2018
Ano ang Magagawa Ko Upang Makapagturo nang Higit na Katulad ng Tagapagligtas?
February 2018


Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Ano ang Magagawa Ko Upang Makapagturo nang Higit na Katulad ng Tagapagligtas?

Jesus teaching

Larawan ni Justin Kunz

Noong naglilingkod ako bilang mission president sa Toronto, Canada, isa sa mga assistant ko ang lumapit sa akin at nagtanong, “President, paano po ako magiging mas mahusay na missionary?” Ang unang isinagot ko sa kanya ay, “Mahusay ka naman.” At totoo namang mahusay siya. Ngunit ipinilit pa rin niya ang kanyang tanong, kaya nag-isip-isip muna ako at saka nagbigay ng isang mungkahi. Nang may ngiti sa labi, positibo siyang tumugon dito.

Ibinahagi ko ang simpleng karanasang ito sa iba pang mga missionary. Hindi nagtagal, sa kanilang mga interbyu ang iba pang mga elder at sister ay nagtanong na rin, “President, paano po ako magiging mas mahusay na missionary?” Ang simpleng tanong na iyan mula sa isang missionary ay nagbigay sa buong mission ng hangarin na mas humusay pa.

Sa parehong paraan, ang mga guro ay makatatanggap ng nakatutulong na payo kung taos-puso nila itong itatanong sa Panginoon at sa kanilang mga lider: “Ano ang magagawa ko upang makapagturo nang higit na katulad ng Tagapagligtas?” Nangako ang Panginoon, “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin” (D at T 112:10).

Buong Pusong Pagpapahalaga

Itinanong minsan kay J. B. Priestley, isang nobelista mula sa England, kung paano siya naging napakahusay na manunulat gayong wala ni isa man sa kanyang magagaling na kasamahan ang naging kasinghusay niya. Sagot niya, “Wala sa kakayahan ang aming pagkakaiba, kundi sa katotohanan na habang … sila … ay natutuwa lamang sa ideya ng [pagsusulat], ito naman ay buong puso kong pinahahalagahan!”1

Bilang mga guro, maaari nating itanong, “Kontento na ba tayo sa mga kakayahan natin ngayon sa pagtuturo, o buong puso ba nating pinahahalagahan ang pagtuturo na tulad ng Tagapagligtas?” Kung gayon, handa ba tayong isantabi ang lahat ng pagmamataas at hindi lamang maghintay ng mga tagubilin, bagkus ay maging aktibo sa paghahangad nito?

Pagpapakumbaba ang Susi

Marami tayong mahuhusay na guro sa Simbahang ito, ngunit ang totoo, kahit na ilang taon pa ang ating karanasan sa pagtuturo, kahit ano pa man ang ating natapos sa kolehiyo, o kahit gaano pa tayo kamahal ng ating mga estudyante, lahat tayo ay maaaring humusay pa at maging mas katulad ng Dalubhasang Guro, kung tayo ay mapagpakumbaba. Marahil ang tunay na katangian ng isang guro na tulad ni Cristo ay ang pagiging madaling turuan. Ang pagpapakumbaba ay isang katangian na nag-aanyaya sa Espiritu at nagpapaibayo sa ating hangarin na mas humusay pa.

Kung minsan, nakakausap ko ang mga Sunday School president na nalulungkot dahil isa o higit pa sa mga guro sa kanilang ward o branch ang nag-aakalang marami na silang alam o napakagaling na nila kaya hindi na nila kailangan ng dagdag na mga tagubilin, o dumalo sa mga teacher council meeting. Ikinalulungkot ko ito dahil hindi pa ako nakakilala ng isang guro na wala nang ihuhusay sa pagtuturo kahit bahagya.

Alam ko na kahit ang gurong may pinakamaraming alam ay dadalo sa teacher council meeting nang may mapagpakumbabang puso at matinding hangarin na matuto, ang gurong iyan ay tatanggap ng mga ideya at impresyon mula sa langit kung paano siya mas huhusay pa. Maraming teacher council meeting na ang nadaluhan ko at palagi akong lumilisan na may napupulot na bagong ideya o nakadarama ako ng hangarin na pagbutihin pa ang isang kasanayan o katangian na kinakailangang pag-igihin at paghusayin.

Ang Pangangailangang Pagbutihin ang mga Kasanayan sa Pagtuturo

Maaaring isipin ng ilan paminsan-minsan na ang mga kasanayan o pamamaraan sa pagtuturo ay mekanikal o sekular lamang na mga kasangkapan. Gayunpaman, kapag pinagbuti natin ang mga kasanayang ito, mapipili ng Espiritu mula sa iba’t ibang opsiyon ang pinakamainam na makatutugon sa mga pangangailangan ng bawat etudyante. Sino ang mas produktibo, ang taong nagsisikap na putulin ang isang puno gamit ang kanyang lanseta, o ang tao ring iyon na gumagamit ng chain saw? Sa parehong sitwasyon, pareho lang ang lakas at katangian ng taong ito, ngunit mas produktibo ang huli dahil mas epektibo ang kasangkapang ginagamit niya. Ang mga kasanayan sa pagtuturo ay nagiging mga banal na kasangkapan sa mga kamay ng Espiritu.

