2019
Paano Gumawa ng Résumé Kahit Wala Ka Pang Masyadong Karanasan sa Pagtatrabaho
Hulyo 2019


Digital Lamang

Paano Gumawa ng Résumé Kahit Wala Ka Pang Masyadong Karanasan sa Pagtatrabaho

Wala ka bang masyadong mailagay sa iyong résumé? Alalahanin ang iyong mga tungkulin sa Simbahan!

Ilan sa mga pangunahing bahagi na kadalasang makikita sa mga résumé ay “Karanasan sa Pagtatrabaho,” “Karanasan sa Pagboboluntaryo,” “Edukasyon,” at “Mga Kasanayan.” Bagama’t maikli lamang ang listahan, maaaring maging nakakatakot ang pakiramdam na wala ka pang masyadong karanasan sa mga ito. Ngunit huwag mawalan ng pag-asa! Maaaring mas marami ka pang karanasan kaysa sa iniisip mo—lalo na’t maaari kang bigyan ng mahahalagang karanasan ng iyong mga tungkulin sa Simbahan. Ginagampanan natin ang ating mga tungkulin sa Simbahan dahil sa pagmamahal natin sa Panginoon at sa kagustuhang matulungan ang Kanyang mga anak, ngunit ang mga kasanayang nakukuha natin mula dito ay maaari ring makatulong sa atin na iangat ang ating mga sarili sa paghahanap ng trabaho.

Paglilista ng mga Gawain at Dalas ng mga Ito

Anuman ang iyong mga naging tungkulin sa Simbahan, malamang ay may mga nagawa ka at may mga kasanayan kang natutuhan na maaari mong ilagay sa iyong résumé. Gumawa ng isang listahan ng mga gawaing ginawa mo sa bawat tungkulin at isulat kung gaano mo kadalas ginawa ang mga gawaing ito at kung ilang tao ang kabilang sa mga ito.

Mga Pahayag Tungkol sa mga Nagawa Mo

Susunod, magsulat ng “mga pahayag tungkol sa mga nagawa mo.” Ang mga ito ay maiikli ngunit naglalarawang mga pahayag tungkol sa kung ano ang nagawa mo sa iyong tungkulin. Nakikita ang mga ito sa iyong résumé sa isang naka-bullet na listahan sa ilalim ng pamagat ng bawat tungkulin o karanasan.

Simulan ang bawat pahayag gamit ang isang “pandiwa”—pandiwang malakas ang dating tulad ng pinangasiwaan, pinaunlad, tinuruan atbp.

Mga Halimbawa

Ang mga ito ay mga pahayag tungkol sa mga nagawa mo batay sa ilang uri ng mga tungkulin at naglalaman ng mga gawain, dalas, at bilang na kadalasang iniuugnay sa mga tungkulin:

  • Kung ikaw ay isang guro:

    • Naghanda ng isang aralin bawat linggo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga manwal at ng mga banal na kasulatan at pangangalap ng mga resource at ng mga personal na karanasan.

      • Para naman sa dalas, ilista kung gaano kadalas mo ginawa ang gawain—bawat linggo, dalawang beses sa isang buwan, atbp.

    • Nagturo nang 50 minuto bawat linggo sa isang klase na binubuo ng anim na mga 14 hanggang 16 na taong gulang.

      • Ang laki ng klase at bilang ng mga estudyante ay nakabatay sa iyong tungkulin.

  • Kung ikaw ay bahagi ng isang panguluhan:

    • Gumawa ng mga buwanan at pangmatagalan na layunin para sa grupo at nakamit ang mga ito.

    • Pinangalagaan ang kapakanan ng 30 miyembro sa organisasyon.

    • Nagsanay ng mga pinuno at guro sa kanilang mga tungkulin.

    • Nagplano at nag-organisa ng mga buwanang aktibidad para sa 26 na tao.

    • Gumawa ng buwanang badyet at sinunod ito.

  • Kung ikaw ay isang direktor ng musika:

    • Nag-organisa ng lingguhang programa ng musika.

    • Nag-ayos ng mga espesyal na pagtatanghal ng musika na handog ng mga miyembro ng kongregasyon.

    • Nagplano ng mga programa ng musika sa mga pista-opisyal at mahahalagang kaganapan.

