Mga Alituntunin ng Ministering
Paano Tayo Makalilikha ng Isang Kultura na Kabilang ang Lahat sa Simbahan?
Kapag tumingin tayo sa paligid ng ating mga ward at branch, makikita natin ang mga tao na tila madaling makibagay. Ang hindi natin alam ay kahit sa mga taong tila nakikibagay, marami ang nakakaramdam na hindi sila kabilang. Sa isang pag-aaral kamakailan, halimbawa, natuklasan na halos kalahati ng mga adult sa Estados Unidos ay nag-ulat na nalulungkot sila, hindi sila kabilang, o nahihiwalay sila sa iba.1
Mahalagang madama na tayo ay kabilang. Pangunahing pangangailangan ito ng tao, at kapag nadarama natin na hindi tayo kabilang, masakit iyon. Ang madama na hindi tayo kabilang ay nakakalungkot o nakakagalit.2 Kapag hindi natin nadarama na kabilang tayo, malamang na maghanap tayo ng lugar kung saan tayo ay mas komportable. Kailangan nating ipadama sa lahat na kabilang sila sa simbahan.
Ipadama sa Iba na Kabilang Sila Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas
Ang Tagapagligtas ang perpektong halimbawa ng pagpapahalaga at pagpapadama sa iba na kabilang sila. Nang piliin Niya ang Kanyang mga Apostol, hindi Niya pinansin ang katayuan, yaman, o mataas na katungkulan. Pinahalagahan Niya ang Samaritana sa may tabi ng balon, nagpapatotoo rito ng Kanyang pagiging Diyos sa kabila ng paghamak ng mga Judio sa mga Samaritano (tingnan sa Juan 4). Tumitingin Siya sa puso at wala Siyang kinikilingan (tingnan sa I Samuel 16:7; Doktrina at mga Tipan 38:16, 26).
Sabi ng Tagapagligtas:
“Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mangagibigan sa isa’t isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa’t isa.
“Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa” (Juan 13:34–35).
Ano ang Magagawa Natin?
Kung minsa’y mahirap sabihin kung nadarama ng isang tao na hindi sila kabilang. Hindi ito sinasabi ng karamihan sa mga tao—kung sabihin ma’y hindi malinaw. Ngunit sa pusong mapagmahal, sa patnubay ng Espiritu Santo, at sa pagsisikap na mabatid, mahihiwatigan natin kung nadarama ng isang tao na hindi siya kabilang sa mga miting at aktibidad ng Simbahan.
Mga Posibleng Palatandaan na Nadarama ng Isang Tao na Hindi Siya Kabilang:
-
Parang ayaw magsalita, tulad ng mahigpit na nakahalukipkip o laging nakatingin sa ibaba.
-
Nakaupo sa likuran ng silid o nakaupong mag-isa.
-
Hindi nagsisimba o di-palaging nagsisimba.
-
Maagang umaalis sa mga miting o aktibidad.
-
Ayaw makihalo sa mga usapan o lesson.
Maaaring mga palatandaan din ito ng iba pang mga damdamin, tulad ng pagkamahiyain, pag-aalala, o pagiging hindi komportable. Maaaring “kakaiba” ang madama ng mga miyembro kapag sila ay mga bagong miyembro ng Simbahan, taga-ibang bansa o kultura, o nasaktan kamakailan sa isang pagbabago sa buhay, tulad ng diborsyo, pagkamatay ng isang kapamilya, o maagang pag-uwi mula sa misyon.
Anuman ang dahilan, hindi tayo dapat mag-alangang tumulong nang may pagmamahal. Ang sinasabi at ginagawa natin ay maaaring magpadama na lahat ay malugod na tinatanggap at lahat ay kailangan.
Ilang Paraan para Maibilang at Malugod na Tanggapin ang Lahat
-
Huwag palaging tumabi sa mga taong dati ninyong tinatabihan sa simbahan.
-
Huwag magambala sa panlabas na anyo ng mga tao para makita ang kanilang tunay na pagkatao. (Para sa iba pa tungkol sa paksang ito, tingnan sa “Ang Ministering ay Pagtingin sa Iba na Tulad ng Pagtingin ng Tagapagligtas,” Liahona, Hunyo 2019, 8–11.)
-
Isali ang iba sa mga pag-uusap.
-
Anyayahan ang iba na maging bahagi ng iyong buhay. Maaari ninyo silang isali sa mga aktibidad na ipinaplano na ninyo.
-
Hanapin at pag-usapan ang mga bagay na pareho kayong interesado.
-
Huwag magkait ng pakikipagkaibigan dahil lamang sa hindi tumutugon ang isang tao sa inyong mga inaasahan.
-
Kapag may nakita kayong kakaiba sa isang tao, maging interesado roon sa halip na balewalain o iwasan ito.
-
Magpakita ng pagmamahal at magbigay ng taos-pusong mga papuri.
-
Mag-ukol ng oras para pag-isipan kung ano talaga ang ibig sabihin kapag sinasabi natin na ang Simbahan ay para sa lahat, anuman ang kanilang mga pagkakaiba. Paano natin ito magagawang totoo?
Hindi palaging madaling maging komportable sa paligid ng mga taong naiiba sa atin. Ngunit kung makakagawian, magiging mas mahusay tayo sa paghahanap ng halaga sa mga pagkakaiba at mapapahalagahan natin ang kakaibang mga kontribusyon na hatid ng bawat tao. Tulad ng itinuro ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang ating mga pagkakaiba ay makakatulong na gawin tayong mas mabubuti at mas masasayang tao: “Halina’t tulungan kaming patatagin at palakasin ang isang kultura na puno ng pagpapagaling, kabaitan, at awa sa lahat ng anak ng Diyos.”3
Pinagpala ng Pagiging Kabilang
Si Christl Fechter ay lumipat sa ibang bansa matapos wasakin ng digmaan ang kanyang bayang sinilangan. Hindi siya gaanong marunong magsalita ng wika at wala siyang kakilala sa bagong lugar, kaya noong una’y nadama niya na naiiba siya at nag-iisa.
Bilang miyembro ng Simbahan, siya ay nag-ipon ng lakas-ng-loob at nagsimulang dumalo sa kanyang bagong ward. Nag-alala siya na baka hindi siya kausapin ng mga tao dahil sa kanyang malakas na punto o baka husgahan siya sa pagiging dalaga.
Ngunit nakilala niya ang iba pa na hindi pumansin sa mga kaibahan niya at malugod siyang tinanggap bilang kaibigan. Nagpakita sila ng pagmamahal, at di-nagtagal ay naging abala na siya sa pagtulong sa pagtuturo sa Primary class. Ang mga bata ay magagandang halimbawa ng pagtanggap, at nang madama niya na may nagmamahal sa kanya at kailangan siya ay lumakas ang kanyang pananampalataya at muling nagningas ang kanyang habambuhay na debosyon sa Panginoon.