2018
Lagi Siyang Alalahanin
February 2018


Mensahe ng Unang Panguluhan

Lagi Siyang Alalahanin

family at sacrament meeting

Maaari ba nating ilarawan sa ating isipan ang propetang si Moroni na inuukit ang mga huling salita ng Aklat ni Mormon sa mga laminang ginto? Nag-iisa siya noon. Nakita niya ang pagbagsak ng kanyang bansa, ng kanyang mga tao, at ng kanyang pamilya. Ang lupain ay “isang patuloy na pag-inog” ng digmaan (Mormon 8:8). Gayunpaman, siya ay puno ng pag-asa, dahil nakita niya ang ating panahon! At sa lahat ng maaari niyang isulat, inanyayahan niya tayo na makaalala (tingnan sa Moroni 10:3).

Madalas ituro ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) na maaaring ang pinakamalahagang salita sa diksyunaryo ay tandaan o alalahanin. Dahil nakipagtipan tayo sa Diyos, sinabi niya,“ang pinakakailangan natin ay ang tandaan o alalahanin” ang mga ito.1

Matatagpuan ninyo ang salitang tandaan, pakatandaan, o alalahanin sa buong banal na kasulatan. Kapag pinapayuhan ni Nephi ang kanyang mga kapatid, palagi niya silang inaanyayahan na alalahanin ang mga salita ng Panginoon at alalahanin kung paano iniligtas ng Diyos ang kanilang mga ninuno (tingnan sa 1 Nephi 15:11, 25; 17:40).

Sa kanyang dakilang mensahe ng pamamaalam, ginamit ni Haring Benjamin ang mga salitang pakatandaan nang limang beses at ang salitang tandaan nang dalawang beses. Umasa siya na pakatatandaan ng kanyang mga tao “ang kadakilaan ng Diyos … at ang kanyang kabutihan, at mahabang pagtitiis” sa kanila (Mosias 4:11; tingnan din sa 2:41; 4:28, 30; 5:11–12).

Nang pasimulan ng Tagapagligtas ang sakramento, inanyayahan Niya ang Kanyang mga disipulo na makibahagi sa sagisag [ng sakramento] bilang “pag-aalaala” sa Kanyang sakripisyo (Lucas 22:19). Sa bawat panalangin sa sakramento na naririnig natin, ang salitang lagi ay sinusundan ng salitang alalahanin (tingnan sa D at T 20:77, 79).

Ang aking mensahe ay isang paanyaya, maging isang pagsamo, na makaalala. Narito ang tatlong mungkahi kung ano ang maaari ninyong alalahanin tuwing linggo kapag nakikibahagi kayo sa mga sagradong sagisag ng sakramento. Nawa’y makatulong ang mga ito sa inyo, gaya ng nagawa nito sa akin.

Alalahanin si Jesucristo

Una, alalahanin ang Tagapagligtas. Alalahanin kung sino Siya noong naririto pa Siya sa lupa, kung paano Niya kinausap ang mga tao, at kung paano Niya ipinakita ang Kanyang kabaitan. Alalahanin kung kanino Niya ginugol ang Kanyang oras at kung ano ang itinuro Niya. Ang Tagapagligtas ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38). Dinalaw Niya ang mga maysakit. Tapat Siya sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Kanyang Ama.

Higit sa lahat, maaari nating alalahanin ang dakilang sakripisyong ginawa Niya, dahil sa Kanyang pagmamahal sa atin, para maalis ang dungis ng ating mga kasalanan. Kapag inaalala natin Siya, titindi ang ating hangarin na tularan Siya. Nanaisin natin na maging mas mabait, mas mapagpatawad, at mas nanaisin nating alamin ang kalooban ng Diyos at gawin ito.

Alalahanin Kung Ano ang Kailangan Ninyong Pagbutihin

Mahirap isipin ang Tagapagligtas—ang Kanyang kadalisayan at kasakdalan—nang hindi rin natin naiisip ang marami nating kapintasan at kakulangan kung ikukumpara sa Kanya. Nakipagtipan tayo na susundin ang Kanyang mga kautusan, ngunit madalas tayong nabibigo na maabot ang pamantayang ito. Ngunit alam ng Tagapagligtas na mangyayari ito, kaya nga ibinigay Niya sa atin ang ordenansa ng sakramento.

Ang sakramento ay nag-ugat sa pag-aalay ng mga hain sa panahon ng Lumang Tipan, na kinabibilangan ng pagtatapat ng kasalanan (tingnan sa Levitico 5:5). Hindi na tayo naghahain ng mga hayop, ngunit maaari pa rin naman nating talikuran ang ating mga kasalanan. Ito ay tinatawag sa mga banal na kasulatan na paghahain ng “isang bagbag na puso at nagsisising espiritu” (3 Nephi 9:20). Makibahagi sa sakramento nang may nagsisising puso (tingnan sa D at T 59:12; Moroni 6:2). Kapag ginawa ninyo ito, makatatanggap kayo ng kapatawaran sa inyong mga kasalanan at hindi kayo malilihis ng landas pabalik sa Diyos.

Alalahanin Ang Pag-unlad na Natatamo Ninyo

Samantalang sinusuri ninyo ang inyong buhay habang isinasagawa ang ordenansa ng sakramento, nawa’y hindi lamang nakatuon ang inyong isipan sa mga nagawa ninyong mali, kundi sa mga nagawa rin ninyong tama—mga sandaling nadama ninyo na natutuwa sa inyo ang Ama sa Langit at ang Tagapagligtas. Maaari kayong maglaan ng ilang sandali sa oras ng sakramento para hilingin sa Diyos na tulungan kayong makita ang mga ito. Kapag ginawa ninyo ito, ipinapangako ko na may madarama kayo. Makadarama kayo ng pag-asa.

Kapag ginagawa ko ito, muling tinitiyak sa akin ng Espiritu na kahit malayo pa ako sa pagiging perpekto, mas mabuti ako ngayon kaysa kahapon. At binibigyan ako nito ng kumpiyansa na, dahil sa Tagapagligtas, maaari pa akong mas bumuti bukas.

Ang lagi ay napakahabang panahon, at nagpapahiwatig ito ng matinding pagsisikap. Naranasan na ninyo kung gaano kahirap isaisip ang isang bagay sa lahat ng oras. Ngunit gaano man ninyo tinutupad ang inyong pangako na aalalahanin Siya lagi, palagi Niya kayong inaalala.

Alam ng Tagapagligtas ang kinakaharap ninyong mga hamon. Alam Niya kung ano ang pakiramdam ng pagpasan sa mga alalahanin ng buhay na nagpapalugmok sa inyo. Alam Niya na kailangang-kailangan ninyo ang mga pagpapalang dala ng pag-alaala at pagsunod sa Kanya—“nang sa tuwina ay [mapasa-inyo] ang kanyang Espiritu upang makasama [ninyo]” (D at T 20:77; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Kaya nga, malugod Niya kayong tinatanggap sa sakramento bawat linggo, at muling ibinibigay sa inyo ang pagkakataong patunayan sa Kanya na lagi ninyo Siyang aalalahanin.

Tala

  1. Spencer W. Kimball, “Circles of Exaltation” (mensahe sa Church Educational System religious educators, Hunyo 28, 1968), 5.