Nasaan ang Aking Kayamanan?
Ashlee Cornell
Oklahoma, USA
Matapos maihatid ang aking mga anak sa eskuwelahan, nagsimula akong mag-isip tungkol sa natitirang oras sa araw na iyon. Marami akong mga bagay na dapat gawin, ngunit kailangan kong magtrabaho sa pang-gabing oras ko sa ospital, kaya limitado ang oras ko. Maaari akong magtrabaho sa bakuran, manahi ng isang kubrekama para sa kaarawan ng aking pamangkin, o mag-ehersisyo. Pagkatapos ay naalala ko ang isang sipi mula kay Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994):
“Kapag inuna natin ang Diyos, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay.” (“The Great Commandment—Love the Lord,” Ensign, Mayo 1988, 4).
“Mga Banal na Kasulatan nga!” naisip ko. Umupo ako sa aking mesa at nagpatuloy sa pag-aaral ng banal na kasulatan kung saan ako huminto noong nakaraang araw:
“Huwag kayong mangagtipon ng mga kayamanan sa lupa, na dito’y sumisira ang mga tanga at ang kalawang, at dito’y nanghuhukay at nagsisipagnakaw ang mga magnanakaw:
“Kundi mangagtipon kayo ng mga kayamanan sa langit… .
“Sapagka’t kung saan naroon ang iyong kayamanan, doon naman doroon ang iyong puso.” (Mateo 6:19–21).
“Nasaan ang Aking Kayamanan?” naisip ko. Katabi ng aking mga banal na kasulatan ay apat na pangalan mula sa pamilya ng aking asawa na kamakailan ay dinala ko sa templo. Ang mga magulang ng aking asawa ang nauna sa kanilang pamilya na sumapi sa Simbahan. Ginugol ko ang nakaraang dalawang taon sa pagsasaliksik sa angkan ng yumao kong biyenang lalaki. Nagpasiya akong pumunta sa FamilySearch upang malaman kung ang mga ordenansa ay naitala na kumpleto na.
Tiningnan ko ang mga temple icon sa kanyang linya. Nagulat ako na ilang pangalan na inihanda ko para sa mga ordenansa ng pagbubuklod ay hindi naitala bilang kumpleto. Maaaring naiwala ko ang mga card, at ang mga pagbubuklod ay hindi pa nagawa! Kaagad-agad matapos kong mai-print muli ang mga pangalan, isang natatanging ideya ang pumasok sa isipan ko, “Ngayon ay maipagpapatuloy mo na ang iba mo pang gawain sa araw na ito.”
Nakadama ako ng kapayapaan nalalamang inuna ko ang Panginoon. Tinulungan niya akong unahin ang pinakamahalaga. Ang maging maligaya kasama ang aking pamilya sa kawalang-hanggan ang tunay na pinahahalagahan ko. Alam ko na kung uunahin ko muna ang Diyos, lahat ng iba pang mga bagay ay gagana para sa aking espirituwal na kapakinabangan at para sa kapakinabangan ng iba.