Isang Pagpapala na Kapanatagan
Sarah Bieber
Calgary, Alberta, Canada
Nang maging malinaw na ang kanser ng aking ama ay ikamamatay na niya, sinabi ng aking ina nang pinanghihinaan ng loob, “Sa palagay ko ay hindi natin makakamit ang ating himala.” Sa sandaling iyon, nadama ko na ang aming pamilya ay makatatanggap ng mga himala, kahit na ang pagpapahaba ng buhay ng aking ama ay hindi kasama rito.
Isang himala ang dumating isang umaga nang tinanong ako ng kaibigan kong si Beth kung ano ang aking mga plano para sa araw na iyon. Sinabi ko sa kanya na plano ko sanang magpalipas ng hapon kasama ang aking ama sa ospital, ngunit hindi natuloy ang usapan namin ng mag-aalaga sa bata. Bukas-palad na nag-alok si Beth na bantayan ang aking mga anak upang makasama ko ang aking ama. Nag-alok din siya na magdadala ng hapunan sa aking pamilya. Malaki ang pasasalamat ko sa kanya.
Nang dumating ako sa ospital, walang lakas ang aking ama upang idilat ang kanyang mga mata o kumain ng anumang pagkain. Ngunit ilang sandali pagkatapos ay nakaranas siya ng bugso ng lakas ng katawan. Sa loob ng mahigit na tatlong oras ay gising na gising siya, at nag-usap kami at naglibot pa sa loob ng ward ng ospital nang ilang beses. Walang iba pang mga bisita ang dumalaw noong oras na iyon. Mapalad akong magkaroon ng oras na makasama ko lamang siya.
Nagtawanan at nag-iyakan kami noong araw na iyon. Ibinahagi sa akin ng aking ama ang kanyang damdamin tungkol sa pamamaalam niya sa buhay na ito at ang pinakamahalaga sa kanya—ang kanyang patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang hapong iyon ay isa sa mga pinakamahalagang alaala ng buhay ko. Namatay siya pagkalipas ng tatlong araw.
Napagtanto ko lamang isang linggo pagkatapos ng kanyang libing na ang huling pagkakataon na naka-usap ko ang aking ama ay noong hapong binantayan ni Beth ang aking mga anak. Habang dumadaloy ang mga luha sa aking mukha, nagpadala ako ng isang email kay Beth na nagpapasalamat para sa kanyang serbisyo at nagpapaliwanag kung gaano ito kahalaga sa akin.
Sumagot si Beth, “May patotoo ako na nais ng Diyos na ipaabot sa atin ang mga pagpapala na kapanatagan at biyaya—lalo na kapag dumaranas tayo ng isang bagay na mahirap. Nagdarasal ako para sa kapanatagan mo at ng iyong pamilya sa panahong ito.”
Naantig ako na nagpahiwatig ang Diyos kay Beth upang maging pagpapala siya sa ipinagdasal niyang nawa’y matanggap ko. Alam ko na ang Diyos ay nagbibigay sa atin ng mga pagpapala na kapanatagan sa mga mahihirap na panahon sa ating buhay.