na akong nakadalo dati sa simbahan nang may kasamang kaibigan, ngunit ito ang unang pagkakataon na dumalo ako bilang isang investigator nang ako lamang at para sa aking sarili. Nadama ko na kailangan kong sumapi sa Simbahan, ngunit nagkaroon ako ng ilang mga pangamba at alalahanin.

Nang pumasok ako sa simbahan, binati ako ng isang young adult ng magandang ngiti at mahigpit na pakikipagkamay. Nagpakilala siya bilang si Dane McCartney. Nakita ko na si Dane dati, nang sinubukan niyang maglaro para sa koponan ng football sa kolehiyo kung saan kasali ako. Nawala ang pagkabalisa ko nang anyayahan niya akong umupo katabi niya sa mga miting ng Simbahan. Inanyayahan din niya ako sa bahay ng kanyang mga magulang para maghapunan pagkatapos. Hindi ko kailanman nadama na nag-iisa ako noong araw na iyon. Tinulungan ako ni Dane at ng kanyang pamilya na masagot ang marami sa aking mga katanungan. Sumapi ako sa Simbahan makalipas ang ilang linggo.

Kung naging mabait lang sa akin si Dane noong araw na iyon lamang, malamang na umalis na ako ng simbahan pagkatapos ng sacrament meeting at sumuko na, iniisip na sinubukan ko din naman ngunit ang simbahan ay hindi talaga para sa akin. Bagama’t mahalagang tunay na maging palakaibigan, ang pagiging isang kaibigan ay higit pa kaysa sa pagiging mabait lamang. Ang pagmamahal at suporta ng mga McCartney ay mahalaga sa aking pagbabagong-loob.

Nangyari iyan 14 taon na ang nakalipas. Simula noon ay nakapag-full-time mission na ako, nakapagpakasal na sa templo, at biniyayaan ng limang magagandang mga anak. Nakapagsilbi na rin ako bilang isang bishop at stake president. Nakausap ko ang mga miyembro na tumigil sa pagsisimba dahil pakiramdam nila’y nag-iisa sila at walang mga kaibigan sa simbahan. Nadudurog ang puso ko para sa kanila. Sana ay may tumulong sa kanila tulad ng ginawa ng mga McCartney sa akin.

Nagpapasalamat ako sa aking Ama sa Langit dahil kinaibigan ako ni Dane noong araw na iyon. Umaasa ako na magkakaroon tayo ng lakas ng loob na maging kaibigan sa mga taong nagsisiyasat sa Simbahan, sa mga bago pa lamang, o sa mga nagbabalik dito.