“Pupunta Ba Kayo sa Aking Binyag?”
Ang mga awtor ay naninirahan sa Kent, England, at Utah, USA.
Gusto iyong ipagsigawan ni Oliver mula sa mga bubungan para marinig ng buong Inglatera!
“Huwag hamakin ng sinoman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging uliran ng mga nagsisisampalataya” (I Kay Timoteo 4:12).
Hindi makapaghintay si Oliver na lumipas ang linggo. Sa susunod na linggo na ang pinakahihintay niyang araw mula noong apat na taong gulang siya. Bibinyagan na siya.
Sabik na sabik si Oliver sa kanyang binyag kaya gusto niya iyong ipagsigawan mula sa mga bubungan para marinig ng buong Inglatera! Hindi siya makapaghintay na ikuwento iyon sa kanyang kaibigan na si Dylan sa paaralan.
“Hindi ako makapaniwala.” Malapit na rin sa wakas ang araw ng aking binyag,” sabi ni Oliver. “Magiging masaya iyon!”
“Akala ko mga sanggol lang ang binibinyagan.” Mukhang naguguluhan si Dylan.
“Kailangan walong taong gulang man lang ang mga bata bago sila mabinyagan sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw,” sabi ni Oliver. “Iyon ang Simbahan ko.”
“Ang galing,” sabi ni Dylan.
Biglang may naisip si Oliver. “Gusto mo bang magpunta sa aking binyag?”
“Oo naman,” sabi ni Dylan. “Pero kailangan ko munang magpaalam sa aking mga magulang.”
“Sige!”
Nasasabik si Oliver na baka makapunta nga si Dylan sa kanyang binyag. Nagbigay ito sa kanya ng isa pang ideya. “Ayaw kong ipakita ang aking binyag sa isang kaibigan lang. Gusto kong mag-anyaya ng maraming tao hangga’t kaya ko!” Nagmadaling umuwi si Oliver at sinabi kay Inay na may plano siya.
Sa Linggo ng ayuno bago ang kanyang binyag, sinimulan ni Oliver ang kanyang plano. Ibinahagi niya ang kanyang patotoo sa pulpito; pagkatapos ay sinabi niya, “Bibinyagan na po ako sa susunod na Sabado, at gusto ko pong pumunta kayong lahat! Puwede po ba kayong mag-anyaya ng sinumang kakilala ninyo na hindi miyembro ng Simbahan, o hindi nagsisimba, sa aking binyag?” Para siyang missionary. Nagustuhan niya talaga ang pakiramdam na iyon!
Nang sumunod na buong linggo, inanyayahan ni Oliver ang kanyang mga kaibigan, kapamilya, at guro sa kanyang binyag.
“Malaking bagay po sa akin kung makakapunta kayo!” sabi niya sa kanila.
Nang papalapit na ang Sabado, nagsimulang mag-isip si Oliver kung ilang tao talaga ang dadalo. Paano kung abala silang lahat o ayaw nilang pumunta?
Umusal siya ng maikling panalangin na sana’y magpunta kahit ilan lang sa mga taong inanyayahan niya. Pagkatapos ay hindi na siya nag-alala kung sinu-sino ang maaaring dumalo. Alam niya na nakagawa siya ng mabuti sa pamamagitan pa lang ng pag-anyaya sa kanila. Bukod pa roon, ang pinakamahalaga naman sa araw na iyon ay mabinyagan siya.
Pagdating niya sa simbahan sa araw ng kanyang binyag, hindi makapaniwala si Oliver. Marami sa kanyang mga kaibigan ang naroon para suportahan siya. May nakita pa siyang isang grupo ng mga tao na hindi niya kilala. Kinawayan niya si Dylan pagpasok nito kasama ang kanyang mga magulang.
Nang oras na para binyagan siya, lumusong si Oliver sa maligamgam na tubig. Hinawakan ng kanyang ama ang kanyang kamay, tulad ng inensayo nila. Pagkatapos ay sinambit nito ang maikling panalangin sa binyag at inilubog si Oliver sa tubig. Bago pa niya namalayan, patayo na ulit si Oliver—basang-basa at nakangiti. Alam niya na sinusunod niya ang halimbawa ni Jesus.
Pagkatapos magpalit ng tuyong damit ni Oliver, kinumpirma siya ng kanyang ama at ng ilan pang kalalakihan bilang miyembro ng Simbahan at binigyan siya ng isang espesyal na basbas, kung saan inanyayahan nila siyang tanggapin ang Espiritu Santo. Pagkatapos, nagtanong si Oliver kung puwede niyang ibahagi ang kanyang patotoo.
“Maraming salamat po sa pagpunta ninyo para suportahan ako sa aking espesyal na araw. Napakalaking bagay po nito sa akin,” sabi ni Oliver. “Nagpapasalamat po ako sa aking binyag, at naniniwala po ako na ito ang Simbahan ni Cristo sa lupa.”
Pagkatapos, naglapitan ang mga tao para batiin si Oliver.
“Salamat sa pag-anyaya sa akin!” sabi ni Dylan. “Ang ganda ng aking pakiramdam.”
“Napakabait nilang lahat!” sabi ng ina ni Dylan. “Nadama namin na tanggap na tanggap kami.”
Noong gabing iyon, umupo si Itay sa paanan ng kama ni Oliver. “Napakasayang araw!” sabi ni Itay.
Tumango si Oliver. “Masaya po akong naibahagi ko ito sa aking mga kaibigan.”