“Ano ang Sabi Ninyo Kung Sino Ako?”
Ang Patotoo ni Pedro kay Cristo
Kapag natutuhan nating mahalin at makilala ang Apostol na si Pedro, mas matatanggap natin ang kanyang natatanging pagsaksi kay Cristo.
Si Apostol Pedro ay minamahal ng mga nagsisisampalataya—marahil dahil siya ay lubos na matapat at madali natin siyang maintindihan. Maiuugnay natin ang ating sarili sa kanya. Hinahangaan natin ang kanyang katapangan nang iwan niya ang lahat, at “pagdaka’y” iniwan ang kanyang mga lambat nang mag-anyaya ang Panginoon, “Magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:18–20). Nauunawaan natin na nalito siya sa kahulugan at mensahe ng mga talinghaga (tingnan sa Mateo 15:15–16). Nadama natin ang kanyang matinding takot sa kanyang pagsamo, “Panginoon, iligtas mo ako,” nang isang gabi ay manghina ang kanyang mga paa at pananampalataya sa maalong tubig ng Dagat ng Galilea (Mateo 14:22–33). Pinahalagahan natin ang kanyang pagkamangha sa Bundok ng Pagbabagong-anyo (tingnan sa Mateo 17:1–13). Tumangis din tayong kasama niya dala ng hiya dahil sa kanyang tatlong beses na pagkakaila (tingnan sa Mateo 26:69–75), nalungkot din tayo kasama niya sa Getsemani (tingnan sa Mateo 26:36–46), at natuwa at namanghang kasama niya sa libingang walang laman (tingnan sa Juan 20:1–10).
Marahil nais ng mga manunulat ng Ebanghelyo na magkaroon tayo ng personal na ugnayan kay Pedro. Sa kanilang mga tala, tila sinadya nilang higit na ingatan ang kanyang mga karanasan at pakikipag-usap kay Jesus kaysa iba pang orihinal na Labindalawa.1 Iniisip ng marami sa atin na sadyang binigyang-pansin si Pedro sa mga Ebanghelyo dahil siya ang tagapagsalita at nangunguna sa mga Apostol. At marahil madalas ding banggitin at bigyang-pansin nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan ang mga pakikipag-ugnayan ni Pedro kay Cristo, dahil umaasa sila na kapag natutuhan nating mahalin at unawain si Pedro, mas matataggap natin ang kanyang natatanging pagsaksi kay Cristo—isang patotoong maingat siyang inihanda para ibahagi.
Ang Paghahanda ni Pedro
Sa pagsama ni Pedro kay Jesus sa Kanyang mortal na ministeryo, ang saksi at patotoo ng Apostol na ang Panginoon ang Mesiyas ay natamo niya marahil sa pamamagitan ng intelektwal, praktikal na mga karanasan, at mga paghahayag na ibinigay sa kanya. Ibig sabihin, ang kanyang patotoo, tulad nang sa atin ngayon, ay natanggap sa pamamagitan ng kanyang isip, mga kamay, at puso.
Alam ni Pedro na si Jesus ng Nazaret ay higit pa sa isang tao, dahil nakita niya na nagbigay Siya ng paningin sa bulag, nilinis ang ketongin, pinalakas ang pilay para makalakad, at binuhay ang patay (tingnan sa Mateo 11:4–5; tingnan din sa Juan 2:11; 10:25; 20:30–31). Ang nalaman niya sa pamamagitan ng kanyang isipan na si Jesus ang Cristo ay pinatatag ng kanyang natutuhan sa pagsunod sa mga tagubilin ng Panginoon. Inihagis niya ang kanyang lambat gaya ng tagubilin ng Tagapagligtas at siya ay nakahuli ng napakaraming isda (tingnan sa Lucas 5:1–9; Juan 21:5–7). Nang sinabi sa kanya ng Tagapagligtas na “halika,” siya ay lumakad sa ibabaw ng tubig (tingnan sa Mateo 14:22–33). At nang ipinasa niya ang kakaunting tinapay at isda sa maraming tao ayon sa utos ng Tagapagligtas, ang himala ng pagpaparami nito ay nangyari mismo sa kanyang mga kamay (tingnan sa Juan 6:1–14).
