2019
Isang Mas Banal na Huwaran ng Paglilingkod
Hulyo 2019


Isang Mas Banal na Huwaran ng Paglilingkod

Mula sa pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, “Isang Tanda ng Totoo at Buhay na Simbahan ng Panginoon,” na ibinahagi sa Brigham Young University–Idaho noong Mayo 6, 2018.

Nawa’y sundin natin ang buhay na Cristo nang mas maluwag sa kalooban, nang mas epektibo, sa pagsisikap nating maging mga tunay na disipulo Niya sa [paglilingkod] tulad ng gagawin Niya.

young men helping flood cleanup

Paglalarawan ni Kelley McMorris

Noong ako ay 15 o 16 anyos, masyado akong makasarili at nakadama ng pag-aalangan, kawalan ng katiyakan, at mahinang kalooban na nangyayari sa mga tinedyer. Tila naliligaw ako, kulang sa kumpiyansa, at asiwa. Hindi rin nakatulong na nasa Saudi Arabia ang mga magulang ko habang nasa boarding school naman ako noon sa isang mapanglaw na baybayin sa England. Kung ang paaralan ang pag-uusapan, ang Hogwarts kasama si Snape ay tila mas kalugud-lugod.

Ang masamang panahon ay karaniwan sa baybaying iyon, ngunit isang taglamig, isang napakalakas na bagyo ang tumama sa Irish Sea na may bilis ng hanging kasing-lakas ng unos. Nasa mga 5,000 tahanan ang binaha, paubos na ang kanilang pagkain, at naiwan ang mga tao na walang kuryente o anumang paraan upang magkaroon ng init at ilaw sa kanilang mga tahanan.

Nang humupa ang baha, ipinadala kami ng paaralan para tumulong sa paglilinis. Namangha ako na maranasan nang malapitan ang ganito katinding kalamidad. Ang tubig at putik ay nasa lahat ng dako. Namumutla at nangangalumata ang mga taong binaha. Ilang araw na silang hindi nakakatulog. Nagtrabaho ako at ang mga kaklase ko, nag-akyat ng mga basang gamit sa mas matataas na lugar at tinanggal ang mga carpet na nasira.

Ang pinaka-hinangaan ko ay ang pagkakaibigan na nabuo. Nagkaroon ng magandang damdamin sa mga tao na nagkakaisa sa isang layunin sa panahong mahirap. Napagtanto ko na karamihan sa mga hindi magandang damdamin na karaniwang bumabalot sa aking isipan bilang tinedyer ay nawala nang tumulong ako sa aking mga kapitbahay.

Ang pagkatuklas na ang pagtulong sa iba ang gamot sa aking malungkot at makasariling kalagayan ay dapat sanang nagpabago sa akin Ngunit hindi ito nangyari, dahil hindi ko ito naunawaan nang lubos, at hindi ko nagawang mas pag-isipan ang pangyayaring ito. Kalaunan ko ito mas naintindihan.

Ang Paanyayang Maglingkod

people ministering

Larawan ng ina at anak na babae ni Linda Jean Purnell

Iniisip ko ito noong pangkalahatang kumperensya ng Abril 2018 nang marinig ko ang paulit-ulit na panawagan na [maglingkod] tulad ng paglilingkod ng Tagapagligtas—at na gawin ito dahil sa pagmamahal, sa pagkilala na tayong lahat ay anak ng ating Ama sa Langit.

Hindi tayo maglilingkod dahil binibilang at sinusukat ito, kundi dahil sa nagaganyak tayo ng mas mataas at dakilang layunin, tinutulungan ang mga kaibigan natin na makabalik sa Kanya. Minamahal at pinaglilingkuran natin ang ating kapwa tulad ni Jesus kung Siya ang nasa lugar natin, tunay na pinabubuti ang buhay ng mga tao at pinagagaan ang kanilang mga pasanin. Dito nanggagaling ang kaligayahan at katiwasayan, kapwa para sa nagbibigay at tumatanggap, habang ibinabahagi natin ang bunga ng pag-alam at pagkadama sa ating walang-hanggang kahalagahan at pagmamahal ng Diyos para sa atin.

“Ang katangian ng totoo at buhay na Simbahan ng Panginoon ay ang organisado at nakadirektang pagsisikap na maglingkod sa mga indibidwal na anak ng Diyos at sa kanilang mga pamilya,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson. “Dahil ito ang Kanyang Simbahan, bilang kanyang mga lingkod, maglilingkod tayo sa nangangailangan, tulad ng ginawa Niya. Maglilingkod tayo sa Kanyang pangalan, nang may kapangyarihan at awtoridad Niya, at nang may mapagmahal na kabaitan Niya.”1

Alam ko na kung susunod tayo sa tawag na ito na maglingkod, malalampasan natin ang ating kakayahan; lalago sa pananampalataya, kumpiyansa, at kaligayahan; at madaraig ang ating pagkamakasarili at ang kasamang lungkot at lumbay nito.

