Pagtatanggol sa Simbahan
Ang mga awtor ay naninirahan sa Baden-Württemberg, Germany, at Utah, USA.
“Ako’y kabilang sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Alam ko kung sino ako. Alam ko ang Plano ng Diyos” (Children’s Songbook, 77).
Katatapos lang ng unang pagsisimba ni Easton sa Germany. Inakala niyang magiging iba ito, ngunit halos katulad din ito ng pagsisimba niya sa kinalakihan niya sa Estados Unidos. Ngunit dito lamang siya nakapagsuot ng headphones para makinig sa mga mensahe na isinalin sa Ingles.
Nakipagkwentuhan si Inay at si Itay sa pamilyang nakaupo sa likuran nila. Mukhang may anak sila na lalake na kasing edad niya!
“Sila ang mga Finottos,” wika ni Inay kay Easton. “Si GianMarco ay makakasama mo sa iyong klase sa paaralan.”
“Ayos!” Nginitian ni Easton si GianMarco. Ang pangalan niya ay katunog ng “John” at “Mark” na pinagdugtong—na may “o” sa dulo. “Taga-saan ka?”
Nginitian din siya ni GianMarco. “Taga-Italy kami. Pero kalilipat lang ng pamilya namin dito mula sa Tsina.”
“Wow!” sabi ni Easton. “Di pa ako nakakarating sa China.”
Sa sumunod na araw, pumasok si Easton sa kanyang bagong paaralan. Medyo kabado siya noon. Ngunit nakita niya si GianMarco na kinakawayan siya sa tapat ng kanilang silid. Kahit papaano, may isang kaibigan na siya. May mga batang mula sa iba-ibang dako ng mundo sa klase nila. Siguro magugustuhan niya ang paaralan na ito.
“Magandang umaga!” Nginitian ng guro ang lahat. “Ako si Bb. Albano. Bilang panimula, may makakapagsabi ba sa akin kung ano ang kahulugan ng pagkakakilanlan?”
Isang babae ang nagtaas ng kamay. “Ito ay kung sino ka. Ano ang mahalaga para sa iyo.”
“Eksakto!” sabi ni Bb. Albano. “Kaya kikilalanin natin ang isa’t-isa. Ano ang ilang mga bagay na bahagi ng inyong pagkakakilanlan? Paano ka naging ikaw?”
“Gusto ko ng mga video games!” sabi ng babae sa unahan. Ngumiti si Bb. Albano at sinulat ang libangan sa pisara. “Ano pa?”
Tinaas ni GianMarco ang kanyang kamay. “Taga Italy po ako.” Tumango si Bb. Albano at sinulat ang bansa.
Nag-isip si Easton ng pwedeng maisagot. “Nagsisimba po ako,” sabi ng isang lalaki sa likuran.
“Maganda iyan!” Naisip ni Easton. “Sinabi ko sana iyon.”
May tumawa. Tapos nagtawanan ang mga bata. Tumingin si Easton kay GianMarco nang nagtataka. Mukhang nagtataka rin si GianMarco. Bakit sila tumatawa?
Pagkauwi niya, ikinuwento ni Easton kay Inay ang nangyari.
Nalungkot si Inay. “May mga taong hindi nauunawaan kung bakit mahalaga ang pagsisimba. Tingin nila ay hindi ito mahalaga.”
“Oh,” sabi ni Easton. Palagay naman niya mahalaga talaga ang pagsisimba.
Pagkaraan ng ilang linggo, sinabi ni Bb. Albano sa kanyang mga estudyante na gumawa ng presentasyon kasama ang isang magulang tungkol sa pagkakakilanlan ng kanilang mga pamilya.
“Ano ang dapat na maging proyekyo natin?” Tinanong ni Inay habang naghahain sila ng hapunan.
Inalala ni Easton kung paano nagtawanan ang klase. “Siguro gawin natin ang tungkol sa Simbahan,” sabi ni Easton.
Ngumiti si Inay. “Magandang ideya iyan.”
“Pwede ba natin ito gawin kasama sina GianMarco at Sister Finotto?”
“Magandang iyan. Tatawagan ko sila pagkatapos ng hapunan.”
Kinabukasa’y dumating sina GianMarco at Sister Finotto. Una pinag-usapan nila kung ano sa palagay nila ang pinakamahalaga tungkol sa Simbahan. Isinulat ni Inay ang lahat ng mga naisip nila sa isang talaan. Pagkatapos ay kumuha sila ng mga poster board at nakakita ng mga larawan ni Jesus at ng mga propeta at mga templo na ididikit.
Sa wakas oras na para sa kanilang presentasyon. Tumayo si Easton kasama si GianMarco at ang kanilang mga ina sa harap ng klase. Huminga siya nang malalim.
“Kami ay mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw;” pasimula niya. Nagsalitan sila ng pagpapaliwanag tungkol sa Simbahan. Tinalakay ni GianMarco ang tungkol sa mga banal na kasulatan. Tinalakay ni Inay ang tungkol sa mga propeta. Tinalakay ni Sister Finotto ang tungkol sa family home evening. Tinalakay ni Easton ang tungkol sa pagbibinyag. Ayos talaga iyon!
Maganda talaga ang pakiramdam ni Easton nang matapos sila. Walang tumawa—lubhang nasiyahan ang mga bata! Masaya siyang nakapagbahagi ng isang mahalagang bagay sa kanyang klase. Napangiti siya. Alam niya ang kanyang pagkakakilanlan. Siya ay anak ng Diyos!