Ang mga patotong iyon na nakita niya at nahawakan ng kanyang mga kamay ay lalo pang nagpatibay sa pinakamalakas na patotoo na ibinigay kay Pedro—ang patotoong inihayag sa kanyang puso. Nang itanong ni Jesus sa Kanyang mga disipulo, “Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ang Anak ng tao?” isinagot nila ang karaniwang sinasabi ng karamihan sa kanilang mga nakasalamuha. At pagkatapos ay ginawang personal ng Tagapagligtas ang kanyang tanong, “Ano ang sabi ninyo kung sino ako?” (tingnan sa Mateo 16:13–15). Nang walang pag-aatubili, sinabi ni Pedro:
“Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay.
“At sumagot si Jesus at sa kaniya’y sinabi, Mapalad ka, Simon Bar-Jonas: sapagka’t hindi ipinahayag sa iyo ito ng laman at ng dugo, kundi ng aking Ama na nasa langit” (Mateo 16:16–17).
Ang paghahanda ni Pedro na maging natatanging saksi ni Cristo ay kinabilangan ng ilang maituturing na personal na karanasan kasama si Jesus.2 Ang gayong mga personal na payo at tagubilin ay kadalasang dumarating kapag nagtanong siya sa Tagapagligtas o kaya naman ay nadama ni Cristo na kailangan pa niyang matuto.3
Sa lahat ng disipulo ni Cristo, si Pedro na marahil ang pinakamadalas na mapagsabihan.4 Ngunit kapansin-pansin na hindi pinili ni Pedro na maghinanakit, bagkus ay nagpatuloy siya sa pagsunod sa Panginoon, na nagdaragdag sa kanyang patotoo sa araw-araw at natututo sa Kanya.5
Ang paghahanda ng mangingisdang mula sa Galilea ay natapos na sa nasaksihan niya pagkatapos maipako sa krus si Cristo. Nang marinig ang tungkol sa libingang walang laman, dali-daling nagpunta si Pedro para makita niya mismo ito at siya ay “nanggigilalas sa nangyaring yaon” (Lucas 24:1–12; tingnan din sa Juan 20:1–9). Itinala ni Lucas na noong araw ding iyon, ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ay nagpakita nang sarilinan kay Pedro, ngunit kakaunti lamang ang nalalaman natin tungkol sa pangyayaring ito (tingnan sa Lucas 24:34; 1 Mga Taga Corinto 15:3–7). Noong gabing iyon, ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ay nagpakita sa mga Apostol at sa iba pang mga disipulo, at inanyayahan silang damhin ang mga sugat sa Kanyang katawan. Pagkatapos ay tinulungan Niya silang maunawaan kung paano tinupad ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ang mga propesiya na nakatala sa batas ni Moises at sa mga banal na kasulatan, nagsasabing, “Kayo’y mga saksi ng mga bagay na ito.” (tingnan sa Lucas 24:36–48; tingnan din sa Marcos 16:14; Juan 20:19–23). Kalaunan ay naglakbay patungo sa Galilea ang 11 disipulo, gaya ng tagubilin sa kanila ng Tagapagligtas, at doon “sa bundok na sa kanila’y itinuro ni Jesus,” tiniyak Niya sa kanila na, “Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin” (tingnan sa Mateo 28:7, 10, 16–20).
Sa lahat ng ito, ang isipan, mga kamay, at puso ni Pedro ay patuloy na tinuruan upang maging saksi sa nabuhay na mag-uling Cristo, dahil nakita ng kanyang mga mata ang nabuhay na mag-uling Panginoon, narinig ng kanyang mga tainga ang Kanyang tinig, nahawakan Siya ng kanyang mga kamay, at tunay ngang nadama niyang muli ang pagpapatunay ng Espiritu sa kanyang puso.
