Kalayaang Pangrelihiyon: Batong Panulok ng Kapayapaan
Para sa buong teksto ng mensaheng ito, magpunta sa .
Ibinigay ni Elder Christofferson ang mensaheng ito sa kumperensya ng iba’t ibang relihiyon na ginanap sa São Paulo, Brazil, noong Abril 29, 2015.
Nawa’y pagsikapan nating matamo ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagtutulungan para maingatan at maprotektahan ang kalayaan ng lahat ng tao na manampalataya at mamuhay ayon sa relihiyon o paniniwala na pinili nila.
Lubos kong ipinagpapasalamat ang paanyaya na makasama ninyo ngayong gabi sa pagtitipong ito ng iba’t ibang relihiyon, kung saan ang mga Muslim, Sikh, Katoliko, Adventist, Hudyo, Evangelical, Mormon, native spiritualist, mga walang pananampalataya, at marami pang iba ay kasama ng mga pinuno ng pamahalaan at negosyo para pag-usapan at ipagdiwang ang kalayaang pangrelihiyon. Tunay ngang ang mismong pagtitipon natin sa natatanging okasyong ito ay maituturing nang matibay na simbolo.
Masaya akong makapunta rito sa Brazil, isang bansa na may maraming iba’t ibang kultura at tao. Sa pagtanggap sa maraming pagkakaiba-ibang ito, kabilang na ang iba’t ibang relihiyon, ang Brazil ay umunlad at patuloy na uunlad. Kamakailan lang, ang Brazil ay kinilala bilang bansa na may pinakakaunting restriksyon para sa relihiyon.1 Binabati ko ang Brazil sa mahalagang pagkilalang ito. Ang Brazil ngayon ay may responsibilidad na mamuno sa pandaigdigang kilusan na magtataguyod sa kalayaang ito. Tulad ng sinabi ni Jesucristo sa Bagong Tipan:
“Kayo ang ilaw ng sanglibutan. Ang isang bayan [o sa pagkakataong ito, isang bansa] na natatayo sa ibabaw ng isang bundok ay hindi maitatago. …
“Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:14, 16).
Mga kagalang-galang kong kasamahan, kailangan ng mundo ang patuloy at matingkad na liwanag ng Brazil. Ngayong gabi ipinagdiriwang natin ang maaaring kahinatnan ng pangarap na iyan.
Background at mga Pangunahing Tuntunin
Ang kalayaang pangrelihiyon ay ang batong panulok ng kapayapaan sa mundo na may napakaraming nagsasalungatang pilosopiya. Binibigyan tayo nito ng laya upang matukoy natin sa ating sarili kung ano ang ating iisipin at paniniwalaan—na sundin ang katotohanang sinasabi ng Diyos sa ating mga puso. Tumutulong ito na mapayapang makapamuhay nang magkakasama ang mga may iba‘t ibang paniniwala, maprotektahan ang mahihina, at maisaayos ang ating mga hindi pagkakaunawaan. Kaya nga, tulad ng magaling na pasiya ng European Court of Human Rights sa maraming kaso, ang kalayaang pangrelihiyon ay kailangan ng mga nananampalataya at “mahalaga para sa mga ateista, agnostiko, mapag-alinlangan, at sa mga walang pakialam.” Ito ay dahil “nakasalalay sa kalayaang pangrelihiyon ang mapayapang pamumuhay nang sama-sama ng mga taong may iba’t ibang paniniwala, na bahagi ng isang demokratikong lipunan, na siyang matagal nang ipinaglalaban ng mga tao.”2
Ang masiglang kalayaan ay hindi lamang ang tinatawag ng mga pilosopo sa pulitika na “negatibong” kalayaan na mabuting hayaan na lamang, kahit gaano pa man ito kahalaga. Sa halip, ito ay mas maringal at “positibong” kalayaan—ang kalayaang maipamuhay ng isang tao ang kanyang relihiyon o paniniwala kung saan ang mga batas, pulitika, at lipunan ay mapagparaya, iginagalang, at tinatanggap ang iba’t ibang paniniwala.
Ginagamit natin ang ating kalayaang pangrelihiyon at paniniwala upang maitatag natin ang ating buod na mga paniniwala, na kung wala ito, ang iba pang karapatang pantao ay mawawalan ng halaga. Paano natin makakamtan ang kalayaan sa pagpapahayag kung hindi naman natin maipapahayag ang tunay nating paniniwala? Paano natin makakamtan ang kalayaan sa pagtitipon kung hindi naman tayo makapagtitipon kasama ng ibang kapareho natin ang mga pamantayan? Paano natin matatamasa ang kalayaan sa paglalathala kung hindi naman natin maipalilimbag o maibabahagi sa publiko kung sino talaga tayo?
