Paano ko Pinalalalim ang aking Kaugnayan sa Diyos
Nang maging 12 taong gulang ako, sinimulan ko na talagang pag-isipan kung paano ako maaaring makibahagi sa ebanghelyo.
Ako ay naninirahan noon sa aking bayan ng Taranto, Italya. Ilang taon pa lamang ang nakalipas mula nang makatagpo namin ng aking kapatid ang mga missionary at naging mga miyembro ng Simbahan, ngunit nagsimulang maramdaman ko ang pananabik na lumahok pa. Nagsimula akong makaramdam ng pagnanais na ipasa ang sacrament. Naaalala ko ang paglalakad papunta sa simbahan tuwing Linggo na may panalangin sa aking puso na tawagin ako upang ipasa ang sacrament.
Isang Linggo ng umaga, tinawag ako ng aking branch president sa kanyang opisina. Sinabi niya, “Massimo, nais ng Panginoon na matanggap mo ang priesthood at maorden na isang deacon.”
Nang marinig ko ang mga salitang iyon—“nais [ka] ng Panginoon”—may nakagulat sa akin. Nadama ko na hindi isang tao ang humihiling sa akin na gawin ang isang bagay, kundi ang Panginoon talaga ang personal na nagpapaabot ng isang responsibilidad. Nang tingnan ako ng aking branch president, naramdaman ko na ang Panginoon ang nakikipag-ugnayan sa akin.
Nang simulan kong ipasa ang sacrament tuwing Linggo, nadama ko ang kapangyarihan ng kabanalan sa buhay ko. Nadama kong may pananagutan ako, na kaisa ako, at alam ko na ginagawa ko ang gawain ng Panginoon. Naging mas malapit ako sa Kanya sa pamamagitan ng paglilingkod sa Kanya.
Ang karanasang maramdaman ang kamay ng Panginoon kapwa sa pamamagitan ng aking mga lider at sa aking mga responsibilidad ay nakatulong sa akin na magkaroon ng mas malalim na personal na kaugnayan sa Kanya. Nais kong maging mas kabahagi sa ebanghelyo; habang namumuhay ako nang ganyan, nadarama ko ang presensya ng Diyos sa buhay ko. Ang pagbuo ng ganitong uri ng kaugnayan sa Kanya ay isa sa mga pinakamahalagang bagay na maaari mong gawin sa iyong kabataan.
Makita ang Panginoon sa Inyong mga Lider
Nang makaniig ko ang aking branch president, nakagawa ito ng malalim na espirituwal na impresyon sa akin nang naramdaman ko na ang Panginoon, hindi lamang ang aking branch president, ang nagbibigay sa akin ng isang responsibilidad. Nang makita ko ang Panginoon sa aking lider, nadama kong mas napalapit ako sa Kanya, at ang aking relasyon sa Kanya ay lumalim.
Kung nauunawaan mo bilang isang kabataan na kapag binigyan ka ng tungkulin o kapag naupo ka sa iyong mga klase sa simbahan, naririnig mo ang mga salita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, kung gayon ay makikita mo ang simbahan sa ibang paraan—isang espirituwal na paraan. Gugustuhin mong makibahagi sa gawain ng Panginoon. Magkakaroon ka ng malalim na espirituwal na mga karanasan at mas mapapalapit ka sa Kanya bawat Linggo.
Makita ang Panginoon sa mga Ordenansa
Maaari rin tayong magkaroon ng personal na kaugnayan sa Panginoon kapag nadarama natin ang Kanyang presensya habang nakikibahagi tayo sa mga ordenansa ng ebanghelyo. Kapag tayo ay kabahagi sa mga ordenansa—tulad ng sacrament—alam natin na ang “kapangyarihan ng kabanalan ay makikita” (D at T 84:20). Nang magpasa ako ng sacrament, kahit sa edad na 12 o 13, naramdaman ko talaga na ako ay instrumento sa Kanyang mga kamay. Nadama ko ang presensya at kapangyarihan ng Diyos sa mga ordenansang iyon at ang kapangyarihan ng kabanalan sa buhay ko. Ang pagkakaroon ng sagradong karanasang iyon bawat linggo sa pamamagitan ng pagkilala sa Panginoon sa ordenansang ito ay nakatulong sa akin na palalimin ang aking personal na kaugnayan sa Panginoon.
Hindi ito madarama sa pagpapasa lamang ng sacrament. Madarama rin natin ang kapangyarihan ng kabanalan sa pagtanggap ng sakramento tuwing Linggo. Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, hindi natin dapat gawin ito nang basta-basta o paminsan-minsan o nagkataon lamang. Dapat tayong magnais, magpasiya, at maghanda na tumanggap ng sakramento, at ang lahat ng ito ay magpapahintulot sa atin na madama ang kapangyarihan ng kabanalan sa ating buhay. Dapat nating gamitin ang sakramento bilang isang makapangyarihang espirituwal na kasangkapan upang mapalalim ang ating kaugnayan sa Diyos at ihanda ang ating sarili para sa mga pang-araw-araw na hamon ng buhay.
Isang Malalim na Personal na Kaugnayan
Magpasya ngayon na bumuo ng isang malalim na personal na kaugnayan sa Panginoon. Kapag nararamdaman mong mas malapit ka sa Kanya, mas magiging madaling maglingkod sa Kanya.
Pinangangalagaan ng Panginoon ang bawat isa sa atin nang personal. Kapag dumadalo tayo sa simbahan, naririnig natin ang Kanyang mga salita. Kapag tumatanggap tayo ng sakramento, tinutupad natin ang Kanyang mga sagradong ordenansa. Kailangan nating kilalanin ang presensya at kapangyarihan ng Diyos sa ating mga pinuno at sa mga ordenansa upang mapalalim natin ang ating personal na kaugnayan sa Kanya.