  • Kung ikaw ay naglingkod ng isang misyon:

    • Nagtakda ng mga lingguhan at pangmatagalan na layunin sa pagtuturo at pagpapaunlad ng sarili at nakamit ang mga ito.

    • Nagturo bawat linggo sa humigit-kumulang 16 na indibiduwal at mga grupo tungkol sa kung paano nila pagyayamanin ang kanilang mga buhay sa pamamagitan ng personal na pagsasabuhay at pag-aaral.

    • Kung ikaw ay isang tagapagsanay: Sinanay at pinayuhan ang mga bagong missionary sa pagtuturo at pakikibagay sa mahigpit na iskedyul.

    • Kung ikaw ay isang lider ng pagsasanay sa mga sister, district, o zone: Responsable sa pagpapalakas ng loob ng 14 na mga missionary, pagsusuri sa kanila, pag-uulat ng progreso nila, at pangangalaga sa kanila.

    • Kung ikaw ay nasa ibang bansa: Nanirahan sa [ibang bansa] sa loob ng [tagal ng pamamalagi] at pinalawak ang aking kaalaman tungkol sa kanilang kultura.

    • Kung ikaw ay nag-aral ng ibang wika, banggitin na ikaw ay nasanay sa pagsasalita ng wikang iyon at kung gaano katagal.

    • Ang mga halimbawang ito ay pangkalahatan, ngunit mas magiging maganda ang iyong résumé kung ikaw ay magiging mas partikular sa iyong mga nagawa at kung maiuugnay mo ito sa trabahong gusto mo.

Paggawa ng Iyong Résumé

Idagdag ang iyong listahan ng mga tungkulin at ang mga kaakibat na pahayag tungkol sa mga nagawa mo sa iyong résumé. Upang maipakitang naaangkop ang iyong mga tungkulin sa iyong résumé, kailangan mong gumawa ng mga partikular na pagbabago sa iyong résumé para maging angkop ito sa paglalarawan ng trabahong nais mong pasukan.

Karaniwang may mahahalagang salita sa mga paglalarawan ng trabaho. Ang mahahalagang salita na ito ang mga partikular na bagay na hinahanap ng mga kumpanya sa taong tatanggapin nila, at dapat mong siguraduhin na magagamit mo ang mahahalagang salita na ito sa iyong résumé. Kailangan mo ring itampok ang iyong mga tungkulin na pinakatugma sa paglalarawan ng trabaho. Kung nais mong magtrabaho bilang isang kawani, itampok ang mga tungkulin na may kinalaman sa kasanayan sa organisasyon, o kung nais mong magtrabaho bilang isang kahaliling guro, ilista ang mga tungkulin na may kinalaman sa pagtuturo.

Mga Karagdagang Payo

  • Ilista ang iyong mga tungkulin sa ilalim ng iyong “Karanasan sa Pagboboluntaryo.”

  • Ilista ang organisasyon bilang “Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

  • Ilista ang pangalan ng tungkulin bilang pamagat ng trabaho mo.

  • Gumamit ng mas kilalang mga salita o parilala tulad ng kongregasyon sa halip na ward o branch at lingguhang aktibidad ng mga kabataan sa halip na Mutwal.

  • Ilarawan ang mga organisasyon na maaaring hindi kilala ng mga tao.

    • Halimbawa, ilarawan ang Relief Society bilang isang pandaigdigang organisasyon ng kababaihan. Maaari mong tukuyin ang Relief Society ng inyong ward o branch bilang isang lokal na grupo o yunit ng organisasyon.

Maaari mo ring gamitin ang mga alituntunin sa itaas upang matukoy ang mga kasanayan at karanasan mula sa iba pang boluntaryong gawain, trabaho, at aktibidad na nagawa mo. Mahalagang magpakita ng iba’t ibang karanasan na angkop sa posisyong nais mong makuha. Kaya’t, kasama ng iyong mga tungkulin sa Simbahan, subukang maglagay ng maraming karanasang naaangkop sa iyong résumé hangga’t makakaya mo. Bagaman maaaring hindi mo kaagad mapagtanto, marami kang maihahandog, kaya’t gawing maganda ang iyong imahe hangga’t makakaya mo!