2019
Kami ay mga Saksi: Ang Labindalawang Apostol Ngayon
Hulyo 2019


Kami ay mga Saksi: Ang Labindalawang Apostol Ngayon

Ibinabahagi ng mga Apostol sa panahon ngayon ang mga saloobin nila tungkol sa kanilang sagradong tungkulin.

members of the Quorum of the Twelve Apostles

Larawang kuha ng Busath Photography

Sa loob ng 189 na taon mula nang itatag ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 102 kalalakihan na ang natawag na maglingkod bilang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Bagama’t nag-utos na ang Panginoon ng maraming pagbabago sa Simbahan simula noon, gayon pa rin ang mga pangunahing tungkulin ng isang Apostol.

Mula sa kanyang opisina malapit sa Temple Square, binanggit ni Pangulong M. Russell Ballard, Tumatayong Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang espirituwal na utos na ibinigay sa mga Apostol na patotohanan ang Tagapagligtas sa buong mundo, ang espesyal na koneksyon nila sa mga missionary, at ang ilang karaniwang maling akala tungkol sa pagiging “isang apostol, tagakita, at tagapaghayag.” Nang tanungin kung may iba pang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na irerekomenda niyang magsalita tungkol sa kanilang sagradong tungkulin bilang bahagi ng artikulong ito, mabilis na sumagot si Pangulong Ballard, “Oo. Lahat sila.”

Pananatiling Nakaayon

Malalaking hamon ang kinakaharap ngayon ng mga Apostol. Naglilingkod sila sa mga kongregasyon sa buong daigdig na sinusubukan ng kaguluhan sa pulitika, pagkawasak ng pamilya, walang-tigil na impluwensya ng social media, at mga kawalang-katiyakan sa ekonomiya. Mahalagang maunawaan ng mga Apostol ang mga hamon at sitwasyong kinakaharap ng mga miyembro.

Bilang mga pinuno ng Simbahan, kailangang makilala ng mga Apostol ang mga tao at malaman ang kanilang sitwasyon para mas mapaglingkuran sila.

“Kailangan naming malaman ang mga bagay na nakakaapekto sa buhay ng mga tao,” sabi ni Elder Ulisses Soares. “Kailangan ng mga Apostol na patuloy na matuto, magtanong, at tumanggap ng inspirasyon at paghahayag.”

Mahalaga man na maging sensitibo sa kinakaharap ng mga miyembro, mas mahalagang makinig nang husto ang mga Apostol sa gumagabay na tinig ng Diyos at maging sensitibo sa kalooban ng Panginoon, sabi ni Pangulong Ballard. “Ito ang Simbahan ng Panginoon, at ang malaking hamon sa amin ay tiyakin na sensitibo kami sa kung paano Niya nais na pangasiwaan namin ang Kanyang kaharian dito sa lupa,” sabi ni Pangulong Ballard.

Natatanging mga Saksi

Habang nagsasalita ang bawat Apostol tungkol sa kanyang tungkulin, madaling maliwanagan na hindi pangangasiwa ang pangunahin nilang problema. Ang pangunahin nilang responsibilidad ay kaparehong-kapareho noon—sila ang magiging “mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (Doktrina at mga Tipan 107:23).

Ang huling tagubilin ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol (tingnan sa Mateo 28:19–20) ay humayo at “magturo, magpatotoo, magbinyag, at patatagin at palakasin ang Kanyang Simbahan,” sabi ni Pangulong Ballard.

Ngayon ay hindi pa nagbabago ang responsibilidad ng mga Apostol. “Una sa lahat, noon pa man, kami ay mga saksi na totoong buhay ang Panginoong Jesucristo,” sabi ni Elder David A. Bednar. “Kami ay hindi mga administrador; kami ay mga ministro ng ebanghelyo ni Jesucristo.”

