Si Jesucristo: Ang Ating Pinagkukunan ng Kapayapaan
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2002.
Ang kapayapaan sa ating bagabag na puso ay darating lamang sa atin sa pagsunod natin sa Liwanag ni Cristo.
Nang matapos ang maghapong pagtuturo at pagtatagubilin, iminungkahi ng Panginoon sa Kanyang mga disipulo na tumawid sila sa kabilang pampang ng Dagat ng Galilea.
Habang sila’y naglalayag nang gabing iyon, “nagbangon ang isang malakas na bagyo, at sinasalpukan ang daong ng mga alon, na ano pa’t ang daong ay halos natitigib.
“At siya’y natutulog sa hulihan sa ibabaw ng kutson: at siya’y ginising nila, at sinabi sa kaniya, Guro, wala bagang anoman sa iyo na mapahamak tayo?
“At gumising siya, at sinaway ang hangin, at sinabi sa dagat, Pumayapa, tumahimik ka. At humimpil ang hangin, at humusay na totoo ang panahon” (Marcos 4:37–39).
Naiisip ba ninyo ang maaaring iniisip ng mga Apostol habang pinanonood nila ang mga elementong iyon—ang hangin, ulan, at dagat—na sumunod sa mahinahong utos ng kanilang Guro? Bagama’tkatatawag pa lang sa kanila sa banal na pagka-apostol, kilala nila Siya at minamahal at pinaniniwalaan Siya. Iniwan nila ang gawain at mga pamilya nila upang sumunod sa Kanya. Sa maikling panahon, narinig nila Siyang nagtuturo ng mga kagila-gilalas na bagay, at nakita nila Siyang gumagawa ng malalaking himala. Ngunit di nila ito maunawaan, at marahil halata ito sa kanilang mga mukha.
“At sinabi niya sa kanila, Bakit kayo nangatakot? wala pa baga kayong pananampalataya?
“At sila’y nangatakot na lubha, at sila-sila’y nangagsasabihan, Sino nga ito, na pati ng hangin at ng dagat ay tumatalima sa kaniya?” (Marcos 4:40–41).
Sa magulo at minsa’y nakatatakot na panahon, ang walang katapusan at walang hanggang pangako ng kapayapaan ng Tagapagligtas ay nagbibigay ng espesyal na kapangyarihan sa atin, tulad ng mga kasama Niya na maaaring maapektuhan ng Kanyang kakayahang payapain ang mapanganib na mga alon sa Dagat ng Galilea noong gabing iyon na bumabagyo, matagal nang panahon ang nakararaan.
Paghanap sa Kapayapaan ng Kalooban
Tulad din ng mga nabubuhay noong panahon ng Kanyang mortal na ministeryo, may ilan sa atin na hinahanap ang pisikal na kapayapaan at kasaganahan bilang tanda ng kagila-gilalas na kapangyarihan ng Tagapagligtas. Kung minsa’y di natin nauunawaan na ang walang hanggang kapayapaang ipinangangako ni Jesus ay ang panloob na kapayapaan, na dulot ng pananampalataya, na pinatibay ng patotoo, inaruga ng pagmamahal, at ipinakikita sa patuloy na pagsunod at pagsisisi. Ito’y kapayapaan ng espiritu na nadarama ng puso at kaluluwa. Kung tunay na malalaman at mararanasan ang panloob na kapayapaang ito, hindi magkakaroon ng takot sa daigdig na puno ng hidwaan at kaguluhan. Malalaman ng tao sa kaibuturan ng kanyang puso na ang lahat ay maayos hinggil sa mga bagay na sadyang mahalaga.
Walang kapayapaan sa kasalanan. Maaaring may ginhawa, popularidad, katanyagan, at kasaganaan, ngunit walang kapayapaan. “Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan” (Alma 41:10). Hindi mapapayapa ang tao kung siya’y namumuhay nang salungat sa inihayag na katotohanan. Walang kapayapaan sa pagiging mapanakit o palaaway. Walang kapayapaan sa kahalayan, kawalang-delikadesa, o pagbibigay nang wala sa lugar. Walang kapayapaan sa pagkagumon sa droga, alak, o pornograpiya. Walang kapayapaan sa pang-aabuso sa iba, ito man ay emosyonal, pisikal, o sekswal, dahil ang mga mapang-abuso ay laging babagabagin sa isipan at espirituwal maliban kung sila’y lalapit kay Cristo nang buong kababaang-loob at humingi ng patawad ng lubusang pagsisisi.
Naniniwala ako na lahat ay sabik sa “kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip” (Mga Taga Filipos 4:7). Ang kapayapaang iyon sa ating nabagabag na puso ay darating lamang sa atin kapag sumunod tayo sa Liwanag ni Cristo, na “ipinagkakaloob sa bawat tao, upang malaman niya ang mabuti sa masama” (Moroni 7:16), tungo sa pagsisisi ng mga kasalanan at paghingi ng tawad.
“Ang Kapayapaan ay Iniiwan Ko sa Inyo”
Mga ilang oras bago Niya simulan ang maluwalhati ngunit kakila-kilabot na proseso ng Pagbabayad-sala, ginawa ng Panginoong Jesucristo ang mahalagang pangakong ito sa Kanyang mga Apostol: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo” (Juan 14:27).
Ipinangangako ba Niya sa Kanyang mahal na mga kasamahan ang uri ng kapayapaan na kinikilala ng daigdig—kaligtasan, seguridad, kawalan ng pagtatalu-talo o paghihirap? Tiyak na taliwas ang sinasabi sa tala ng kasaysayan. Ang sinaunang mga Apostol ay dumanas ng maraming pagsubok at pag-uusig sa nalalabing araw ng kanilang buhay. Marahil iyon ang dahilan kaya idinagdag ng Panginoon ang kabatirang ito sa Kanyang pangako: “Hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man” (Juan 14:27).
“Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan,” Patuloy Niya. “Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan” (Juan 16:33; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Ang kapayapaan—tunay na kapayapaan, na nakatanim sa kaibuturan ng inyong pagkatao—ay dumarating lamang sa pamamagitan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo Kapag natuklasan ang mahalagang katotohanang iyan at naunawaan at ipinamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo, lubos na kapayapaan ang titimo sa puso at kaluluwa ng mga anak ng ating Ama sa Langit. Sinabi ng Tagapagligtas kay Joseph Smith, “Matuto ka sa akin, at makinig sa aking mga salita; lumakad sa kaamuan ng aking Espiritu, at ikaw ay magkakaroon ng kapayapaan sa akin” (D at T 19:23).
Salamat at mapatotohanan ko sa inyo na si Jesus ang Cristo, at siya ang Anak ng Diyos. Sa pagsunod sa Kanya, nang may pananampalataya at pagtitiwala, matatagpuan ng lahat ang matamis na panloob na kapayapaan na alay sa atin ng ebanghelyo.