Ang Tungkulin ni Pedro
Tulad sa paraan na kinailangan ni Pedro ng panahon, pagtuturo, at karanasan upang lubos na maunawaan ang nagbabayad-salang misyon ng Mesiyas, paunti-unti rin niyang naunawaan ang kanyang misyon bilang natatanging saksi ni Cristo.
Marahil lubos na naunawaan ni Pedro ang kinakailangan mula sa kanya nang turuan siya ng Panginoon sa dalampasigan ng Dagat ng Galilea. Nadama na niya nang dalawang beses ang mga sugat sa katawan dulot ng Pagkakapako ng nabuhay na mag-uling Panginoon, ngunit dahil tila hindi pa niya alam kung ano ang kanyang gagawin, sinabi ni Pedro, “Mangingisda ako” (Juan 21:3). Ngayong hindi na nila kasama si Jesus, tila handa na si Pedro na bumalik sa kanyang dating buhay at trabaho. Sumunod sa kanya ang kanyang mga kapatid.
Magdamag silang nangisda, ngunit wala silang nahuli. Habang papalapit na sila sa pampang, at malamang ay pagod na pagod at pinanghinaan na ng loob, nakita nila ang isang taong nakatayo na di nila nakilala, na nagsabing ihagis nilang muli ang kanilang mga lambat. Dahil na rin siguro naalala nila na noon ay nakahuli sila nang marami nang sinunod nila ang kaparehong payo, sumunod sila nang walang pag-aalinlangan (tingnan sa Lucas 5:1–9; Juan 21:3–6). Habang iniaahon nila ang kanilang mga lambat na puno na muli ng maraming isda, napasigaw si Juan kay Pedro, “Ang Panginoon nga” (Juan 21:7). Sa sobrang inip na makarating sa pampang ang kanilang bangka, si Pedro ay “tumalon sa dagat” upang maunang makarating sa Panginoon (Juan 21:7). Nang makarating na roon ang iba pa, nakita nilang may isda at tinapay na naghihintay sa kanila (tingnan sa Juan 21:9).
Pagkatapos kumain, bumaling si Jesus kay Pedro at, malamang na itinuturo ang isdang sinikap hulihin ni Pedro, tinanong ang Kanyang Apostol, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo baga ako ng higit kay sa mga ito?” (Juan 21:15). Siguradong inisip ni Pedro na kakatwa ang tanong na ito. Siyempre pa, mas mahal niya ang Tagapagligtas nang higit pa sa isda—o sa pangingisda. Marahil ay may kasamang pagtataka ang kanyang pagsagot, “Oo, Panginoon; nalalaman mo na kita’y iniibig,” at kaagad naman sumagot si Cristo, “Pakanin mo ang aking mga kordero” (Juan 21:15). Muling tinanong ng Tagapagligtas si Pedro, at muling ipinahayag ni Pedro ang kanyang pagmamahal kay Cristo, at muling iniutos ni Cristo, “Alagaan mo ang aking mga tupa” (Juan 21:16). Nalungkot si Pedro nang magtanong sa ikatlong pagkakataon ang Tagapagligtas para maipahayag ng disipulo ang kanyang pagmamahal. Madarama natin ang kalungkutan at damdamin sa ikatlong sagot ni Pedro, “Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay; nalalaman mo na kita’y iniibig” (Juan 21:17). Muling iniutos ni Jesus, “Pakanin mo ang aking mga tupa” (Juan 21:17).6 Kung tunay ngang mahal niya ang Panginoon, si Pedro ay hindi na muling mangingisda, at siya ay magiging pastol, na inaalagaan ang kawan ng Panginoon.7 Magbuhat noon, ang mga ginawa at ministeryo ni Pedro ay nagpapatunay na sa wakas ay naunawaan na niya ang kanyang tungkulin at misyon na maging natatanging saksi ni Cristo.
