Liham mula sa Isang Mapagmahal na Kuya
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Hindi ko nakasama ang aking kuya sa aking ika-16 na kaarawan dahil naglilingkod siya ng isang misyon. Pero ang payo na ibinigay niya sa akin ay isang regalong pahahalagahan ko magpakailanman.
Labing-anim na taong gulang na ako! Napakasayang panahon sa buhay! “Hindi ito dapat pagdaanang mag-isa ninuman,” naisip ko.
Ang aking matatalinong magulang ay mababait at lagi nila akong binibigyan ng magandang payo. Kakakasal pa lang ng aking ate at lumipat na sila sa ibang estado. Nakatuon lang ang aking nakababatang kapatid na lalaki sa kanyang mga sariling problema. Mayroon akong mabubuting kaibigan, at alam ko na taos-puso ang pagmamalasakit sa akin ng mga lider ng Simbahan.
Ngunit ang aking kuya, si Gary, ang aking pinakamatalik na kaibigan. Hinangaan ko ang lahat ng bagay na ginawa niya bilang isang tinedyer. “Tuwing kausap ko siya, nagiging mas makahulugan ang mga bagay-bagay,” sabi ko sa aking sarili. “Sana narito siya ngayon.”
Pero wala siya. Nasa malayong lugar siya sa Japan, naglilingkod bilang isang full-time missionary.
Kahit nangungulila ako kay Gary, naging masaya pa rin ang aking kaarawan. Ipinagluto ako ng aking ina ng aming tradisyonal na agahan tuwing may kaarawan, at nakatanggap ako ng ilang regalo bago pumasok sa paaralan. Noong gabing iyon, lumabas ako at ang aking pamilya para maghapunan ng pizza at pagkatapos ay kumain kami ng birthday cake. Inaliw ko ang aking sarili sa pag-iisip tungkol sa pagkikipagdeyt, pagmamaneho, at iba pang kapana-panabik na bagay na gagawin ko ngayong 16 taong gulang na ako.
Gayunman, ang pinakamagandang regalong natanggap ko noong araw na iyon ay isang liham. Hindi nakalimutan ni Gary ang aking ika-16 na kaarawan! Nangyari ang karanasang ito bago pa nagkaroon ng email, kaya matagal dumating ang isang liham mula sa Japan papuntang Cache Valley, Utah, USA. Namangha ako na dumating ang liham sa aking mismong kaarawan! Nakasulat-kamay ang liham, kaya naramdaman ko na tila kasama ko ang aking kuya habang binabasa ko ito:
“Mahal kong Merilee:
“Aba, nalalapit na ang iyong masayang kaarawan, ’di ba? Sa palagay ko ay nakalipas na iyon kapag natanggap mo ang liham na ito. Hindi ako makapaniwala—16 taong gulang ka na. Parang kailan lang ay isinusuot mo pa ang iyong maliit na pulang sumbrerong pangkoboy.
“Manatili kang mabait at dalisay, at palagi mong ipaalam sa lahat na mahalaga ang Simbahan sa iyo. Kung gagawin mo iyon, hindi ka malalagay sa isang sitwasyon kung saan kakailanganin mong gumawa ng isang desisyon dahil sa pamimilit ng iyong mga kabarkada. Halimbawa: Sa hayskul, alam ng lahat na hindi ako umiinom ng alak o naninigarilyo, hindi talaga, kaya kailanman ay hindi ako naimbitahan sa anumang pagtitipon kung saan may mga ganoong bagay na naganap. Alam ng aking mga kaibigan na hindi ako umiinom ng alak o naninigarilyo. …
“Kung ipapaalam mo sa mga tao ang iyong mga pamantayan, lalapitan ka ng mga taong kapareho mo ang mga pamantayan. Ibig kong sabihin, hindi mo kailangang sabihin sa lahat, pero makikita nila ang iyong mga paniniwala sa iyong mga kilos. Napakabait mo talaga, at bagay nga sa iyo ang iyong pangalan na nangangahulugang masayahin. At palagi kang masaya. Maligayang Ika-16 na Kaarawan!” Ang huling pangungusap ay sinalungguhitan gamit ang pulang panulat. Wala nang mas gaganda pang regalo sa aking kaarawan kaysa roon! Paulit-ulit ko iyong binasa, hanggang sa makauwi siya mula sa Japan at makapag-usap na kami nang personal.
Maraming taon na ang lumipas mula nang matanggap ko ang liham na iyon, pero nasa akin pa rin iyon. Marami nang nagbago mula noon, pero hindi ang pagmamahal ko para sa aking kuya. Ngayo’y sinasang-ayunan ko siya hindi lamang bilang aking kapatid at kaibigan, kundi bilang si Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang payo na ibinibigay niya bilang natatanging saksi ni Cristo sa buong mundo ay nagpapalakas sa akin, tulad ng liham na ipinadala niya sa akin noong aking ika-16 na kaarawan.