2019
Paano Natin Masasang-ayunan ang Ating mga Pinuno?
Hulyo 2019


Paano Natin Masasang-ayunan ang Ating mga Pinuno?

family watching conference and sustaining leaders

Sa nakaiiyak na mga araw pagkaraan ng napakalaking sunog na tumupok sa mga kapit-bahayan sa Sonoma County sa California noong Oktubre 2017, naglakbay si Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol sa mga apektadong komunidad para makasama ang mga Banal sa mga Huling Araw.

Siya ay nasa isang misyon ng ministering o paglilingkod. Inalo nila ni Sister Melanie Rasband ang mga miyembrong nasunugan sa kanilang mga meetinghouse at sa gilid ng kanilang natupok na mga bahay.

At saanman siya magpunta, nagsilapit ang mga miyembro para kamayan siya. Pagpapakita iyon ng pagpapahalaga. Pinasalamatan nila ang Apostol sa kanyang pagsuporta. Ngunit bawat pakikipagkamay ay iisa ang ipinaramdam: “Sinasang-ayunan ko po kayo.”

Isang Pagpapakita ng Pananampalataya

Ang pagsang-ayon ay isang sagradong pagkilos na nag-uugnay sa mga miyembro ng Simbahan sa mga pinuno ng Simbahan, sabi ni Elder Gary E. Stevenson. Sa mahigit 16 na milyong miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, iilang miyembro lang ng Simbahan ang makakausap nang harapan o makakamayan ng isang Apostol. Ngunit bawat miyembro ay may pagkakataon na magkaroon ng personal na koneksiyon sa kanila at sa iba pang mga pinuno ng Simbahan sa pamamagitan ng kanyang pormal na boto ng pagsang-ayon at araw-araw na kilos ng pagsang-ayon, sabi ni Pangulong M. Russell Ballard, Tumatayong Pangulo ng Korum ng Labindalawa.

“Sumasang-ayon tayo sa pamamagitan ng pagtataas ng kamay ngunit kasama rin ang ating puso at mga kilos,” sabi ni Elder Gerrit W. Gong. “Sinusuportahan natin ang mga pinuno ng Simbahan sa parehong paraan na sinusuportahan natin ang isa’t isa. Alam natin na saklaw tayo ng tipan.”

Ang pagdarasal para sa mga Apostol ay nananatiling isang mahalagang bahagi ng pagsang-ayon, sabi ni Elder Ulisses Soares. “Kami ay mga karaniwang tao, at tinawag kami ng Panginoon sa isang bagay na hindi namin kayang gawing mag-isa. Ngunit nadarama namin na magagawa namin iyon dahil ipinagdarasal kami ng mga tao.”

Nauuna ang pananampalataya at sumusunod ang pagsang-ayon, dagdag pa ni Elder Soares. “Sa pagsang-ayon sa mga Apostol, tinutulungan ninyo ang Tagapagligtas na isakatuparan ang Kanyang gawain. Ang inyong pananampalataya ay tumutulong sa Panginoon na isakatuparan ang ipinababatid Niya sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta at tagapaghayag.”

“Gustung-gusto ko ang matalinghagang paglalarawan ng pagtataas ng mga kamay at ang kahulugan niyon,” sabi ni Elder Jeffrey R. Holland. Para sa mga Apostol, ang masang-ayunan ng mga miyembro ng Simbahan ay espirituwal na kahalintulad ng pagtanggap ng pagkaing nagbibigay-buhay, dagdag pa niya. “Lahat ng opinyon ay mahalaga at lahat ng gustong maglingkod ay bibigyan ng pagkakataon. Walang sinumang kailangang maglingkod na mag-isa sa Simbahan, anuman ang ating tungkulin.”

Matagal nang Isinasagawa

Ang pagsang-ayon sa mga Apostol ay isinagawa sa mga huling araw noong magsimula ang Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Sa unang araw pa lang, inanyayahan na ang mga naunang Banal na sumang-ayon sa tungkulin ng mga pinuno ng Simbahan at sang-ayunan sila sa tungkuling iyon.

Noong Abril 6, 1830, nagtipon si Joseph Smith at ang kanyang bagong binyag na mga alagad sa isang maliit na bahay na yari sa troso na pag-aari ni Peter Whitmer, Sr., sa Fayette, Seneca County, New York.

Tumayo si Joseph at nagtanong sa mga naroon kung gusto nilang itatag ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Gamit ang alituntunin ng pangkalahatang pagsang-ayon, nagtaas ng kamay ang mga bagong miyembro at nagkakaisang bumoto ng pagsang-ayon. Sumunod ay sumang-ayon silang tanggapin sina Joseph Smith at Oliver Cowdery bilang kanilang mga guro at espirituwal na tagapayo.

“Ang pagiging miyembro sa Simbahan ay napaka-personal,” sabi ni Elder Holland. “Bawat tao ay mahalaga. Kaya nga ginagamit natin ang alituntunin ng pangkalahatang pagsang-ayon. Gusto namin, may opinyon ang bawat isa, na ipahayag niya ang kanyang sarili, at magkaisa sila sa pagsulong.”

Isang Pagkilos na Nagpapasigla sa Ating Lahat

Kapag tumatanggap ng tawag na maging apostol, ang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol “ay pinapagmamadali” na sundin ang kalooban ng Panginoon, sabi ni Elder Dale G. Renlund. Sa pagpiling sang-ayunan ang Labindalawa, ipinapakita ng mga miyembro ang kanilang tiwala sa pangako ng bawat Apostol na sundin ang Tagapagligtas.

Ang mga Banal sa mga Huling Araw na nagbibigay ng kanilang boto ng pagsang-ayon sa isang Apostol ay sumasang-ayon din sa buong Korum, sabi ni Elder Quentin L. Cook.

Ang sagradong botong iyon ay nagpapasigla at nagpapala sa mga Apostol—ngunit nagpapasigla rin ito sa mga sumasang-ayon, dagdag pa ni Elder Cook. “Ito ay nagpapalakas at nagpapala at pumapatnubay sa kanila.”

Ibig sabihin ay tulad noong magbigay ng suporta ng pagsang-ayon kay Elder Rasband ang mga miyembrong labis na naapektuhan ng mga sunog sa Santa Rosa, mapapasigla rin ang mga miyembro sa buong daigdig habang pinasisigla nila ang bawat miyembro ng Labindalawa.