Binabago Tayo ng Paglilingkod

Ang kagandahan ng ganitong uri ng paglilingkod ay tinutulungan nito ang ibang tao, ngunit binabago rin tayo nito sa pagtanggal ng ating alalahanin, takot, pagkabalisa, at pagdududa. Sa umpisa, ang paglilingkod sa iba ay maaaring inaalis ang ating pansin sa ating mga problema, ngunit mabilis itong nagiging mas dakila at maganda. Nagsisimula tayong makadama ng liwanag at kapayapaan, at halos hindi ito natatanto. Tayo ay naaalo, napapanatag, at naaaliw. At nakadarama tayo ng kaligayahan na di makukuha sa ibang paraan.

Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Ang masaganang buhay na nakasaad sa mga banal na kasulatan ay ang espirituwal na kabuuan na dumating sa pamamagitan ng pagpaparami ng ating paglilingkod sa iba at sa paglalaan ng ating mga talento sa paglilingkod sa Diyos at sa tao.” Dagdag pa niya, “Nagiging mas makabuluhan tayo sa paglilingkod sa iba—tunay na mas madaling ‘masumpungan’ ang ating sarili dahil marami pa tayong malalaman!”2

Isang Panawagan mula sa Panginoon

Christ with fishermen

Christ and the Fishermen, ni J. Kirk Richards

Nang tinawag ng Tagapagligtas sina Pedro, Andres, Santiago, at Juan na sumunod sa Kanya, kaagad nagbago ang kanilang direksyon at pokus: “Pagdaka’y iniwan nila ang mga lambat, at nagsisunod sa kaniya” (Mateo 4:20).

Subalit nang ang Tagapagligtas ay kinuha sa kanila sa pinakamalupit na paraan, bumalik sila sa pangingisda, sa isang bagay na sa tingin nila’y alam na nila. Sa isang okasyon, dumating ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas habang wala silang mahuling isda.

“At kaniyang sinabi sa kanila, Ihulog ninyo ang lambat sa dakong kanan ng daon, at makakasumpong kayo. Inihulog nga nila, at hindi na mahila dahil sa karamihan ng mga isda” (Juan 21:6).

Hindi lamang ito pagpapakita na hindi nawala kahit katiting ng Kanyang kapangyarihan kundi ipinapakita rin nito na naghahanap sila sa maling lugar at nakatuon sa maling bagay. Habang kumakain sila ng isda sa pampang, tinanong ng Tagapagligtas si Pedro nang tatlong beses kung mahal Siya nito. Sa bawat pagsagot nang may dagdag na pagkabalisa, sinagot Siya ni Pedro na oo. Sa bawat pagsagot ni Pedro, inutusan siya ni Jesus na pakainin ang Kanyang mga tupa. (Tingnan sa Juan 21:15–17.)

Bakit siya tinanong ng Tagapagligtas nang tatlong beses kung mahal Siya nito? Si Pedro ay tinawag na noon para sumunod kay Jesus, at mabilis siyang tumugon, at iniwanan ang pangingisda. Ngunit nang mawala si Jesus sa kanila, nalungkot si Pedro; naligaw siya. Bumalik siya sa kaisa-isang bagay na sa tingin niya’y alam niya—ang pangingisda. Ngayon, nais ni Jesus na marinig talaga Siya ni Pedro at intindihin ang bigat ng paanyaya sa pagkakataong ito. Kailangan Niyang ipaintindi kay Pedro ang kahulugan ng pagiging disipulo ng muling nabuhay na Cristo ngayon na hindi na Siya pisikal na makakasama nila.

Ano ang nais ng Panginoon kay Pedro? Nais Niyang pakainin ni Pedro ang Kanyang mga tupa, ang Kanyang mga kordero. Ito ang trabahong kailangang gawin. Napagtanto ni Pedro ang magiliw at direktang panawagan ng kanyang Panginoon, at ang punong Apostol ay tumugon, magiting at walang takot na ibinigay ang nalalabi niyang buhay sa gawain kung saan siya tinawag.

Magsimula sa Pagdarasal

May bagong punong Apostol ngayon sa mundo. Inaanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na pakainin ang mga tupa ni Jesus. Ang hamon ngayon, sa gitna ng lahat ng gambala sa paligid at maraming di importanteng bagay na umaagaw sa ating atensyon, ay tumalima sa paanyayang ito at kumilos—gumawa ng isang bagay, gumawa ng pagbabago, at mamuhay nang naiiba sa dati.

