2019
Iona Wikaira—Kaikohe, New Zealand
Hulyo 2019


Mga Larawan ng Pananampalataya

Iona Wikaira

Kaikohe, New Zealand

Iona on the water in her outrigger canoe

Mahilig si Iona sa isport na waka ama—ang tawag sa New Zealand sa outrigger canoeing. Mahilig lumusong sa tubig si Iona, malayo sa mga problema sa trabaho.

Bagama’t nahaharap siya sa mga hamon bilang isang opisyal sa bilangguan, nakatagpo ng lakas si Iona at nanatiling mahinahon sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo.

Christina Smith, retratista

Iona adjusting a canoe on top of car

Pitong taon na akong nagtatrabaho bilang opisyal sa bilangguan. Isang taon akong nagtrabaho sa bilangguang para sa mga babae; pagkatapos ay lumipat ako sa isang bilangguan na panlalaki lang kung saan anim na taon na akong nagtatrabaho.

Ang isa sa nakaaantig na mga kuwento noong isa akong opisyal sa bilangguan ay nang makita kong muling nagkasama ang isang ina at ang kanyang mga anak. Apat o limang taon na niyang hindi nakikita ang kanyang mga anak. Makikita mo sa mga mata ng mga bata ang mga luha at ang sakit ng matagal na pagkawalay. Nakakatuwa ang muling pagkikita, ngunit bilang isang opisyal sa bilangguan, hindi ka puwedeng magpakita ng emosyon. Napakahirap niyan para sa akin. Kinailangan ko talagang ilayo ang tingin ko para mapigilan ang damdamin ko. Dahil isa rin akong ina, hindi ko maisip na mapalayo sa aking mga anak nang maraming taon at hindi sila makita, makausap, o masabi man lang sa kanila ang nadarama ko.

Bilang isang opisyal sa bilangguan, kailangan kang magpakatatag. Kailangan mong protektahan at kontrolin ang sarili mo. Kung minsan maaaring magkaroon ng mga pagtatalo, kaya kailangan mong maging matatag kapag nakikipag-usap ka sa iba. Lalo na kapag kinausap mo ang mga bilanggo at nilunasan mo ang mahihirap at kung minsa’y maaaring mararahas na sitwasyon. Dahil dito maaaring isipin ng ilan na matigas ako, mahirap kausapin, pero hindi ako palaging ganoon.

Sa trabaho pakiramdam ko napapaligiran ako ng mundo, pero kapag umaalis ako ng opisina at nasa bahay ako o sa simbahan, iba ang pakiramdam ko dahil sa diwang nadarama ko. Ang isa sa mga kagalakan ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo ay ang hindi mo kailangang maging makamundo. Nasa mundo ka, pero hindi mo kailangang makisama sa mundo.

Gustung-gusto ko palagi ang araw ng Linggo dahil nakakasimba ako at nabubusog sa espirituwal at naaalala ko ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Gustung-gusto ko na nagagawa ko iyon para sa sarili ko. Natutuwa akong maglingkod sa Simbahan at sa lahat ng tulong ng ebanghelyo sa atin.

Dati-rati, makamundo ako, at marami akong natutuhang aral sa mahirap na paraan. Labis akong nagpapasalamat ngayon na maging lubos na aktibo at matatag sa ebanghelyo ni Jesucristo. Madalas kong naisin na sana’y madama ng lahat ng katrabaho ko ang galak na nadarama ko bilang miyembro ng Simbahan.

Natuklasan ko na kapag alam ng mga taong katrabaho mo na miyembro ka ng Simbahan, igagalang ka nila at ang Simbahan kapag nakita nila na hindi nagbabago ang mga pamantayan mo dahil sa sitwasyon mo. Kaya nga mahalaga para sa akin na sikaping maging mabuting halimbawa ng isang Banal sa mga Huling Araw.

Sa bawat sitwasyon, iniisip ko, “Ano kaya ang gusto ng Tagapagligtas na ikilos ko?” o “Ano kaya ang paraan ng pagharap rito na gusto Niyang gawin ko?” Sa lahat ng karanasan ko, sinisikap kong tiyakin na nakikita sa mga kilos ko ang gagawin ng Tagapagligtas. Nakakatulong ito sa akin na maging mas makatwiran at mas mahinahon sa kabila ng lahat ng kaguluhan sa isang mahirap na kapaligiran sa trabaho.

Nagpapasalamat ako sa aking Tagapagligtas at sa Ama sa Langit para sa mga hamon at pagsubok na nalagpasan ko sa pamamagitan ng pagsampalataya at pananalig sa Kanila. Tuwing may nararanasan akong mga pagsubok at nakausal ako ng panalangin, laging napapayapa ang puso ko. Alam ko na hindi ako mabubuhay kung wala Sila. Lagi kong kinikilala ang Kanilang impluwensya sa lahat ng ginagawa ko.