Kumusta mula sa Cambodia!
Mabuhay, ako si Paolo. At ito naman si Margo.
Binibisita namin ang Cambodia. Heto ang nalaman namin!
Ang Cambodia ay isang bansa sa Timog-silangang Asya. Humigit-kumulang 15 milyong tao ang nakatira doon, kabilang dito ang mahigit 14,000 mga miyembro ng Simbahan.
Heto ang isang Aklat ni Mormon sa Cambodia. Ang wikang Cambodian ay tinatawag na Khmer (kuh-MY). May 74 na titik sa alpabeto nito—ang pinakamarami sa lahat ng alpabeto sa buong mundo!
Nagbabatian ang mga miyembrong ito ng Simbahan sa tradisyonal na paraang Cambodian, na tinatawag na sampeah. Kapag mas mataas ang iyong kamay, mas malaking paggalang ang ipinapakita mo.
Karamihan sa mga bata sa Cambodia ay nagpupunta sa paaralan at nagsisimba sakay ng motorsiklo kasama ang isang magulang. O maaari silang sumakay sa tuk tuk—isang maliit na karuwaheng hila ng motorsiklo.
Maraming pagkaing Cambodian ang ginagamitan ng prahok, isang maasim at maalat na sawsawan. Ang mga miyembrong ito ng Simbahan ay gumawa ng isang malaking mangkok ng sopas na pagsasaluhan nila sa stake center sa pagitan ng mga sesyon sa pangkalahatang kumperensya.
Maraming batang Primary sa Cambodia na walang kasamang ibang Kristiyano sa kanilang paaralan. Iyon ay dahil Budhismo ang relihiyon ng halos lahat ng tao sa Cambodia. Itinuturo sa kanila ng kanilang relihiyon na maging matapat, mapayapa, at matalino. Narito ang isang kilalang bantayog ng Budhismo sa Cambodia na binibisita ng mga tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Noong nakaraang taon, ibinalita ni Pangulong Nelson na itatayo ang unang templo sa Cambodia sa Phnom Penh, ang kabiserang lungsod! Matutulungan ng templo ang mga pamilyang katulad nito na sama-samang mabuklod magpakailanman.
Salamat sa paglalakbay sa Cambodia kasama namin. Hanggang sa muli!