Ang mga Apostol ay inutusang “maging naglalakbay na mga saksi” na nagtutungo sa “buong mundo,” sabi ni Elder Jeffrey R. Holland. “Gusto naming madama maging sa pinakamalayong yunit ng Simbahang ito, ayon sa lokasyon, na napakalapit ng koneksyon sa pagitan nila at ng propeta ng Panginoon,” sabi niya. “Madalas sabihing, ‘Parang napakaliit ng mundo sa Simbahang ito.’ Tungkol naman sa koneksyon sa mga Apostol, sana’y gayon din palagi.”

Christ appearing to His Apostles

Go Ye Therefore, and Teach All Nations, ni Harry Anderson

Pagtulong sa Bawat Stake

Ipinaliwanag ni Elder Quentin L. Cook na sa loob ng apat na taon, bawat isang stake at ward, district at branch, sa Simbahan ay may dumarating na isang miyembro ng Labindalawa at nakikipag-usap sa mga lider nito—at tinuturuan sila tungkol sa mga prayoridad ng propeta.

“Dahil sa mga leadership conference, naisakatuparan natin ang utos sa atin sa doktrina na ‘[magtayo] ng Simbahan at [mamahala] sa lahat ng gawain ng nabanggit sa lahat ng bansa’ [Doktrina at mga Tipan 107:34] sa ilalim ng pamamahala ng Unang Panguluhan,” sabi niya.

Sa pangkalahatan, ang mayaman at malalim na itinuturo ng mga karanasan ng mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol ay tumutulong na magabayan ang mga lokal na lider sa paggawa ng mahahalagang desisyon para hikayatin at suportahan ang mga miyembro sa kanilang mga hamon, sabi ni Elder Bednar.

“Sa pagpunta namin sa iba’t ibang lugar, nadarama namin ang kabutihan ng mga miyembro,” sabi ni Elder Gerrit W. Gong. “Naririnig namin ang mga karanasan at nalalaman ang mga bagay na tumutulong sa amin na makaunawa habang nag-uusap-usap kami bilang isang korum tungkol sa nangyayari sa iba’t ibang panig ng mundo at sa iba’t ibang grupo sa loob ng Simbahan.”

Ang paglalakbay sa mga leadership conference ay “nagbibigay sa amin ng pagkakataong makipag-ugnayan sa mababait at magigiliw na tao,” sabi ni Elder Cook. “Nagpupunta kami sa kanilang mga tahanan, at nagkakaroon kami ng pagkakataong mag-minister o maglingkod sa kanila. … Ang paglilingkod sa mga Banal ang lubos na umaantig sa aming puso. Ginagawa namin ito sa patnubay ng Espiritu Santo at ng Tagapagligtas at sa kaalamang natamo namin sa pamamagitan ng karanasan, na ang ilan ay napakasagrado para ikuwento,” sabi niya.

Paglilingkod sa Indibiduwal

Pagkaraan ng 43 taon bilang General Authority at ngayo’y nasa kanyang ikaapat na dekada ng paglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol, ang mga tungkulin ni Pangulong Ballard ang nagdala sa kanya sa halos lahat ng bansa sa mundo, na nagtutulot sa kanya na mag-minister o maglingkod nang harapan sa maraming miyembro at mga missionary. Milyun-milyon ang nakarinig sa kanyang mga mensahe sa mga pangkalahatang kumperensya at debosyonal. Ngunit kahit ang buong daigdig ang responsibilidad niya, tinutulutan siya ng Espiritu Santo na makipag-ugnayan sa at pagpalain ang mga indibiduwal. Ang tila kabalintunaang ito ang paraan ng Tagapagligtas, sabi niya. “Kung minsa’y nakakatanggap ako ng liham mula sa isang tao na nagsasabing, ‘Nasa pulong po ako kanina, at may sinabi kayo na nagpabago sa buhay ko.’ Iyan ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Pinamamahalaan ng Panginoon maging ang pinakamaliliit na detalye sa Kanyang Simbahan.”