Ang magandang balita ay mayroong kapansin-pansing pag-unlad sa pagpapalaganap sa kalayaang pangrelihiyon. Nakita ko mismo sa aking buhay ang mga naging pag-unlad na ito. Halimbawa, noong 1948, noong tatlong taong gulang pa lamang ako, pinagtibay ng United Nations General Assembly ang Universal Declaration of Human Rights, na nagpahayag na “lahat ng tao ay dapat magkaroon ng karapatang mag-isip, karapatang sundin ang kanyang konsiyensya, at karapatang pangrelihiyon.”3
Noong ako ay 21 anyos, isang kasunduan ang sinimulang gawin upang magkaroon ng bisa ang pahayag na ito ng United Nations. Ang kasunduang iyon—na kilala bilang International Covenant on Civil and Political Rights—ay nagpatibay sa ideya na ang bawat tao ay dapat magkaroon ng “kalayaang magkaroon o pumili ng relihiyon o paniniwala na nais niya, at kalayaan, na maaaring pansarili o panlipunan kasama ang iba at na maaaring sa publiko o sa pribadong lugar, na ipahayag ang kanyang relihiyon o paniniwala sa pamamagitan ng pagsamba, pagsunod, pagsasabuhay, at pagtuturo.”4 Ang kasunduang ito ay nagkaroon ng bisa pagkaraan ng 10 taon noong 1976.
Sa taong 2017, 169 na bansa na ang bahagi ng kasunduang ito—halos lahat ng mauunlad na bansa sa mundo.5 Ang American Convention on Human Rights (ang Pact of San José, Costa Rica), na pinagtibay noong 1969 at naipatupad simula pa noong 1978, ay nagpoprotekta sa kalayaang pangrelihiyon sa halos magkaparehong pananalita.6
Malalakas ang katibayang sumusuporta sa pag-unlad na nangyari na, at dapat lamang na maganyak tayong mas magsikap pa. Ang kalayaang pangrelihiyon ay may matibay na kaugnayan sa iba’t ibang pag-unlad sa ekonomiya, kalusugan, at kapakanan ng mamamayan.7 Karaniwan, ang mga relihiyosong tao ay may mas mabuting buhay-pamilya, mas matibay ang pagsasama ng mag-asawa, mas mababa ang posibilidad na gumamit ng ipinagbabawal na gamot at masangkot sa krimen, mas mataas ang pinag-aralan, mas handang magboluntaryo at sumuporta sa mga pagkakawanggawa, mas maganda ang ugali sa trabaho, mas mahaba ang buhay, mas malulusog, mas malaki ang kinikita, at mas mataas ang antas ng pamumuhay at kaligayahan.8 Malinaw na ang kalayaang pangrelihiyon at ang pamumuhay ayon sa relihiyon ay nagpapalakas sa lipunan.
Ang Pangangailangan sa Pag-iingat at Pakikiisa
Sa kasamaang palad, ang proteksyong ibinibigay sa kalayaan sa relihiyon at paniniwala ay kadalasang mahina, hindi nasusunod, at tinutuligsa. Matinding sinasalungat at pinipigilan ang kalayaang pangrelihiyon kahit na patuloy itong lumalakas—pati sa mga bansang matagal nang pumoprotekta rito. Sa maraming bansa, nakalalamang at lalo pang tumitindi ang mga pagsalungat na ito. Marahil hindi sukat maunawaan ng malaking bahagi ng mundo ang uri ng pagdiriwang na ginagawa natin dito sa Brazil.
Kapansin-pansin na noong 2013, mga 5.5 bilyong tao—77 porsiyento ng populasyon ng mundo—ang nakatira sa mga bansa kung saan may mahigpit o napakahigpit na restriksyon sa kalayaang pangrelihiyon, na tumaas mula sa 68 porsiyento sa nakaraang anim na taon.9
Halos lahat ng demokrasya sa Kanluran ay nagpapahayag na naniniwala sila sa alituntunin ng kalayaang pangrelihiyon. Ang pamumuhay ayon sa alituntuning ito ang siyang nagdudulot ng kontrobersya. Ang mga pagbabanta sa kalayaang pangrelihiyon ay karaniwang nagsisimula kapag ang mga tao o institusyong naniniwala sa relihiyon ay may nais sabihin o gawin—o ayaw sabihin o gawin ang isang bagay—na salungat sa mga pilosopiya o mithiin ng mga nasa kapangyarihan, kabilang na ang mga mayorya sa politika. Kadalasan ang relihiyon ay salungat sa kultura kaya hindi ito popular. Sa kadahilanang ito, ang kalayaang pangrelihiyon, kahit na kadalasan ay sinusuportahan ang alituntunin nito, ay masigasig na sinasalungat kapag ipinamuhay na.
Sa Europa at Hilagang Amerika, nagkaroon ng pagtatalu-talo tungkol sa isyung tulad ng kung maaaring makapagdesisyon ang mga simbahan kung sino ang maaaring tanggapin (o hindi tanggapin) bilang kanilang mga ministro, kung maaaring magsuot ang mga indibiduwal ng mga damit o simbolong pangrelihiyon sa trabaho o paaralan, kung ang mga kumpanya ay dapat magbayad para sa mga contraceptive at pagpapalaglag ng kanilang mga empleyado, kung ang mga indibiduwal ay maaaring piliting magbigay ng serbisyong labag sa kanilang paniniwala, kung ang professional o university accreditation ay maaaring hindi ibigay o bawiin dahil sa mga pamantayang moral o paniniwala, at kung ang mga organisasyong pangrelihiyon ng mga estudyante ay maaaring utusang tanggapin ang mga estudyanteng may ibang mga paniniwala.