Ang pagsasanay at pagpapraktis, dula-dulaan, pag-aaral, at pagmamasid ay makakatulong sa isang guro, anuman ang antas ng kanyang kasanayan, na mapagbuti ang mga kasanayang magagamit ng Espiritu—na tutulong sa atin na makapagturo nang higit na katulad ng Panginoon. Marami sa mga kasanayang ito ang maaaring mapagbuti sa mga teacher council meeting.

young woman standing in front of class

Maaari Tayong Hubugin at Bigyan ng Hugis ng Panginoon

Maaaring madama ng ilan na hindi talaga sila makapagtuturo na katulad ng Tagapagligtas—na ang gayong hangarin ay hindi abot ng kanilang mga kakayahan. Maaaring naisip ni Pedro na simpleng mangingisda lamang siya; ni Mateo, na isang hamak lamang siyang maniningil ng buwis. Subalit sa tulong ng Tagapagligtas, pareho silang naging magaling na lider at guro ng ebanghelyo.

Ang kakayahang ito ng Panginoon na hubugin at bigyan tayo ng hugis ay hindi nalalayo sa karanasan ni Michelangelo sa paglilok na itinuturing ng marami na pinakamagandang lilok ng kamay ng tao—si David.

Bago nagsimula ang proyekto ni Michelangelo, dalawang iba pang iskultor, sina Agostino di Duccio at Antonio Rossellino, ang naatasang kumpletuhin ang mga estatwa. Kapwa sila naharap sa iisang problema: tama lang ang taas at lapad ng marmol, ngunit malaki ang depekto nito. Sinubukan na ni Di Duccio at pagkatapos ay ni Rossellino ang kanilang talento sa sining sa marmol na ito, ngunit walang nangyari. Sadyang napakaraming depekto ng marmol.2 Sa huli, sumuko sila pareho. Nakita rin ni Michelangelo ang mga depektong ito, ngunit may nakita rin siyang higit pa roon. Nakita niya ang tila buhay, humihinga, at napakagandang anyo ni David na ngayon ay madalas magpamangha sa sinumang makakita rito sa unang pagkakataon.

Sa gayon ding paraan, ipinahayag ng Diyos na ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo ay “[ihahayag] ng mahihina at ng mga pangkaraniwang tao sa mga dulo ng daigdig” (D at T 1:23). Nakikita ng Diyos ang ating mga pagkukulang at pagkakamali, ngunit may nakikita rin Siyang higit pa roon. May kakayahan Siya hindi lamang na tulungan tayong madaig ang ating mga kahinaan kundi tulungan din tayong gawing kalakasan ang ating mga kahinaan (tingnan sa Eter 12:26–27). Matutulungan Niya tayong mas mapagbuti at mapahusay ang ating mga kasanayan sa pagtuturo at mga katangian upang makapagturo tayo nang higit na katulad ng Tagapagligtas.

Mga Paraan na Makapagtuturo Tayo nang Higit na Katulad ng Tagapagligtas

Ang mga sumusunod ay ilan sa mga pangunahing elementong kailangan nating pagsikapang lahat upang makapagturo nang higit na katulad ng Tagapagligtas:

  • Magturo sa pamamagitan ng Espiritu, batid na ang Espiritu ang nagbibigay-buhay at liwanag sa ating mga lesson (tingnan sa D at T 43:15).

  • Magtuon sa doktrina, na kinikilala na ang doktrinang itinuturo sa mga banal na kasulatan at ng mga buhay na propeta ay may likas na kapangyarihang baguhin ang mga buhay (tingnan sa Alma 31:5).

  • Maging masigasig na mag-aaral, batid na ang ulirang guro ay isa ring ulirang mag-aaral (tingnan sa D at T 88:118).

  • Maghangad ng paghahayag, batid na kasama sa bawat tungkuling magturo ang karapatang tumanggap ng paghahayag para magampanang mabuti ang tungkuling ito (tingnan sa D at T 42:61).

  • Magpakita ng pagmamahal sa pamamagitan ng pag-alam sa pangalan ng bawat estudyante, pagdarasal para sa bawat isa sa kanila, pagmamalasakit sa bawat isa sa kanila (lalo na sa mga may espesyal na mga pangangailangan), at pagtulong sa makabuluhang paraan sa mga hindi nakakadalo (tingnan sa Moroni 7:47–48).

Isang Pagsusuri sa Sarili

Ibinigay ni Apostol Pablo ang payong ito: “Siyasatin ninyo ang inyong sarili, kung kayo’y nangasa pananampalataya” (II Mga Taga Corinto 13:5). Maaari natin itong ipahayag sa ibang pangungusap para basahin ng mga guro, “Siyasatin ninyo ang inyong sarili, kung kayo ba ay nagtuturo sa paraan ng Tagapagligtas o sa inyong paraan.” Ang simula ng taon ay angkop na panahon para gawin ang gayong pagsusuri. Alinsunod dito, inaanyayahan kayong sagutin ang mga tanong sa pagsusuri sa sarili na nakalakip sa artikulong ito. Sa paggawa nito, tutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung ano ang dapat ninyong pagtuunan para maging isang gurong higit na katulad ng Tagapagligtas, at kung paano ninyo makakamtan at mapagbubuti ang mga katangian at kasanayang kailangan para magawa ito.

Mga Tala

  1. J. B. Priestley, Rain Upon Godshill (1939), 176.

  2. Tingnan sa “Michelangelo’s David,” accademia.org/explore-museum/artworks/michelangelos-david.