“Ang di mabilang na matatamis at simpleng karanasan sa mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo” ang naglalarawan sa ministeryo ng isang apostol, sabi ni Elder Bednar. “Nagsusugo ang Panginoon ng isang miyembro ng Korum ng Labindalawa sa partikular na mga lugar sa partikular na mga pagkakataon kung saan nakakatagpo kami ng matatapat na Banal sa mga Huling Araw at iba pa na madalas ay nahihirapan o nangangailangan ng kapanatagan at katiyakan. Isinasaayos ng Diyos ang mga pakikipag-ugnayang iyon,” sabi ni Elder Bednar.

Sabi ni Elder Ronald A. Rasband, matapos siyang tawagin bilang Apostol, nalaman niya na kailangan niyang magdagdag ng oras sa bawat aktibidad sa kanyang buhay para mabati niya ang mga miyembro ng Simbahan at ang iba pa. “Hindi ito tungkol sa akin,” sabi niya. “Tungkol ito sa respeto at sa paggalang ng mga miyembro ng Simbahang ito sa katungkulan ng Apostol.”

Sabi ni Elder Rasband, nang maorden siyang Apostol, sinabihan siya, “‘Inilalagay ka namin sa isang katungkulan na maging isang natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig … sa lahat ng panahon at sa bawat sitwasyon.’ Kasama ang mga salitang iyon sa ordinasyon ko: ‘sa lahat ng panahon at sa bawat sitwasyon.’”

President Ballard, Elder Holland, Elder Uchtdorf, Elder Bednar

Pangulong Ballard sa Spain

Elder Holland sa England

Elder Uchtdorf sa Russia

Elder Bednar sa Peru

Mga larawang kuha nina Juan Antonio Rodriguez (Spain), Simon Jones (England), Luis Antonio Arroyo Abando (Peru), Christen Albo (Argentina), Dalene Griffin (Mexico), Alexandre Borges (Brazil)

Isang Mahalagang Relasyon

Ang mga Apostol at ang mahigit 70,000 mga full-time missionary ng Simbahan ay may iisang sagrado at magkakaugnay na relasyon.

Ang salitang apostol ay nagmumula sa isang salitang Griyego na ibig sabihin ay “isugo,” paliwanag ni Elder Dale G. Renlund. Isipin ang malinaw na utos ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol noong araw: “Magsiyaon kayo sa buong sanglibutan, at inyong ipangaral ang evangelio sa lahat ng kinapal. Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas” (Marcos 16:15–16).

Sa pagsunod sa utos na iyon, ang Labindalawa ay “matwid na abala” sa gawaing misyonero at naghahatid ng mensahe ng ebanghelyo, sabi ni Pangulong Ballard.

Tulad ni Pablo noong araw, ang mga Apostol ngayon ay mapanalanging ipinagagawa sa iba ang kanilang mga tungkulin upang maibahagi ang ebanghelyo sa iba. At, tulad sa isang Apostol, isinusugo ang mga missionary sa buong mundo para ituro ang ebanghelyo ni Cristo. “Ang Labindalawa, na gumagamit ng mga susing hawak nila, ang nagtatalaga sa kanila sa mga mission,” sabi ni Elder Bednar. “Kaya ipinadadala namin sila.”

Ang Panginoon pa rin ang gumagabay na direktor sa gawaing misyonero. Binibigyan Niya ng awtoridad ang Kanyang mga buhay na Apostol, na itinatalaga sa iba’t ibang pagkakataon na maglingkod sa Missionary Executive Council, para maiparating ang Kanyang mga hangarin sa mga full-time missionary na nasa misyon. Ang gayong mga tungkuling administratibo ay hindi lamang “pagpapatakbo ng organisasyon,” sabi ni Elder Bednar. Hawak ng mga Apostol ang mga susi ng priesthood para sa pagtitipon ng Israel. “Nagbibigay kami ng espirituwal na paggabay at patnubay upang maisagawa ang gawain sa paraang nais ng Panginoon,” sabi niya.

