2018
Pagpapaubaya ng Aking mga Alalahanin sa Diyos
February 2018


Pagpapaubaya ng Aking mga Alalahanin sa Diyos

Ang awtor ay naninirahan sa Maule, Chile.

Nang malaman ko na may matinding pinagdadaanan ang aking kaibigan, nagsikap akong makahanap ng kapayapaan.

young woman

Paglalarawang ginamitan ng modelo

Nang hindi sumipot sa klase noong isang Biyernes ang aking kaibigang si Fernanda (hindi kanyang tunay na pangalan), nagtaka ako kung ano ang problema. “May sakit ba si Fer? OK ba siya?” tanong ko habang humahangos papunta sa ilang kaibigan sa pagtatapos ng araw. “Wala siyang sakit,” sagot ng isa pang kaibigan, “kailangan lang niyang pumunta sa isang psychologist.” Nang tinanong ko kung bakit, sinabi niya sa akin na may depresyon si Fernanda at sinasaktan ang sarili. Di-nagtagal nalaman ko na ipinasok sa ospital si Fernanda para gamutin, at hindi namin siya nakita nang ilang linggo.

Kahit magkaibigan kami, hindi niya naibahagi sa akin ang parteng iyon ng kanyang buhay. Itinago niya ito mula sa lahat sapagkat nahihiya siya. Kalaunan ay sinabi niya sa akin na ayaw niyang kaawaan siya o ang kanyang sitwasyon. Ngunit hindi ako naawa sa kanya—nakaramdam lang ako ng habag.

Nang unang araw na iyon, humiga ako sa aking kama pagkatapos ng eskuwela, nakasubsob ang aking mukha sa isang unan. Nakaramdam ako ng matinding pagod ngunit hindi makatulog sa sobrang pagkabalisa. Magulo sa akin ang mundo. Ramdam ko na parang nasa kalagitnaan ako ng unos, at napakaraming saloobin at damdamin ang pumapaikot sa hangin. Nadama kong ako’y nalilito, nag-iisa, at higit sa lahat, walang magawa para makatulong.

Paano Ako Makakatulong?

Ano ang magagawa ko o sasabihin upang tulungan siya? Paano kami magkakasama-sama bilang mga kaibigan at makapagbibigay ng aming suporta? Hindi ako makahanap ng anumang uri ng solusyon upang panatagin ang aking mga kaibigan o ang sarili ko. Nanalangin ako para sa inspirasyon ngunit nadama ko lang na hindi nasasagot ang aking mga dalangin.

Ngunit nang sumunod na linggo ay nagkaroon ako ng manipestasyon. Nakaupo ako sa klase sa maagang umaga ng seminary nang ipinaalala sa amin ng aming guro ang Unang Pangitain at kung paanong humiling ng tulong si Joseph Smith sa Ama sa Langit nang direkta tungkol sa kanyang mga paghihirap at alalahanin. Saka sinabi ng guro ko, “Kung hahanapin natin ang Ama at hihiling sa Kanya, sasagutin Niya tayo. Hindi tayo kailanman mag-iisa.”

Natanto ko na sa aking kalungkutan, isinara ko ang aking puso sa aking Ama sa Langit. Kahit nagsisikap ako na manalangin nang madalas, hindi sapat iyon—masyado pa rin akong nangangamba sa paghahanap ng kapayapaan. Alam ko na naiintindihan Niya ang talagang nadarama ko at matutulungan Niya ako. Ngunit kailangan kong buksan ang sarili ko sa Kanya at tunay na magtiwala na kaya Niya itong gawin—kinailangan kong manampalataya.

Ginawa ko nga iyon. Sa paglipas ng panahon, habang patuloy akong nagdarasal at nagbabasa ng mga banal na kasulatan, nagsisikap na ipaubaya sa Tagapagligtas ang aking mga pasanin, naunawaan ko na sa huli ay matatapos ang depresyon ng aking kaibigan. Kahit nariyan pa rin ang kaguluhan, ako ay panatag, balanse, at payapa. Patuloy na hinikayat ako ng aking ina na hanapin ang kapayapaan, at sinabi, “Magiging OK ang kaibigan mo at ganoon din ikaw. Manatiling matatag sa ebanghelyo, at magiging maayos ang lahat.”

Pagsuporta sa Aking Kaibigan

Nang sa wakas ay bumalik na si Fernanda sa paaralan, nakapagbigay ako ng malakas na suporta para sa kanya, ngunit iyon ay dahil lamang sa hinanap at natagpuan ko mismo ang kapayapaan sa pamamagitan ni Jesucristo. Sinikap kong maging isang mabuting tagapakinig, maging positibo, at maibahagi ang ebanghelyo. Tiwala ako nang ipinaliwanag ko ang plano ng kaligayahan at nang sabihin ko sa kanya na nais ng ating Ama na makahanap tayo ng kagalakan, sa kabila ng mga hamon sa atin. Maaaring tumagal ito, ngunit posibleng mangyari para sa bawat isa sa Kanyang mga anak.

Nagkaroon ng maraming mga sitwasyon sa aking buhay kung saan naramdaman ko ang pagdurusa at kalungkutan, ngunit dahil sa ebanghelyo ay lagi kong naaalala kung saan ako nanggaling. Alam ko na ako ay anak na babae ng Diyos at mayroon Siyang plano para sa akin—at para kay Fernanda. Tayong lahat ay tumatahak sa kani-kanyang landas, ngunit ang bawat isa ay para sa ating kabutihan dahil mahal Niya tayo. Ang bawat landas, bawat pagsubok, ay may layunin. At kung makakahanap tayo ng kapayapaan sa mga pagsubok na iyon, maibabahagi natin sa iba ang kapayapaan na nakuha natin.