Ang Patotoo ni Pedro
Matapos ang araw na iyon sa Galilea, si Pedro ay humayo upang gampanan ang kanyang tungkuling natanggap mula kay Cristo nang may pambihirang pananampalataya, tapang, at kasipagan. Bilang nangungunang Apostol, ginampanan niya ang kanyang tungkulin na mangulo sa Simbahan. Kahit abala siya sa napakaraming gawain sa kanyang tungkulin, hindi nakaligtaan ni Pedro ang kanyang responsibilidad na laging maging saksi ni Cristo, pati na sa mga taong nagtipon sa pagbuhos ng Banal na Espiritu sa araw ng Pentecostes (tingnan sa Mga Gawa 2:1–41), sa templo sa portiko ni Salomon matapos ang mahimalang pagpapagaling (tingnan sa Mga Gawa 3:6–7, 19–26), noong siya ay hinuli at dinala sa harapan ng mga pinunong Judio (tingnan sa Mga Gawa 4:1–31; tingnan din sa Mga Gawa 5:18–20), sa kanyang pagtuturo sa mga Banal (tingnan sa Mga Gawa 15:6–11), at sa kanyang mga liham.
Sa kanyang mga liham, pinagnilayan niya ang kanyang personal na pagsaksi sa pagdurusa ni Cristo at ipinahayag ang kanyang pag-asa na maging “[kabahagi] naman sa kaluwalhatiang ihahayag” (I Ni Pedro 5:1). Nang malapit na ang katapusan, tapat niyang kinilala na “dumarating na madali ang paghiwalay ko sa aking tabernakulo, na gaya ng ipinahiwatig sa akin ng Panginoon nating Jesucristo” (II Ni Pedro 1:14).
Sa taimtim na pahayag na ito, marahil ay pinagninilayan ni Pedro ang mga sinabi sa kanya ni Jesus sa dalampasigan ng Galilea maraming taon na ang nakalipas. Doon, matapos utusan si Pedro na alagaan ang Kanyang mga tupa, sinabi ng Tagapagligtas, “Nang ikaw ay bata pa, ikaw ay nagbibihis, at ikaw ay lumalakad kung saan mo ibig; nguni’t pagtanda mo’y iuunat mo ang iyong mga kamay, at bibigkisan ka ng iba, at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig.” (Juan 21:18). Tulad ng paliwanag ni Juan, “Ito nga’y sinalita [ni Jesus], na ipinaalam kung sa anong kamatayan ang iluluwalhati [ni Pedro] sa Dios. At pagkasalita niya nito, ay sinabi niya [kay Pedro], Sumunod ka sa akin” (Juan 21:19). Malamang na sa kanyang katandaan habang iniisip ang tungkol sa kamatayan, nakadama si Pedro ng kapayapaan at kagalakan dahil alam niya na sinunod niya si Cristo sa buhay na ito at handa niyang sundin Siya hanggang sa kamatayan.
Hangad natin na sana’y mas marami pang naitala tungkol sa mga ginawa at naisulat ni Pedro sa Bagong Tipan. Ang mga naitala ay maituturing na kayamanan at nakatulong para mapamahal sa atin ang matapat na mangingisdang ito. Kahit na maikli lamang, ipinakita sa atin ng mga talang ito na si Pedro ay maingat at personal na inihanda ni Cristo upang maging Kanyang natatanging saksi. Sa pagbabasa natin ng mga salaysay na ito, madarama natin na kasabay ni Pedro, lalago ang ating pananampalataya at kaalaman tungkol kay Cristo. Ang paglagong iyan ay magbibigay sa atin ng pag-asa at pananaw sa ating personal na paglalakbay sa pagtatamo ng pananampalataya. Habang nakikita natin na naging malinaw kay Pedro ang inaasahan sa kanya ni Cristo at ginampanan niya nang may tapang at katapatan ang kanyang tungkulin na ibinigay ng Tagapagligtas, mapapaisip tayo, “Ano ang inaasahan ni Cristo sa akin?” at “Sapat na ba ang ginagawa ko?” Kapag pinag-aralan natin ang pagsaksi at pagpapatotoo ni Pedro kay Cristo masasabik tayong sambitin ang kanyang sinabi, “At kami’y nagsisisampalataya at nakikilala namin na ikaw ang Banal ng Dios” (Juan 6:69).