Ang Aking Misyon sa Aking mga Kamag-anak
Ang awtor ay naninirahan sa Chihuahua, Mexico.
Ang tanong ng aking mission president ay hindi ko malimutan—bakit ako pinayagan ng Panginoon na manatili at tapusin ang aking misyon?
Nang buksan ko ang aking mission call, nagulat ako nang makita na itinalaga ako sa Mexico Veracruz Mission. Ang aking pamilya ay nanirahan sa Veracruz nang ako ay ipinanganak, at ang karamihan sa aking kamag-anak ay naninirahan doon. Kami lamang ang mga miyembro ng Simbahan sa aming pamilya, kaya nasasabik ako sa ideya na magkakaroon ako ng pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo sa aking mga kamag-anak.
Gayunpaman, nang naroon na, hindi ako nakapaglingkod sa isang lugar na malapit sa aking mga kamag-anak. Ibinigay ko ang kanilang mga address sa aking mga companion upang mabisita sila.
Noong labinlimang buwan na ako sa misyon, nagsimula akong magkaroon ng mga problema sa tuhod. Masakit na masakit ang aking tuhod at kung minsan ang sakit ay hindi ko makayanan. Nang magpunta ako sa doktor, sa kanyang pagsusuri ay operasyon ang tanging solusyon. Nangangahulugan iyon na maaga akong pauuwiin. Hindi ako makapaniwala na nangyayari ito; tatlong buwan na lang ang natitira sa aking misyon.
Nagpasiya akong bumaling sa Panginoon upang humingi ng kapanatagan at, kung maaari, isang himala. Bilang tugon sa aking panalangin, nadama ko ang lubos na ginhawa sa aking puso. Hinimok ako ng asawa ng aming mission president na may taos-pusong pagmamahal ng isang ina na umuwi upang magpagaling, at sumulat ako sa aking pamilya upang ipaalam sa kanila na darating ako sa loob ng dalawang linggo.
Pagkatapos nito, ininterbyu ako ng aking mission president. Sinabi niya sa akin na nakipag-ugnayan sa kanya ang aking ina at binigyan siya ng isang opsiyon: Maaaring pumunta ang aking ina sa Veracruz upang alagaan ako sa bahay ng aking tiya at tiyo sa panahon ng aking pagpapagaling, dahil kailangan kong itigil sandali ang mga gawaing misyonero. Sinabi sa akin ng aking president na posible ang opsiyong ito ngunit kailangang humingi muna siya ng pahintulot.
Nang malaman ko kalaunan na ipinagkaloob ang pahintulot, nadama ko na lumukso ang aking puso sa kagalakan—maaari na akong manatili at tapusin ang aking misyon! Sinambit ko ang isang panalangin ng pasasalamat.
Sa araw ng operasyon, sinabi sa akin ng aking mission president, “Sister Gómez, kailangan mong alamin kung bakit pinayagan ka ng Panginoon na manatili sa Veracruz.” Mula nang sandaling iyon, naghanda akong hanapin ang dahilan.
Nang araw ring iyon, sinabi sa akin ng nanay ko, na dumating na sa Veracruz, “Ang iyong Mamá Lita (lola sa panig ng aking ama) ay dadalawin ka sa ospital upang makita ka. Ito ay isang magandang pagkakataon para tanungin siya tungkol sa iyong mga ninuno.”
“Napakagandang ideya!” naisip ko. Halos hindi na ako makapaghintay na tanungin ang aking mga kamag-anak tungkol sa aking mga ninuno. Tinanong ako ni Mamá Lita kung ano ang ibig sabihin ng pagiging isang missionary. Itinuro ko sa kanya ang tungkol sa Panunumbalik at pagkatapos ay sinabi sa kanya ang tungkol sa plano ng kaligtasan, yamang ang aking lolo—ang kanyang asawa—ay namatay na ilang taon na ang nakalipas. Pagkatapos ay sinambit niya ang isang tanong na inaasahan kong itatanong niya: “Magkikita ba kaming muli ng irog ko?”
Napuspos ako ng kagalakan sa kanyang tanong, at sumagot ako, “Siyempre magkikita kayong muli!” Nagningning ang kanyang mga mata. Napakaganda na naibahagi ko ang walang hanggang katotohanang iyon sa kanya. Marami pa siyang mga tanong, lahat niyon ay nakatuon sa plano ng kaligtasan. Kapalit nito, tinanong ko siya tungkol sa aking pamilya upang mapunan ko ang aking family tree. Nadama ko kung paano siya ginabayan ng Espiritu upang maunawaan ang plano ng kaligtasan.
Kalaunan, nang dumalaw ako sa iba pang mga kamag-anak ko, kinausap ko ang aking lola sa ina, na tumulong sa akin na mahanap ang marami pang pangalan ng pamilya. Naibahagi ko rin ang ebanghelyo sa lahat na binisita namin.
Natanto ko kung bakit pinayagan ako ng Diyos na magpunta muna sa Veracruz sa aking misyon at pagkatapos ay manatili roon matapos ang aking operasyon. Nagbalik ako sa aking misyon na may taos na pagkagiliw sa kasaysayan ng pamilya. Salamat sa magiliw na pag-aalaga ng aking ina at natapos ko ang aking misyon.
Namatay ang lola ko sa aking ama pagkalipas ng isang taon, na ikinalungkot ko nang labis. Sa kabilang banda, nadama ko ang pasasalamat at pananabik na maisagawa ang gawain sa templo para sa kanya makalipas ang isang taon. Nang ako ay mabinyagan para sa kanya, hindi ko napigilan ang pagdaloy ng aking luha sa galak. Makakapiling na niya sa wakas ang kanyang irog, kung kanino siya ay kasal nang higit sa 60 taon.
Wala akong duda na alam ng Panginoon ang nasa puso natin. Pinayagan niya akong manatili sa Veracruz upang turuan ang aking pamilya at ipahayag ang mabuting balita na dala ng ating Manunubos, si Jesucristo. Alam ko na balang araw ay makikita kong muli ang aking mga lolo’t lola. Responsibilidad nating gawin ang gawain para sa ating mga ninuno upang balang araw ay sasabihin sa atin ng Diyos, “Lumapit ka sa akin, ikaw na pinagpala, may isang pook na inihanda para sa iyo sa mga mansiyon ng aking Ama.” (Enos 1:27).