Ang inyong tanong ngayon ay maaaring, “Saan ako magsisimula?”

Magsimula sa panalangin. Hinamon tayo ni Pangulong Nelson na “dagdagan ang [ating] espirituwal na kakayahan na tumanggap ng paghahayag.”3 Tanungin ang iyong Ama sa Langit kung ano ang maaari mong gawin at para kanino. Tumugon sa anumang impresyon na matatanggap mo, kahit gaano pa kaliit ito. Gawin ito. Anumang maliit na kabutihan ay magtutuon sa atin sa ibang tao at may hatid itong mga biyaya. Ito ay maaaring isang text sa isang taong hindi umaasang makatatanggap nito. Maaaring ito ay isang bulaklak, mga cookie, o mabait na salita. Siguro ito ay paglilinis ng hardin o bakuran, paglalaba, paglilinis ng kotse, pagtatabas ng damo, pagtatanggal ng naipong snow, o pakikinig lamang.

Katulad ng sinabi ni Sister Jean B. Bingham, Relief Society General President, “Kung minsan iniisip natin na kailangang dakila at magiting ang bagay na ating gagawin upang ‘matanggap’ ito na paglilingkod sa ating kapwa. Gayunman, ang mga simpleng paglilingkod ay maaaring magkaroon ng malaking epekto sa iba—pati na rin sa ating sarili.”4

Maaaring nag-aatubili kang gawin ang unang hakbang, kumbinsido na wala kang oras o hindi ka makagagawa ng pagkakaiba, ngunit mamamangha ka sa maliliit na bagay na magagawa mo. Si Pangulong Nelson ay naglalatag ng mas mataas at banal na huwaran ng paglilingkod para sa iyo at sa akin. Kapag tumutugon tayo, malalaman natin kung gaano ito nagpapasaya, nagpapalaya, at nagpapakalma sa atin at kung paano tayo magiging kinatawan para sa pagbabago at aliw sa buhay ng iba.

May mga pagkakataon, tulad ng pagkatapos ng misyon, na maaari tayong matuksong sabihin na, “Ayan, nagawa ko na. Hayaan naman ang iba na maglingkod. Gusto kong magpahinga.” Ngunit hindi tumitigil ang tunay na paglilingkod. Ito ay paraan ng pamumuhay. Maaari tayong mamahinga mula sa ating mga regular na aktibidad at magpahinga at muling mapasigla kapag may mga pista-opisyal ngunit ang responsibilidad natin sa tipan na mahalin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal Niya sa atin at pakainin ang Kanyang mga tupa ay walang tigil.

Ministeryo ng Pandaigdigang Simbahan

service

Larawan ng magkayakap na doktor at pasyente ni Wendy Gibbs Keeler

Masayang-masaya ako na bahagi ako ng Simbahan na nagsasagawa ng paglilingkod. Noong 2017 lamang, ang ating mga miyembro ay nagbigay ng lampas sa 7 milyong voluntary hours na iniukol sa pagpapalago, pag-ani, at pagbibigay ng pagkain sa mahihirap at nangangailangan. Ang Simbahan ay nagbibigay ng malinis na tubig sa kalahating milyong katao at mga wheelchair sa 49,000 na tao sa 41 bansa. Naglaan ang mga volunteer ng mga salamin at ophthalmological services, at nagsanay sila ng 97,000 na mga caregiver para sa mga may problema sa mata sa 40 mga bansa. Tatlumpu’t tatlong libong mga caregiver ang sinanay sa pangangalaga sa mga nanay at bagong silang sa 38 mga bansa. Isama na rin natin ang Helping Hands, kung saan daang libong mga miyembro ang nagbigay ng milyun-milyong oras sa mga nakalipas na taon. Ang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ay mabilis na kumikilos upang tulungan ang mga taong naapektuhan ng malalaki at maliliit na sakuna, at pinabubuti ang kanilang mga kapitbahayan at komunidad.

Ang kasalukuyang lumalagong inisyatibo ng Simbahan na JustServe, na naglilista ng mga pagkakataong maglingkod, ay may mahigit na 350,000 na nakarehistrong mga volunteer na nagbigay na ng milyun-milyong oras sa pagtulong sa kanilang mga lokal na komunidad.5

Ito ay Simbahan ng pagkilos. Ito ang ginagawa natin. Ito ang ginagawa mo. Hayaang ito ang magtakda ng inyong ugali.

Tatlong Uri ng Paglilingkod

Nais kong bigyang-pansin ang tatlong uri ng paglilingkod na maaari nating gawin.

