Bakit Hindi Ako Binalaan ng Diyos?
Lark Montgomery
Texas, USA
Naninirahan kami noon ng asawa ko sa isang dormitoryo sa loob ng Texas State Technical Institure nang ang dalawa sa pinakamatatanda naming mga anak ay apat at dalawang taong gulang. Ito ang una naming karanasan sa mabuburol na bukirin ng Texas, at gustung-gusto ko ito! Tuwing tagsibol, ang gitnang Texas ay puno ng mga bulaklak. Sa mga hardin, kakahuyan, bakanteng kaparangan, sa gilid ng mga kalsada, kahit saan ako tumingin ay mayroong makikitang mga bulaklak.
Halos araw-araw kong iginagala sa stroller ang mga anak ko. Nakahahanap kami ng mga bagong gagalugaring lugar, at hinahayaan ko ang aking mga anak na mamitas nang mamitas ng mga ligaw na bulaklak hangga’t gusto nila. Tinatapos namin ang aming paggala sa pagdaan sa isang kapitbahayan kung saan ang karamihan sa mga bahay ay mayroong mga hardin ng mga bulaklak na inaayos nang maganda.
Isang araw, napunta kami sa isang sulok at natuklasan ang isang malaking bulto ng mga papel na nakakalat sa isa sa mga hardin ng mga bulaklak. Mabilis na ikinalat ng hangin ang mga papel sa buong bakuran. Nagpasiya ako na pulutin ang kalat bago pa man ito kumalat nang husto. Dumampot ako ng dakut-dakot na mga pahina at isinuksok ang mga ito sa aking bag ng mga diaper.
Nang tumingin ako paibaba, napagtanto ko na pornograpiya ang hinahawakan ko. Gulat na gulat, hiniling ko sa mga anak ko na manatili sa stroller habang dinadaklot ko ang natitirang mga pahina. Sumama ang pakiramdam ko nang masulyapan ko ang mga bagay na hindi ko kailanman nais na makita. Sa puso ko ay nagsimula akong magreklamo, “Bakit hindi ako binalaan ng Diyos na sa ibang landas dumaan pauwi?”
Pagkatapos ay narinig ko ang isang hindi maikakailang tunog ng preno ng isang school bus. Mga isang dosenang bata ang bumaba ng bus. Dumaan silang lahat sa bakuran na puno ng pornograpiya noong nakalipas na ilang sandali.
Sa pagkakataong iyon, lubos na nagbago ang aking pananaw. Nalaman ko na ngayon kung bakit hindi ako binalaan na dumaan sa ibang landas. Nagpasalamat ako na naroon ako para pulutin ang mga pahinang iyon para maiiwas ang mga bata na makita ang nakapipinsalang mga larawang iyon. Sa aking pag-uwi, naisip ko, “Paano kung mas natagalan pa na dumating ang school bus?” Paano kung hindi ko nalaman kung bakit nagkaroon ako ng ganoong karanasan? Gaano katagal ako magtatampo sa Diyos?”
Simula noong araw na iyon, ang pagkakataon na ibinigay sa akin ng Panginoon na makita kung “bakit” naranasan ko iyon ay tumulong sa akin na magtiwala na ang Kanyang karunungan at mga layunin ay mas dakila kaysa sa akin.
Kung minsan ay nalalaman ko kung bakit nangyari ang isang bagay; sa ibang pagkakataon ay hindi. Pero anuman ang mangyari, alam ko na kailangan kong magkaroon ng pananampalataya na ang Panginoon ay may mas malaking layunin na hindi ko palaging nakikita.