Mga Young Adult
Kung Maagang Natapos ang Mission Mo, Huwag Kang Sumuko
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Ang iyong halaga ay hindi nabawasan dahil sa pag-uwi nang maaga mula sa iyong mission.
Kung binabasa mo ito, marahil ay alam mo na kung gaano kahirap umuwi nang maaga mula sa misyon. Ang mga young adult na naglilingkod ay maaaring makaranas ng pisikal na sakit, problema sa pag-iisip, hindi inaasahang pangyayari sa lugar na pinaglilingkuran, problema sa pagkamarapat, matinding hindi pakikipagkasundo sa iba, o hindi pagsunod sa mga patakaran ng mission, na nagdudulot sa kanila na iwan ang kanilang mission bago ang inaasahan nilang petsa ng pag-uwi.
Anuman ang dahilan, hindi nais ng Diyos na magdulot ang mga pagsubok na ito ng permanenteng negatibong epekto sa espirituwal na pag-unlad ng Kanyang mga anak. Kaya paano matagumpay na uunlad ang mga missionary na umuwi nang maaga mula sa napakahirap na pagbabagong tulad nito? At paano makakatulong ang mga magulang, mga lider ng Simbahan, at mga mahal sa buhay?
Isang Missionary sa Aklat ni Mormon
Isang kuwento mula sa aklat ni Alma ang nagbibigay sa atin ng nakakatulong na halimbawa. Pinangasiwaan ng Nephitang propetang si Alma ang misyon sa masasamang Zoramita, kasama ang marami pang ibang pinagkakatiwalaang indibiduwal. Ang isa sa mga indibiduwal na ito, ang kanyang anak na si Coriaton, ay “[tumalikod sa] ministeryo, at nagtungo sa lupain ng Siron sa mga hangganan ng mga Lamanita sa pagsunod sa patutot na si Isabel” (Alma 39:3). Dahil dito, masidhing pinagsabihan ni Alma si Corianton at sinabihan siyang magsisi, ipinapaliwanag na, “hindi ko tutukuyin ang iyong mabibigat na kasalanan upang saktan ang iyong kaluluwa, kung ito ay hindi para sa iyong ikabubuti” (Alma 39:7).
Mapagpakumbabang tinanggap ni Corianton ang pagwawasto ng kanyang ama, nagsisi sa kanyang mga kasalanan, at bumalik upang maglingkod bilang isang missionary sa mga Zoramita para “ipahayag ang salita nang may katotohanan at kahinahunan” (Alma 42:31). Ipinagpatuloy sa talang ito na matapos makausap ni Alma ang kanyang mga anak na lalaki, “ang mga anak ni Alma [kapwa sina Shiblon at Corianton] ay humayo sa mga tao, upang ipahayag ang salita sa kanila” (Alma 43:1).
Pagbalik nang May Potensyal
Ano ang natutuhan natin mula sa kuwentong ito? Una, ang isang missionary na umuwi nang maaga—kahit na dahil sa mga dahilang maaaring maiwasan—ay makakagawa pa rin ng mga dakilang bagay. Maaaring nakagawa ng malalaking kasalanan si Corianton, subalit nagpatuloy pa rin siya upang tuparin ang isang dakilang gawain. Gayundin, maging ang mga missionary na umuwi nang maaga dahil sa kanilang sariling mga gawa ay hindi dapat makaramdam na tila winasak na nila ang kanilang espirituwal na potensyal. Natuto si Corianton mula sa kanyang mga pagkakamali at kalaunan ay itinatag ang kaharian ng Diyos sa kamangha-manghang mga paraan, at ang gayunding kakayahan ay taglay ng lahat gaano man nila nadarama na nabigo sila.
Pangalawa, natutuhan natin ang mahalagang tungkuling ginagampanan ng iba sa espirituwal na paggaling ng isang missionary na umuwi nang maaga. Si Alma—ang ama at priesthood lider ni Corianton—ay nagbigay ng payo kay Corianton nang may katalasan datapwat may tiwala rin sa kanyang kakayahang makamtan pa rin ang kanyang espirituwal na potensyal. Tulad ng nangyari kay Corianton, ang mga bunga ng hindi pagsunod sa mission ay tiyak na darating, subalit ang anumang disiplina ay dapat samahan ng pagmamahal, pagpapatawad, at awa (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:41–44).