1. Ang paglilingkod na itinakda o inaanyayahang gawin natin bilang responsibilidad sa simbahan. Sisikapin natin ang uri ng paglilingkod na pinahahalagahan, hindi sinusukat kung saan nag-iisip, nagdarasal, at tumutulong tayo sa mga taong ibinigay sa atin upang pangalagaan.

2. Ang paglilingkod na ginagawa natin nang kusa. Ito ay pinalawak na uri ng una, na aagos sa ating pang-araw-araw na gawain at interaksyon habang mas sinasadya nating kalimutan ang ating sarili at bumaling palabas sa ibang tao. Walang pormal na asaynment, ngunit ginaganyak tayo ng halimbawang tulad ng kay Cristo, nagsisimula sa pagiging mas mabait at maunawain sa mga nakapaligid sa atin.

3. Serbisyong pampubliko. Kapag nararapat, makilahok sa pulitika nang nakatuon sa paglilingkod at pagpapatatag ng mga tao at komunidad. Iwasan ang pulitikal na tribalismo na masyado nang naging mahigpit, matindi, at nakapipinsala ng mga komunidad, bansa, at kontinente. Makiisa sa mga ibang pulitiko na nakikipagtulungan sa iba para magdulot ng kagalingan sa magugulong buhay ng kanilang mga nasasakupan at sa iba pa. Maaari kang maging tinig ng balanse at katwiran, na nagtataguyod ng katarungan sa lahat ng aspeto ng lipunan. Kailangan mong iambag ang iyong lakas sa ganitong uri ng kapaki-pakinabang na gawaing sibiko.

Kaya Nating Baguhin ang Sarili Nating Mundo

Kapag nababasa natin ang balita, maaaring maramdaman natin na dumadausdos na ang mundo. Kapag tayo ay kumilos sa malalaki at maliliit na paraan bawat araw, mababago natin ang ating mundo at ang mundo ng mga nakapaligid sa atin. Sa pagsisilbi ninyo sa mga tao sa paligid ninyo at nang kasama sila, magkakaroon kayo ng mga kaibigan na gugustuhin na tulungan kayo. Ito ay magiging matibay na mga pagkakaibigan, na nag-uugnay sa kultura at paniniwala.

Kung ikaw ay tutugon sa imbitasyon na maglingkod gaya ng ginagawa ni Jesus, ikaw ay magbabago, lalong magiging di-makasarili. Matutuklasan ninyo ang galak na nagmumula sa paglilingkod sa paraan ng Tagapagligtas, maiiwan ang ating mga pagkabalisa at kawalang katiyakan at ang lungkot na nagmumula sa iniisip ninyong mga kakulangan.

Marahil pumasok sa isip ninyo ang isang pangalan o dahilan. Ito marahil ay isang paanyaya mula sa Espiritu, at maaaring natanggap na ninyo ito noon. Tumulong, maghanap ng matutulungan, at magbigay-sigla. Piliin na sundin ang paanyayang ito at magdasal ngayong araw upang malaman ang inyong dapat gawin. Kapag nakikita at nadarama ninyo ang mga biyayang hatid sa inyo at sa mga taong pinaglilingkuran ninyo, gugustuhin ninyong gawin ito araw-araw.

Ang pinakamataas at pinakamahusay na pagsisikap natin ay ang ibahagi ang liwanag, pag-asa, galak, at layunin ng ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng anak ng Diyos. Ang pagtulong, paglilingkod, at pagmi-minister sa kanila ay mga pagpapahayag na kumikilos ang ebanghelyo. Kapag ginawa natin itong paraan ng pamumuhay, matutuklasan natin na ito ay kasiya-siya, at ito ang paraan na mahahanap natin ang kapayapaang hindi natin makita.

Ganito namuhay ang Tagapagligtas, at ito ang dahilan kung bakit Siya nabuhay—para ibigay ang perpektong balsamo at pangunahing lunas sa pamamagitan ng Kanyang dakila, walang hanggan, at nagbabayad-salang kaloob para sa inyo at sa akin. Nawa’y sundin natin ang buhay na Cristo nang mas maluwag sa kalooban, nang mas epektibo, sa pagsisikap nating mga tunay na disipulo Niya sa paglilingkod tulad ng gagawin Niya.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Paglilingkod nang may Kapangyarihan at Awtoridad ng Diyos,” Liahona, Mayo 2018, 69.

  2. Spencer W. Kimball, “The Abundant Life,” Ensign, Hulyo 1978, 3.

  3. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 95.

  4. Jean B. Bingham, “Paglilingkod na Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas,” Liahona, Mayo 2018, 104.

  5. Tingnan ang JustServe.org. Mayroon nito sa North America at sinusubukan sa Mexico, United Kingdom, Puerto Rico, at Australia.