2019
Pananalangin Kasama si Filip
Hulyo 2019


Pananalangin Kasama si Filip

Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.

Ano ang ibig sabihin ng “basbasan ang pagkain”?

“Manalangin tuwina” (Doktrina at mga Tipan 19:38).

Praying with Filip

Iyon ang unang beses ni Josef sa bahay ni Filip. Nalibang sila sa pagbubuo ng isang spaceship na yari sa karton. Kinulayan pa nila ito ng magagandang apoy. Nang tawagin sila ng ina ni Filip para maghapunan, sinundan ni Josef si Filip papasok sa kusina.

“Ako na ang magbabasbas sa pagkain,” sabi ng ama ni Filip.

Ano ang ibig sabihin niyon? naisip ni Josef. Pinanood niya si Filip at ang pamilya nito habang idinadaiti ng bawat isa ang kanilang daliri sa kanilang noo, pagkatapos ay sa gitna ng kanilang dibdib, pagkatapos ay sa kaliwa, pagkatapos ay sa kanan. Hindi pa siya nakakita ng sinuman na gumawa niyon.

Iniabot ni Filip ang kanyang kamay. Tumingin sa paligid si Josef at nakita niya na magkakahawak-kamay ang buong pamilya ni Filip habang nakayuko. Mananalangin ba sila? Iyon ba ang ibig sabihin ng “basbasan ang pagkain”? naisip ni Josef.

Ayaw saktan ni Josef ang damdamin ni Filip, kaya inabot niya ang kamay nito. Inabot naman ng ama ni Filip ang isa pang kamay ni Josef at pagkatapos ay nagsimulang manalangin.

“Pagpalain N’yo po kami, O Panginoon …”

Bago sila umupo, muling idinaiti ni Filip at ng kanyang pamilya ang kanilang daliri sa kanilang noo at dibdib tulad ng ginawa nila kanina.

Nang makauwi si Josef, kinumusta ni Inay ang kanyang araw.

“Nasiyahan ka ba?” tanong ni Inay.

“Opo,” mahinang sagot ni Josef. Nasiyahan nga siya. Ang ganda ng spaceship, at ang sarap ng mga hamburger. Pero may bumabagabag sa kanya.

Tiningnan siya nang mas maigi ni Inay. “Mukhang hindi ka OK. May problema ba?”

“Kasi po …”

napakaraming tanong ni Josef! Iniisip pa rin niya ang panalanging iyon. Bakit iba ito sa paraan ng pananalangin niya at ng kanyang pamilya?

“Inay,” tanong niya, “paano po kayo manalangin bago kayo sumapi sa Simbahan?” Ikinuwento ni Josef ang tungkol sa pananalangin ng pamilya ni Filip.

“Mukhang mga Katoliko sila, tulad ko noon,” sabi ni Inay. “Nag-aantanda sila ng krus gamit ang kanilang mga kamay. Hindi ba mukhang krus iyon? Tanda iyon na namatay si Jesus para sa atin.”

Ngumiti si Josef. “Naniniwala rin po pala si Filip kay Jesus?”

“Tama,” sabi ni Inay. “Naaalala mo ba kung ano ang sinabi ng ama ni Filip sa panalangin?”

Pinag-isipan iyon ni Josef. “Pinasalamatan niya po ang Diyos para sa mga pagpapala na ibinibigay Niya sa atin … at binanggit niya po si Cristo!”

“Kita mo?” nakangiting sabi ni Inay. “Hindi tayo gaanong magkaiba. Masaya ako na naranasan mong manalangin kasama ng pamilya ni Filip.”

Pagkaraan ng ilang araw, nagpunta naman si Filip sa bahay para makipaglaro. Naglalaro sila sa labas nang tawagin sila ni Itay para maghapunan. Kumukulo ang sikmura ni Josef habang tumatakbo sila papunta sa kusina.

“Gutom na gutom na po ako!” sabi ni Josef.

“Ako rin po,” sabi ni Filip.

Nagtipon silang lahat sa paligid ng mesa. Umupo si Filip sa tabi ni Josef. Nag-antanda si Filip at inabot ang kamay ni Josef.

“Ganito kami manalangin sa aming bahay,” sabi ni Josef. “Tinitiklop namin ang aming mga kamay, ipinipikit ang aming mga mata, iniyuyuko ang aming mga ulo, at nananalangin.”

“Ganoon lang?”

“Ganoon lang.”

“Ang dali,” sabi ni Filip.

Pumikit si Josef at ngumiti. Masaya siya na naranasan niyang manalangin kasama ng kanyang kaibigan.

May mga kaibigan ako sa paaralan na Katoliko at Muslim, at matalik kaming magkakaibigan dahil ganoon ang gusto ni Jesus na pagtrato namin sa isa’t isa.

Elizibeth A., edad 8, West Midlands, England