2019
Kapag ang Pagkapit nang Mahigpit ay Naging Masakit
Hulyo 2019


Kapag ang Pagkapit nang Mahigpit ay Naging Masakit

Jeff Borders

Washington, USA

Isang maalinsangang araw ng Hulyo, tinulungan ko ang bayaw ko na magtayo ng riprap. Sa proyektong ito ay nadaanan ko kalaunan ang mga ugat ng isang nakaharang na mabulaklak na puno ng cherry.

“Madali lang ito,” naisip ko.

Tinipon ko ang mga kailangang kasangkapan at naghukay sa paligid ng mga ugat para magkaroon ng puwang kung saan ako gagalaw. Pagkatapos ay hinawakan ko ang chainsaw at walang pagdadalawang-isip na nagsimulang putulin ang mga ugat. Madali lang nalagari ang maliliit na ugat, pero nang nilagari ko na ang malalaking ugat, mabilis kong natanto na hindi ito gayon kadali. May isang partikular na ugat na hindi madaling putulin.

Pinagkikiskis ang aking mga ngipin, determinado akong putulin ang ugat na iyon. Tumulo ang pawis sa aking leeg dahil sa nakatutok na araw sa itaas habang pinipisil ko nang mas mahigpit ang chainsaw. Nanginig ang chainsaw hanggang sa nanginig ang buo kong katawan. Nadama ko ang aking kanang kamay—ang kamay na pumipisil sa pindutan ng chainsaw—na nagsisimula nang mapaso at humapdi. Binalewala ko ang hapdi at nagpatuloy sa paghawak.

Sa huli, naputol ng chainsaw ang ugat. Inalis ko ang kamay ko sa pindutan at nakadama ako ng tamis ng tagumpay. Gayunman, nang tanggalin ko ang aking guwantes, napansin ko na isang maliit na piraso ng balat ang naalis sa kamay ko.

Habang iniisip ko ang karanasang ito, napagtanto ko na ang paghawak sa chainsaw, sa isang banda, ay tulad ng pagkapit nang mahigpit sa gabay na bakal. Iniutos sa atin na kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal habang nagpapatuloy tayo sa ating buhay. Pero ang pagkapit nang mahigpit dito ay hindi nangangahulugang hindi tayo makararanas ng masasakit na sandali. Nasaktan ko ang aking kamay habang hinahawakan ko ang chainsaw. Sa parehong paraan, tayo ay daranas ng mga pagsubok at paghihirap habang patuloy tayong kumakapit nang mahigpit sa gabay na bakal.

Alam ng Ama sa Langit na ang ating paglalakbay pabalik sa Kanya ay magiging puno ng panganib. Ito ang dahilan kaya ibinigay niya sa atin ang mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga propeta para tulungan tayo. Kapag pinanghahawakan natin ang mga bagay na ito sa panahon ng ating mga pagsubok at paghihirap sa buhay dito sa mundo, balang-araw ay makababalik tayo sa Kanyang piling.

Sa ating pagbalik sa Kanya, matitingnan natin ang ating mga kamay, na kumapit nang mahigpit sa gabay na bakal, na kung minsan ay sa kabila ng ating sakit o paghihirap. At malalaman natin na sa tulong ng Ama sa Langit at ng nagbabayad-salang kapangyarihan ni Jesucristo, kumapit tayo nang mahigpit, sa kabila ng anumang hadlang na kinaharap natin.