Pagbabalik upang Maghilom
Ang ganitong mensahe ng pag-asa para sa mga missionary na umuwi nang maaga ay inuulit ngayon. Kung minsan ay nakadarama ng panghihinayang si Marshall, na umuwi nang maaga dahil sa mga hamon hinggil sa pisikal at sa pangkaisipang kalusugan, dahil sa mga problema sa kalusugan at personal na mga kahinaan na humadlang sa kanya mula sa pagiging isang lubos na epektibong missionary. Gayunpaman, nadarama niyang naging kapaki-pakinabang ang kanyang paglilingkod.
“Bilang mga missionary, hindi kami perpekto,” sabi ni Marshall. “Natutukso pa rin kami; maaari pa rin kaming magkasala. Subalit marahil ay nais ni Satanas na pagtuunan ninyo ng pansin ang inyong mga kahinaan—upang madama ninyong hindi tinatanggap ng Panginoon ang inyong handog dahil sa mga pagkakataong hindi kayo ang pinakamahusay na missionary.”
Naniniwala si Marshall na nais ng Panginoon na malaman ng mga missionary na nasisiyahan Siya sa paglilingkod na inihahandog nila, kahit na kapag ang paglilingkod na iyon ay hindi perpektong naibigay dahil sa pagpili o sitwasyon.
Natutuhan ni Marshall na makayanan ang karanasang ito at maghilom sa pamamagitan ng paggawa sa lahat ng kanyang makakaya upang manatiling malapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Pagbabalik upang Magsisi
Isa pang missionary, na naglingkod sa Colorado, USA, ang napauwi mula sa kanyang mission dahil sa mga kadahilanan hinggil sa disiplina at natiwalag mula sa Simbahan, subalit kalaunan ay nabinyagang muli. “Mahirap ang pag-uwi,” sabi niya. “Nadama kong ako ay naliligaw at walang-saysay. Kung minsan, ang pinakamahirap na bahagi ng pag-uwi ay ang [paghahanap ng] motibasyong magpatuloy sa pagsisimba, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, at pagdarasal. Ang mga simpleng bagay ang pinakamahihirap.”
Subalit nakahanap siya ng lakas sa pamamagitan ng suporta ng mga kaibigan at pamilya at sa pagsisikap na magsisi.
“Ang pagtatakda ng mga mithiin, pakikipagkita sa aking bishop, at pagpunta sa templo nang karapat-dapat ako ay nakatulong sa akin na maging mas malapit sa aking Ama sa Langit,” dagdag pa niya. “Naaalala ko ang mga panahon na hindi ko magawang makipagkita sa aking bishop o matupad ang ilang mga mithiin; ang kaaway ay palaging naroon, tinutukso ako.”
Ang kanyang pagbangon ay naging posible sa pamamagitan ng “palaging pag-alala na mayroon akong isang Ama sa Langit na nagmamahal sa akin at nagnanais na maging masaya ako. Sa pagkakaroon natin ng patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at sa pagsisisi, magagawa nating palaging mas makalapit sa Diyos nang hindi alintana kung gaano man tayo kalayo sa Kanya sa palagay natin.
“Kapag binabalikan ko ang alaala ng aking mission,” pagpapatuloy niya, tinutukoy ang mga buwang naglingkod siya bago ang mga pangyayaring nagdulot sa pagpapauwi sa kanya, “Nadarama ko pa ring isa iyon sa mga naging pinakamagandang karanasan ko. Marami akong natutuhan, at kahit na hindi ito natapos ayon sa ipinlano ko, nakasaksi pa rin ako ng mga buhay na nagbago dahil sa ebanghelyo. Nakagawa ako ng ilang pagkakamali, pero higit na lumago ang aking patotoo nang sikapin kong magsisi at magpatuloy sa pag-unlad sa espirituwal.”
