Patuloy na Sumubok!
“Kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).
Sumapi sa Simbahan ang aking mga magulang noong bata pa lang ako. Kami ay nasa maliit na branch sa Australia. Ang nanay ko ang tumutugtog ng piyano sa simbahan. Ngunit kaunti lamang ang natutugtog niyang mga himno. Inaaral ko rin ang pagtugtog ng piyano. Noong ako’y pitong taong gulang, hiniling ng branch president na tumugtog ako sa Simbahan.
Noong tinutugtog ko ang piyano, nagkakamali ako. At tuwing nagkakamali ako, napapaiyak ako. Napakamahiyain ko noon at nerbiyoso. Ngunit patuloy ko itong inaral. Gusto ko na matugtog nang maayos ang mga himno. Ngayon ay gustung-gusto kong tumugtog ng piyano! Kaya ko nang tugtugin lahat ng mga himno. Sa aking misyon sa New Zealand, naglingkod ako sa isang munting branch. Walang nakakatugtog ng piyano roon. Kaya ako ang tumugtog ng organ at piyano nang isang taon. Ang paglaban sa aking kinatatakutan ay naging biyaya para sa akin. Nagawa nito na pagpalain ko ang iba.
Nahirapan din ako sa pagsasalita noong ako’y maliit pa lamang. Nauutal ako. Mahirap magbahagi ng aking patotoo sa harap ng mga tao. Minsan kapag sinusubukan kong magsalita, napapaiyak na lang ako bigla. Nabigyan ako ng mga basbas ng priesthood para makatulong sa akin. Ang nanay at tatay ko ay nakakapagpalakas ng loob. Kalaunan ay nabiyayaan akong makapagsalita nang mas malinaw at may tiwala sa sarili.
Kinakabahan pa rin ako. Ang pagpunta sa pulpito upang magsalita sa pangkalahatang kumperensya ay nakakatakot! Ngunit may makapangyarihang impluwensya roon. Nakaramdam ako ng pagiging magaan at kalmado. Nakakamangha talaga.
Kung ikaw ay nahihiya o nahihirapang magsalita, patuloy na sumubok. Kahit na patuloy kang mahirapan, kailangan naming marinig kung ano ang masasabi mo. Maraming tao ang mabibiyayaan mo sa pamamagitan ng mga bagay na ikaw lamang ang makakapagsabi!