2019
Ang mga Apostol ay mga Saksi ni Cristo—at Maaari Kang Maging Tulad Nila!
Hulyo 2019


Mga Aral mula sa Bagong Tipan

Ang mga Apostol ay mga Saksi ni Cristo—at Maaari Kang Maging Tulad Nila!

girls in a cafeteria

Paglalarawan ni David Stoker

Isipin na kunwari ay kumakain ka at ang isang kaibigan ng tanghalian sa paaralan. Bubuksan na sana ng iyong kaibigan ang isang kendi nang may isang taong lumapit at inakusahan siya ng pagnanakaw ng kendi at hiniling sa kanya na “ibalik” ito sa tindahan. Kasama ka ng iyong kaibigan noong binili niya ito, kaya kahit na kinakabahan ka, sinabi mo sa nag-akusa na hindi magnanakaw ang iyong kaibigan.

Mga Natatanging Saksi

Ang paninindigan para sa katotohanang katulad nito ay matatawag na “pagiging saksi.” Sa halimbawa, ikaw ay magiging saksi ng mabuting pagkatao ng iyong kaibigan. Katulad ng ikaw ay maaaring maging saksi para sa iyong kaibigan, tumawag ang Diyos ng mga propeta at mga apostol upang maging mga natatanging saksi ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang mga apostol ay mga “sugo na may partikular na awtoridad at responsibilidad”1 na magturo, magpatotoo, at maglingkod bilang “mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (Doktrina at mga Tipan 107:23).

Ilang sandali lamang pagkatapos mabuhay na mag-uli si Cristo, ang mga Apostol ay tinawag na maging mga saksi Niya (tingnan sa Mga Gawa 1:8). Sa pag-aaral mo ng Mga Gawa sa Bagong Tipan, mababasa mo ang tungkol sa maraming pagkakataon kung kailan nagpatotoo ang mga Apostol na si Jesucristo ang Anak ng Diyos (tingnan sa Mga Gawa 2:36; 5:27–32; 10:36–44). Ang mga Apostol ngayon ay nagpapatuloy sa pagtawag na ito bilang mga natatanging saksi—makinig ka lamang sa anumang pangkalahatang kumperensya at maririnig mo kung paano sila magpatotoo tungkol kay Cristo.

Ang Espiritu Santo ay Nagpapatotoo tungkol kay Cristo

Nakasama ni Cristo ang ilang mga Apostol sa Bagong Tipan noong nasa lupa Siya at nakita nila Siyang umakyat sa langit (tingnan sa Mga Gawa 1:9–11), at maaaring nakita na ng mga Apostol ngayon si Cristo,2 subalit hindi ang pisikal na pagkakita kay Jesus ang nagdudulot sa isang tao na maging saksi Niya. Sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972), “[Ang Espiritu Santo] ang tanging paraan upang tunay na malaman ng isang tao na si Jesus ang Cristo at na ang kanyang ebanghelyo ay totoo.”3 Nangangahulugan ito na, kahit maaaring nakita na ng mga Apostol si Cristo, alam nila na Siya ang Tagapagligtas dahil sinabi ito sa kanila ng Espiritu Santo!

Maaari Kang Maging Saksi

Ang mas kamangha-mangha pa ay pinangakuan rin tayo na malalaman natin na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas sa pamamagitan ng Espiritu Santo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 46:13). Hindi lamang ang mga Apostol ang maaaring makaalam na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas! Kahit na hindi ka tinawag na maging natatanging saksi ni Cristo, maaari kang maghangad na magkaroon ng patotoo tungkol kay Cristo at maging saksi Niya sa mga tao sa iyong buhay. Maaari mong sundin ang utos ng Tagapagligtas kay Pedro: “Ikaw, kung makapagbalik ka nang muli, ay papagtibayin mo ang iyong mga kapatid.” (Lucas 22:32).

Mga Tala

  1. Gordon B. Hinckley, “Special Witnesses for Christ,” Ensign, Mayo 1984, 50.

  2. Tingnan sa Boyd K. Packer, “Ang Saksi,” Liahona, Mayo 2014, 94; tingnan din sa Lorenzo Snow, “Pagdalaw ng Tagapagligtas,” Liahona, Set. 2015, 80.

  3. Joseph Fielding Smith, Answers to Gospel Questions, tinipon ni Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo (1957–66), 3:31.