Mga Larawan ng Pananampalataya
Feinga Fanguna
Tongatapu, Tonga
Bilang isang mang-uukit ng kahoy, sinusuportahan ni Feinga ang kanyang asawa, kanilang tatlong anak, at tatlong iba pa na inaaruga nila. Hindi ito naging madali palagi, ngunit sa pamamagitan ng pagtitiwala muna sa Diyos, palaging nagkakaroon ng sapat para sa kanilang pangangailangan.
Christina Smith, photographer
Noong ikasal kami ng aking asawa, si ‘Anau, nag-uukit ako ng maliliit na bagay at pumupunta sa palengke upang ibenta ang mga ito. May mga araw na umuuwi ako na may dalang pera, pero may mga araw na wala akong benta.
Nabalitaan ko ang tungkol sa isang tao na nagbalik mula sa Hawaii kung saan tinuruan siya ng isang grupo ng Maori mula sa New Zealand na mag-ukit ng kahoy. Nang magkita kami, sinabi niya, “Hindi ako titser, nag-uukit ako. Ngunit kung nais mong tumulong sa paggawa ng isang kalia (bangka ng mga Tongan), maaari kang sumama sa akin.” Marami akong natutuhan sa kanya tungkol sa pag-ukit ng kahoy.
Sa aking patriarchal blessing, pinangakuan ako na pagpapalain ng Diyos ang ginagawa ng aking mga kamay at gagamitin ko ang aking talento upang tulungan ang mga tao. Natupad ang mga pangakong ito.
Nakapaglakbay ako sa Australia, New Zealand, Guam, Japan, at Estados Unidos upang maging kinatawan ng Tonga sa pag-ukit at sa mga art festival.
Bilang isang mang-uukit ng kahoy, nasuportahan ko ang aking pamilya. May tatlong anak kami ng aking asawa at may tatlong iba pa na inaaruga namin. Ginagawa namin ang aming makakaya para matulungan ang mga bata. Sinisikap naming ipakita sa kanila ang kaligayahang dulot ng ebanghelyo.
May alaga kaming mga baboy, baka, at manok. May tanim kaming mga saging at rimas. Nagtanim kami ng kamoteng kahoy at mga talbos na ibinabahagi namin sa iba.
Pinagpala kami sa maraming paraan. Akala ng mga kamag-anak namin ay mayaman kami. Hindi kami mayaman, pero nasa amin ang lahat ng kinakailangan namin dahil inuna namin ang Diyos.
Sinusunod namin ang mga kautusan, nagsisimba, nagdaraos ng family home evening, nagbabasa ng Aklat ni Mormon at nagdarasal bilang isang pamilya, at nagbabayad ng aming ikapu. Iyan ang nagdudulot ng mga pagpapala sa aming pamilya.