Ang Brazil, na may maraming iba’t ibang relihiyon, ay nahaharap din sa mga isyu katulad niyon, tulad ng pasasara ng mga negosyo tuwing Linggo, pasusuot ng mga damit pangrelihiyon, at ang proteksyong ibinibigay sa mga tradisyong Afro-Brazilian. Nagpapasalamat tayo na marami sa mga bagay na ito ay nalutas nang pabor sa kalayaang pangrelihiyon. Ang mabilis at nararapat na paglutas sa mga isyu tungkol sa malayang pamumuhay ng relihiyon ay magiging mahalaga sa patuloy na paggalang ng Brazil sa pagkakaiba-iba nito. Sa pagpapahintulot sa mga tao at organisasyon na hayagang ipamuhay ang kanilang relihiyon nang hindi sinasalungat o pinararatangan, ang Brazil ay patuloy na magliliwanag at magiging halimbawa na maaaring makaroon ng kalayaang pangrelihiyon ang buong mundo.
Hinihikayat ko kayong mahigpit na panghawakan ang mga kalayaang itinatag ninyo sa inyong mga tahanan at matapang na itaguyod ang kalayaang pangrelihiyon sa buong mundo. Ang pangangailangang protektahan at pangalagaan ang kalayaang pangrelihiyon—sa pantay at balanseng paraan na poprotekta rin sa mga pangunahing karapatan ng iba—ay sadyang napakahalaga.
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nalulugod na makasama kayo at ang iba pa sa mahalagang gawaing ito. Bagama’t umaasa tayo na makagagawa ng kaibhan ang mga pagsisiskap natin, kailangan natin itong gawin nang sama-sama, dahil hindi natin mapagtatagumpayan ang laban na ito nang mag-isa. Inuulit ko ang sinabi kamakailan ng aking kasamang si Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol sa isang pagtitipong tulad nito:
“Napakahalaga na tayong mga naniniwala sa Diyos at sa katotohanan ng pag-iral ng tama at mali ay lalong magkaisa upang protektahan ang ating kalayaang pangrelihiyon na ipangaral at ipamuhay ang ating pananampalataya sa Diyos at ang mga tuntunin ng tama at mali na Kanyang itinatag. … Ang tanging kailangan upang magkaroon ng pagkakaisa at malawak na pagtutulungan katulad sa iminumungkahi ko ay ang karaniwang paniniwala na mayroong tama at mali sa pag-uugali ng tao na pinagtibay ng isang Dakilang Nilalang. Lahat ng naniniwala sa pangunahing [alituntuning] iyon ay dapat makiisa upang mas mabisang mapangalagaan at mapalakas ang kalayaang isulong at ipamuhay ang ating mga paniniwala sa relihiyon, anuman ang mga ito. Kailangan nating lumakad nang sama-sama sa iisang landas upang matiyak ang ating kalayaang tahakin ang magkakahiwalay nating landas kapag kailangan ayon sa ating sariling paniniwala.”10
Ang ating gawain ay magiging mahirap at mangangailangan ng patuloy na pagbabantay, ngunit ito ay tunay na napakahalaga.
Magtatapos ako sa pagbanggit ng isang bahagi mula sa Doktrina at mga Tipan. Ito ay inihayag noong 1835, sa panahong kahit protektado sila ng konstitusyon, ang aking mga ninuno ay pinaalis mula sa kanilang mga tahanan dahil sa kanilang pagtanggap sa isang paniniwala na para sa iba ay bago at kakaiba. Kaya nga, ito ay isang mahinahong paalala para sa ating panahon, lalo na ngayong ang mga restrikyon sa kalayaang pangrelihiyon ay nagmumula rin sa mga bansang yumayakap sa alituntunin nito, ngunit kung minsan ay hindi ito isinasabuhay.
Sabi sa aming banal na kasulatan, “Walang pamahalaang makaiiral sa kapayapaan, maliban kung ang gayong mga batas ay binalangkas at ipinalagay na hindi malalabag nang masiguro sa bawat tao ang malayang paggamit ng budhi.” Ang mga pamahalaan ay maaaring “sugpuin ang krimen, subalit hindi kailanman pamahalaan ang budhi; nararapat [nilang] parusahan ang may pagkakasala, subalit di kailanman sawatahin ang kalayaan ng kaluluwa” (D at T 134:2, 4).
Nawa’y pagsikapan nating matamo ang kapayapaan sa pamamagitan ng pagtutulungan para maingatan at maprotektahan ang kalayaan ng lahat ng tao na manampalataya at mamuhay ayon sa relihiyon o paniniwala na pinili nila, ito man ay para sa sarili o komunidad kasama ang iba, sa tahanan o sa ibang lugar, sa publiko o pribado, at sa pagsamba, paggalang, pagsasabuhay, at pagtuturo.