2019
Si Mara na Pioneer
Hulyo 2019


Si Mara na Pioneer

Ang awtor ay naninirahan sa Texas, USA.

Oktubre 2018, Phnom Penh, Cambodia

Mara the Pioneer

Ibinutones ni Mara ang kanyang palda at humarap siya sa salamin. Parang nakakatawang magsuot ng damit pangsimba sa araw ng Sabado, pero espesyal ang Sabadong ito. Pangkalahatang kumperensya ngayon!

“Sabik ka na ba para sa sesyon ng kababaihan?” tanong ni Mak (Inay). Sinuklay niya ang buhok ni Mara nang mabilis at malumanay. “Gusto kong makinig ka hangga’t kaya mo.”

“Opo! Sana po magkuwento sila tungkol sa mga pioneer!” Iyon ang pinakagusto ni Mara.

“Siguro naman,” sabi ni Mak. “Alam mo ba na pioneer ang iyong ama?”

Naguluhan si Mara. Kailanma’y hindi naghila ng kariton ang kanyang ama.

“Paano po siya naging pioneer?” tanong niya.

Tumingin si Mak sa direksyon ng bintana, sa dako ng ilog. “Nangingisda siya roon nang makilala niya ang mga missionary. Siya ang unang nabinyagan sa kanyang pamilya,” sabi ni Mak. “Kaya siya naging pioneer! Tara na’t hanapin natin ang iyong lola.”

Hinihintay sila ni Yiay (Lola) sa sala. Magkakasama sa bahay ang pamilya ni Mara at ang kanyang lolo’t lola. Tumulong si Yiay sa pag-aalaga kay Mara pagkatapos ng pasok nito sa paaralan habang nasa trabaho ang mga magulang ni Mara. Ngayo’y nakatayo si Yiay sa tabi ng moped, isang malaking de-motor na scooter na ginagamit nila sa paglibot sa lungsod.

“Ang Simbahan ay 25 taon pa lang sa Cambodia,” sabi ni Mak kay Mara nang buksan niya ang pinto at itulak ang moped papunta sa daan. “Kaya lahat tayo ay pioneer. Kahit ikaw!”

“Paano ako naging pioneer?” pagtataka ni Mara nang sumakay siya sa moped. Minaneho ni Mak ang moped, habang nakaupo sa likod si Yiay at nasa gitna si Mara. Kumapit nang mahigpit si Mara nang mapadaan sila sa mataong daan.

Paglagpas nila sa isang restawran, naamoy nila ang tsaa. Halos lahat ng naroon ay umiinom ng tsaa. Pero hindi si Mara. Sinunod niya ang Word of Wisdom. Napangiti si Mara. Isang paraan iyon kaya siya naging pioneer.

Pagliko nila sa isang kanto, nakakita si Mara ng wat, isang templo ng Budhismo. Ang pulang patulis na bubungan ay mas mataas pa sa ibang mga gusali. Nakaupo sa patyo ang mga monghe na ahit ang buhok sa ulo at may suot na kulay-kahel o orange na damit habang nag-aaral.

Alam ni Mara na karamihan sa mga tao sa Cambodia ay Budhista. Hindi sila naniniwala kay Jesucristo. Pero naniniwala si Mara. “Iyon ay isa pang paraan kaya ako naging isang pioneer,” naisip ni Mara. At ngayo’y makikinig siya sa propeta!

Nang makapasok ang moped sa paradahan ng simbahan, nakita ni Mara na maraming dumarating na kababaihan. Ang ilan ay naglakad o sakay ng mga moped. Ang iba naman ay dumating sakay ng mga tuk tuk, maliliit na karuwaheng hila ng motorsiklo. Karamihan sa kababaihan ay nakasuot ng bestida o simpleng palda, tulad ni Mara. At ang ilan ay may suot na mga sampot, magaganda at mahahabang palda na yari sa makukulay na tela.

Umupo sina Mara, Mak, at Yiay sa chapel kasama ng iba pang kababaihan. Tapos na talaga ang kumperensya noon pang nakaraang linggo sa Salt Lake City, Utah, USA. Ngunit ngayon ay mapapanood na ng mga tao sa Cambodia ang brodkast sa wikang Khmer. Nagsasalita si Mara ng Ingles at Khmer sa bahay, at natuto rin siya ng Pranses sa paaralan. Ngunit maraming taga-Cambodia na Khmer lang ang sinasalita.

Ang unang tagapagsalita ay hindi nagkuwento tungkol sa mga pioneer. Ngunit ang pangalawang tagapagsalita ay nagkuwento tungkol sa matarik at maputik na daan pauwi mula sa paaralan. Ang tawag doon ay “daan ng mga lalaki,” at kung minsan ay naghuhubad siya ng sapatos at naglalakad nang nakayapak. Gusto niyang gumawa ng mahihirap na bagay para maging katulad siya ng isang pioneer! Napangiti si Mara nang maisip niya ang lahat ng mga paraan kaya siya naging isang pioneer.

Ang huling tagapagsalita ay ang propeta. Nakatayo siya nang tuwid. Nakinig nang mas mabuti si Mara. “Inaanyayahan ko kayong basahin ang Aklat ni Mormon mula ngayon hanggang sa katapusan ng taon,” sabi niya. “Pagpapalain kayo ng langit. Bibiyayaan kayo ng Panginoon.”

Alam ni Mara na hindi magiging madaling basahin ang buong Aklat ni Mormon. Tumingin siya sa mga kababaihang nasa paligid niya. Pinili nilang lahat na sundin si Jesucristo. Nagpunta silang lahat ngayong gabi upang makinig sa propeta. Susundin niya ang propeta, tulad nila. Magiging pioneer siya!