Nais Niyang malaman ng ibang umuwi nang maaga dahil sa kanilang mga pagpili na “hindi pa huli ang lahat at may pag-asa pa. Ang pag-uwi ay unang hakbang tungo sa pagsisisi. Kapag napagdaanan mo na ang prosesong ito ng pagsisisi, marami kang matatanggap. Ang mabigat na pasaning iyan ay pagagaanin. Wala nang mas magandang pakiramdam kaysa sa kaalamang sinusunod mo ang mga kautusan ng Diyos.”
Pagmamahal sa mga Umuwi nang Maaga
Binigyang-diin ng dalawang missionary na ito na umuwi nang maaga kung gaano kahalaga para sa mga kaibigan at pamilya ng mga missionary na umuwi nang maaga na mahalin at tulungan sila.
“Bigyan sila ng kalayaan,” sabi ni Marshall. “Pero tiyaking malapit ka lamang, dahil maaaring medyo nakakapanghina ng loob ang karanasang ito. Maging kaibigan nila.” Sa pamamagitan ng pakikinig sa Espiritu, maaari nating matukoy ang kanilang mga pangangailangan at malaman kung kailan tutulong at kung kailan rerespetuhin ang kanilang privacy.
“Mahalin lamang sila,” dagdag ng missionary na naglingkod sa Colorado. “Hikayatin silang palaging alalahanin ang nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo.”
Kung paano tratuhin ng iba ang mga missionary na umuwi nang maaga ay makakatulong sa pagpapasiya kung mararamdaman nila na hinuhusgahan sila kaya mahihiya at lalayo sila sa Simbahan o kung magpapatuloy sila sa paglago nang may pananampalataya. Kung gayon ay mahalagang tanggapin at suportahan sila nang hindi hinuhusgahan.
Tulad ni Corianton, ang mga missionary na umuwi nang maaga ay may potensyal na bumangon mula sa kanilang kasalukuyang mahinang kondisyon tungo sa pagiging makapangyarihang mga instrumento ng Panginoon.
Paghahanap ng Pag-asa sa Plano ng Diyos
Naghandog si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ng ilang salitang mapag-alo sa mga missionary na umuwi nang maaga. “Kapag may nagtanong kung naglingkod kayo sa isang mission, sabihin ninyong oo,” sabi niya. “… Pahalagahan ang paglilingkod na ibinigay ninyo. Magpasalamat para sa pagkakataon na magpatotoo, na maglingkod sa pangalan ng Panginoon, na magsuot ng name tag ng missionary. … Pakiusap, mangyaring huwag na itong alalahaning muli; huwag isiping kayo ay kabiguan o hindi karapat-dapat.”1
Para sa mga umuwi nang maaga bilang resulta ng kasalanan, tandaan ang mga salitang ito mula kay Sister Joy D. Jones, Primary General President: “Kung nagkasala tayo, hindi tayo gaanong karapat-dapat, ngunit hindi kailanman nababawasan ang ating halaga!”2 Ipinahayag niya na tutulungan tayo ng Diyos na magkaroon ng tiwala sa ating mga sarili sa pinakamahihirap na sitwasyon kung babaling tayo sa Kanya.
Ang mensahe mula sa Aklat ni Mormon, mula sa mga missionary na umuwi nang maaga sa panahon ngayon, at mula sa mga lider ng Simbahan ay pare-pareho: Huwag mawawalan ng pag-asa, sapagkat ang Diyos ay may mga plano pa rin para sa inyo na mas dakila kaysa sa kaya ninyong mawari. Para sa mga mahal sa buhay ng mga missionary na ito, ang tugon ninyo sa kanilang pag-uwi ay makakagawa ng malaking kaibhan sa pagtulong sa kanilang maghilom at maabot ang kanilang potensyal. Alalahanin na kayang pagalingin ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang lahat ng sugat—kabilang ang mga yaong kaakibat ng pag-uwi nang maaga mula sa misyon.