Si Elder Dieter F. Uchtdorf ang namumuno sa Missionary Executive Council ng Simbahan. Nasa ibabaw ng kanyang mesa sa opisina ang isang maliit na rebultong tanso ng isang magkompanyon na missionary na inilarawan na mabilis na pumapadyak sa mga bisikleta, marahil ay nagmamadaling magpunta sa isang teaching appointment. Tuwing pag-aaralan niya ang rebultong tanso, naaalala niya ang matibay na koneksyon ng mga Apostol sa mga missionary. “Bawat isa sa 70,000 mga missionary ay nagsasagawa ng isang sagradong paglilingkod at tinawag ng Panginoon sa isang liham mula sa propeta ng Diyos na maging mga kinatawan ng Tagapagligtas. Sila ang kaagapay ng Labindalawa.”

“Tuwing may pagkakataon kami, kinakausap namin sila,” sabi ni Pangulong Ballard. “Hinahayaan namin silang magtanong. Sinisikap naming tulungan sila na hanapin, turuan, binyagan, at palakasin ang mga anak ng ating Ama sa Langit.”

Sa pagtutulungan, ang dalawang grupong ito ay ipinadadala upang ibahagi ang mabuting balita ng ebanghelyo sa buong mundo. “Itinuturing namin ang mga full-time missionary na mga kompanyon namin,” sabi ni Elder D. Todd Christofferson.

Mga Maling Akala

Bagama’t maaaring isipin ng ilang tagalabas na nagmamasid na ang Simbahan ay pinamumunuan na tulad sa isang korporasyon, ang pagiging Apostol “ay hindi katulad ng pagiging business executive; lubos na naiiba ito,” sabi ni Elder Gary E. Stevenson. “Ang tungkulin ng isang Apostol ng Panginoong Jesucristo ay talagang isang tungkuling maglingkod at magpastol.” Ang papel na maging saksi ni Jesucristo sa mundo ay “nagtuturo at naglalarawan sa amin.”

Sabi ni Elder Neil L. Andersen, sa Korum ng Labindalawang Apostol, walang pangkatan, pilitan, o agawan ng kapangyarihan. Mayroong “magkakaibang opinyon,” ngunit “walang pasiklaban.”

Pinagsasama-sama ng Panginoon ang maraming tao mula sa iba’t ibang propesyon at pinagmulan, sabi ni Elder Andersen. Ngunit “magkakatulad sila sa kanilang patotoo tungkol sa Tagapagligtas at sa kanilang pagpapakumbaba. Hindi sila naghahangad ng katungkulan; hindi nila sinisikap na maging pinakamatalinong tao sa silid. Magagamit sila ng Panginoon. Hindi ko pa nakita ang sinuman [sa Labindalawa] na magalit, at hindi ko pa nakita ang sinuman na nanghamak ng sinuman.”

Pagpapakumbaba ang naglalarawan sa pagiging Apostol, sabi ni Elder Uchtdorf. Nakikilala sila dahil sa kanilang mga tungkulin halos saanman sila maglakbay, “ngunit alam namin na hindi ito tungkol sa amin—tungkol ito sa Kanya. Kinakatawan namin Siya. … Tungkol ito sa Kanyang kadakilaan.”

Elder Cook, Elder Christofferson, Elder Andersen, Elder Rasband

Elder Cook sa Argentina

Elder Christofferson sa Mexico

Elder Andersen sa Brazil

Elder Rasband sa India

Tinawag Tayong Lahat na Maglingkod

Pagkatapos mamatay at Mabuhay na Mag-uli ang Tagapagligtas, tinuruan Niya ang Kanyang mga disipulo sa loob ng 40 araw at pagkatapos ay umakyat na Siya sa langit. Naiwang may bakante sa Korum ng Labindalawang Apostol—na nilikha ng pagkakanulo sa Kanya at pagkamatay ni Judas Iscariote—nagtipon ang mga miyembro ng korum at nagsumamo sa Panginoon.

