2018
Paano ko mapapakiusapan ang aking mga kaibigan na huwag magsalita nang nakasasakit o hindi naaangkop tungkol sa iba?
February 2018


Mga Tanong & mga Sagot

Paano ko mapapakiusapan ang aking mga kaibigan na huwag magsalita nang nakasasakit o hindi naaangkop tungkol sa iba?

Tsismis, masasakit na salita, kabastusan—malamang narinig mo na ang mga iyan habang naglalakad sa mga pasilyo ng paaralan. Kung minsan ang mga kaibigan mo ang gumagawa nito, at maaaring hindi ka mapalagay at hindi ka sigurado kung paano ito haharapin, pero makakagawa ka ng pagbabago sa pagiging mabuting halimbawa.

Kahit pa hindi madali na pagsabihan ang iba, tandaan na “nasasaktan ang Panginoon at ang iba sa lapastangan, bulgar o magaspang na salita o kilos, maging sa malalaswang biro,”1 At maski sabihin nang pabiro, ang mga masasakit na salita ay nakakasakit pa rin.

Kung ang mga kaibigan mo ay nagsasabi ng mga di-angkop o masasakit tungkol sa iba, “magiliw silang hikayating gumamit ng ibang salita. Kung magpipilit sila, magalang na lumayo o ibahin ang usapan.”2 Ipaliwanag na naniniwala ka na ang bawat tao ay anak ng Diyos at kailangang galangin nang naaayon. Piliing maging mapagsuportang kaibigan sa lahat, sa halip na maging isang kaaway na namimintas at nanlalait ng iba. Ang matibay na halimbawa mo ay magiging huwaran para sa iyong mga kaibigan.

Itinuturo ng Para sa Lakas ng mga Kabataan na “ang malinis at matalinong pananalita ay patunay ng maaliwalas at mabuting isipan.”3 Hayaan ang iyong mga salita na sumalamin sa iyong mga paniniwala, at ang Espiritu ay mananatili sa iyo upang magbigay gabay sa ganitong mahihirap na sitwasyon.

At magtiwala ka—igagalang ka ng mga totoong kaibigan sa desisyon mong gumamit ng malinis at nakapagpapalakas na pananalit na nagpapatingkad ng magagandang katangian ng iba.

Tulungan ang Isa’t Isa na Manatiling Positibo

Kami ng mga kaibigan ko ay may mga pulseras, at tuwing isa sa amin ay magsasabi ng nakasasakit sa kapwa, pipitikin namin ang pulseras ng nagsabi. Ito ay magandang paalala na panatilihing positibo ang aming pag-iisip at pananalita.

Caroline J., edad 18, Utah, USA

Humingi ng Tulong sa Diyos

Ang panalangin ay makatutulong sa iyo na makakuha ng lakas mula sa Diyos upang malaman kung paano makipag-usap sa iba. Una, alamin sa Panginoon kung ano ang sasabihin sa iyong mga kaibigan. Hingin din sa Kanya na tulungan ang mga kaibigan mo na maunawaan ang kahalagahan ng pagtingin sa ibang tao bilang mga minamahal na mga anak ng Ama sa Langit. Bigyang-diin ang kahalagahan na makita ang magaganda sa mga tao at ang hindi pagsasabi ng mga hindi maganda tungkol sa kanila.

Victória Kércia M., edad 19, Piauí, Brazil

Tanggapin ang Pagkakaiba-iba nang may Pagmamahal

Alam dapat ng mga kaibigan ko na dahil may iba-iba kaming mga kalakasan, makikinabang kami sa isa’t-isa. Sa kabila ng pagiging di-perpekto ng mga tao, dapat ay mas minamahal natin sila, at dapat din tayong maniwala sa kapangyarihan na magbago na masusumpungan sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas.

Esther M., edad 19, Mbujimayi, Democratic Republic of the Congo

Maging Direkta

Maaaring sabihin mo lang sa mga kaibigan mo nang maayos, “Oy, itigil ninyo iyan. Ayoko ng ganyan,” o “Pakiusap naman, huwag kayong magsalita ng ganyan. Bastos iyan.” Pagkatapos ng lahat, isa sa dalawang dakilang kautusan ay ang “iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:39).

Clayton P., edad 14, Arizona, USA

Baguhin ang Kanilang Pananaw

Maaaring sabihin mo lang sa kanila na hindi tama ang ginagawa nila at dapat nilang sikapin na magpasaya ng tao kaysa magpalungkot. Maaari mo rin silang tanungin kung ano ang mararamdaman nila kung sila ang tumatanggap ng masasakit na salita mula sa ibang tao. Tulungan silang makita ang sitwasyon mula sa ibang pananaw. Sa pagtulong sa ibang tao na maging mas mabuti, mas madalas mong mararamdaman ang Espiritu, at pagpapalain ka ng Panginoon dahil sa mabubuti mong gawa.

Darren O., edad 15, Utah, USA

Lakasan Mo ang Iyong Loob

Tulad nina Ester, Joseph Smith, Jose ng Ehipto, at iba pang mga tauhan sa banal na kasulatan, maaari mong lakasan ang loob mo na pigilan ang mga kaibigan mo sa pagsasalita ng di-angkop tungkol sa iba. Naranasan ko rin ang sitwasyong iyan, at nilakasan ko ang loob ko na kausapin ang mga kaibigan ko nang may pagmamahal at pang-unawa. Sa huli, tinanggap nila at inunawa kung gaano kahalaga na gumamit ng malinis at nararapat na pananalita! Bukod sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagdarasal, ang pag-aayuno ay higit na nakatutulong sa ganoong mga sitwasyon. Ipanalangin at hilingin nang may pananampalataya na ang ating Ama sa Langit ay magbibigay sa iyo ng lakas ng loob na magsalita at maantig ang puso ng mga kaibigan mo.

Paola H., edad 17, San Salvador, El Salvador

Maging Isang Halimbawa

Ang pinakamainam na paraan upang gawin ito ay ang pagpapakita ng halimbawa. Magkusa na magsabi ng mga mabubuti at positibong bagay tungkol sa sinumang napapag-usapan. Mamamangha ka na napakabilis nitong nababago ang pag-uusap.

Elder Eads, edad 24, Korea Seoul South Mission

Ipaliwanag ang mga Negatibong Epekton

Sabihin sa mga kaibigan mo kung gaano kadaming mga positibong karanasan at pakikipag-ugnayan sa ibang tao ang napapalampas nila. Ipaliwanag na ang pagmumura ay hindi maganda dahil inilalayo ka nito sa ibang mga tao at pinapasama ang iyong isipan. Bukod pa riyan, iiwasan ka ng mabubuting tao kapag gumamit ka ng masasamang salita.

Elisa Ferreira S., edad 16, Minas Gerais, Brazil

Mga Tala

  1. Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo (2006), 42.

  2. Tapat sa Pananampalataya 43.

  3. Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011), 20.