Mag-aral, Magbasa, Magrebyu, Manalangin. Ulitin.
Ang awtor ay naninirahan sa Cautín Province, Chile.
Kung walang scholarship, hindi ko magagawang mag-aral sa kolehiyo.
Sa Chile, para makapasok ka sa kolehiyo, kailangan mong kumuha ng university placement test. Gusto kong mag-aral ng pag-iinhinyero sa isang unibersidad na malayo sa lugar kung saan ako nakatira. Magiging napakamahal nito, kaya ang mithiin ko ay makuha ang pinakamataas na posibleng puntos sa placement test upang makatanggap ako ng scholarship para sa mataas na puntos sa pagsusulit.
Alam ko kung saan ko gustong mag-aral at kung ano ang gusto kong pag-aralan, at alam ko kung ano ang dapat kong gawin para mangyari iyon. Nagsimula akong maghanda para sa pagsusulit. Ako ay nag-aral, nagbasa, at nagrebyu ng materyal, subalit sa mga practice test, hindi ko pa rin naaabot ang kinakailangan kong puntos. Bumaling ako sa aking Ama sa Langit sa panalangin at hiniling ko sa Kanya na bigyan ako ng mas malawak na kaalaman at na paliwanagin ang aking pang-unawa upang maabot ko ang aking mithiin. Ipinanalangin ko ito araw-araw sa loob ng isang buong taon. Pumasok ako sa mga espesyal na klase sa paghahanda sa aking paaralan, at nagpalista ako sa mga klase sa isang institusyong naglalayong tumulong sa paghahanda para sa pagsusulit.
Nagpatuloy ako sa aking araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at hindi ako lumiban nang kahit isang klase sa seminary. Tinupad ko ang lahat ng aking tungkulin sa Aaronic Priesthood at hindi kailanman nag-aral tuwing Linggo, kahit gaano kagipit ang sitwasyon. Alam kong araw ng Panginoon ang Linggo, at nais ko itong igalang sa paraang itinuro sa akin ng aking mga magulang. Alam kong hindi ko makakayanang mawala sa akin ang mga pagpapala ng Ama sa Langit para sa akin, lalo na ngayong kailangang-kailangan ko ang mga ito. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi ko pa rin naaabot ang puntos na kinakailangan ko sa aking mga practice test.
Ako at ang aking pamilya ay nanalangin at nag-ayuno, at binigyan ako ng aking ama ng basbas. Gamit ang espirituwal na paghahandang ito at ang iba ko pang paghahanda, kinuha ko ang pagsusulit. Hindi ko lamang naabot ang puntos na kinakailangan ko, subalit nalagpasan ko pa ang aking mithiin, nakuha ko ang isa sa mga pinakamataas na puntos na maaaring makuha sa bahagi ng matematika. Natanggap ko ang mga scholarship at benepisyo na kinakailangan ko, at nakapag-aral ako sa unibersidad na pinili ko.
Mula noong bata pa ako, natutuhan ko na kung uunahin kong gawin ang lahat ng magagawa ko at ang aking mga espirituwal na tungkulin, pagpapalain ako ng Ama sa Langit. Maaaring hindi palaging mangyari ang mga bagay ayon sa inaasahan natin, subalit palagi tayong aalagaan ng Diyos. Alam kong sa pamamagitan lamang ng tulong Niya posible ang lahat ng bagay.