Tinukoy ang dalawang lalaki, sina Matias at Barsabas, at ipinagdasal ng mga Apostol na ipakita ng Panginoon “kung [sino] sa dalawang ito ang iyong hinirang, … at nagkapalad si Matias; at siya’y ibinilang sa labingisang apostol” (tingnan sa Mga Gawa 1:23–26).

Noon at ngayon, ang “matawag bilang Apostol ay hindi isang katuparan o tagumpay,” paliwanag ni Elder Renlund. “Hindi ito isang tungkuling nakakamit. Si Matias, sa Mga Gawa kabanata 1, ang pinili ng Diyos sa halip na si Barsabas. Hindi sinabi sa atin ng Diyos kung bakit. Ngunit dapat nating malaman na ang patotoo ni Barsabas na paggalang sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay katumbas ng kay Matias.”

Ang Diyos ang pumili, paliwanag niya. “Kung ginampanan ni Barsabas ang anumang tungkulin niya, hindi naiiba ang natanggap niyang gantimpala sa gantimpalang maaaring natanggap ni Matias, kung ginampanan nga niya ang kanyang tungkulin.”

Tulad ng ang patotoo ni Barsabas ay katumbas ng patotoo ni Matias, bawat miyembro ng Simbahan ay may karapatan sa at maaaring “magkaroon ng relasyon sa Panginoon na tulad sa isang Apostol,” sabi ni Pangulong Ballard.

Ang paglilingkod sa Panginoon at sa Simbahan ay “isang pribilehiyo at pagpapala. Ito’y isang karangalan,” sabi ni Elder Uchtdorf. “Ipinapakita ng Panginoon ang Kanyang pagmamahal sa atin, at maipapakita natin ang ating pagmamahal sa Panginoon sa paggawa ng anumang ipinagagawa Niya sa atin.”

Isang Sagradong Karanasan

Ang pagiging bahagi ng isang naglalakbay na high council ay isang sagradong karanasan, sabi ni Elder Andersen. “Kapag nagpapatotoo kami, tumatagos ang patotoong iyon sa puso ng mga tao, ang bahagi nito ay dahil sa aming ordinasyon.”

Sabi ni Elder Christofferson, sa mga una niyang pagmiministeryo bilang Apostol, nahirapan siya sa mga inaasahan sa kanya. Ngunit nakatanggap siya ng simpleng mensahe mula sa Panginoon: “Kalimutan mo ang sarili mo at ang iisipin sa iyo ng mga tao, humahanga man sila o hindi nasisiyahan o anupaman. Magtuon ka lang sa gusto Kong ibigay sa kanila sa pamamagitan mo. Magtuon ka sa gusto Kong iparinig sa kanila sa pamamagitan mo.”

Ilang taon na ang nakalilipas, bumisita si Elder Christofferson sa Mérida, Venezuela, kung saan isang batang lalaki, siguro’y 7 taong gulang, ang nakakita sa kanya mula sa bintana at nagsimulang sumigaw ng, “El Apostol, el Apostol!” (“Ang Apostol, ang Apostol!”).

“Napakasimple ng pangyayaring iyon, ngunit inilalarawan nito sa akin ang lalim ng pagpapahalaga maging ng mga bata para sa tungkulin,” sabi niya. “Hindi ito tungkol sa taong humahawak ng tungkulin. Natutuhan ng batang iyon ang laki ng pagpapahalaga sa tungkulin at kung ano ang kinakatawan nito.”

Elder Stevenson; Elder Renlund; Elder Gong; Elder Soares

Elder Rasband sa India; Elder Stevenson sa Hong Kong; Elder Renlund sa Brazil; Elder Gong sa Shanghai, China; Elder Soares sa Brigham Young University

Mga larawang kuha nina Wendy Gibbs Keeler (India), Clebher Tex (Brazil), Monica Georgina Alvarado Zarate (Shanghai), Janae Bingham (BYU)