Isang Pangako sa Isang Bata
Lluvia Paredes Cabrera
Yucatán, Mexico
Ilang taon na ang nakalilipas, ako ay labis na na-depress. Ang tanging bagay na nagbibigay sa akin ng kaunting motibasyon ay ang aking matalik na kaibigan at ang kanyang mga anak. Naglalakad-lakad kami tuwing Sabado at Linggo, na ikinatuwa ko. Gayunman, kalaunan ay dumalang nang dumalang ang aming paglalakad-lakad. Nagsimula kong hanap-hanapin ang aking kaibigan at ang kanyang pamilya. Nalaman ko kalaunan na kaya naging mas madalang ang aming paglalakad-lakad ay dahil bumalik ang aking kaibigan at ang kanyang pamilya sa isang gawaing inihinto na nila sa loob maraming taon—ang pagsisimba.
Isang araw ay inanyayahan nila akong mananghalian. Ang makita silang muli ay lubos na nagpasaya sa akin. Sinabi ko sa kanila kung gaano ako nanabik sa kanila. Iminungkahi ng anim na taong-gulang na anak na babae ng aking kaibigan na lutasin namin ang problemang iyon sa pamamagitan ng pagsisimba nang magkakasama. Kaya walang pagdadalawang-isip niya akong inanyayahang sumama.
Naku! Paano ko maipauunawa sa pamilyang ito na ang pagsisimba ay tama para sa kanila pero labis na nakababagot para sa akin? Ilang taon na akong hindi nakapagsisimba, pero paano ako makatatanggi sa isang bata? Sinabi kong sasama ako, pero ang totoo ay wala akong anumang intensiyon na tuparin ang pangakong iyon.
Noong Linggong iyon, nag-almusal ako kasama ng aking ama. Walang tigil sa pagtunog ang aking cellphone, pinaaalalahanan ako na nangako ako sa isang maliit na batang babae na sasamahan ko siyang magsimba. Binalewala ko ang aking cellphone hanggang sa tinanong na ako ng aking ama kung bakit hindi ko ito sinasagot. Umamin ako na naanyayahan akong dumalo sa isang miting sa simbahan pero ayaw kong pumunta. Ngumiti siya at nagsabing, “Lluvia, huwag kang mangangako kailanman sa isang bata kung hindi ka handang tuparin ito.” Nagpasiya akong tuparin ang aking pangako.
Nang dumating ako sa simbahan, may kakaiba akong naramdaman, isang bagay na hindi ko maisalarawan. Hindi ko pa rin maipaliwanag kung paano ito nangyari, pero nang sumunod na Linggo, natagpuan ko ang aking sarili na naroong muli, hanggang sa mga sumunod pang linggo, hanggang sa naunawaan ko kung ano ang nadarama ko: ang Espiritu Santo.
Nagsimulang ipadama sa akin ng mga miyembro ng Simbahan na ako ay malugod na tinatanggap. Nang walang pag-aalinlangan, gusto kong may malaman pa tungkol sa Simbahan. Nagsimula akong makipagkita sa mga missionary, at nagsimula rin akong magkaroon ng patotoo. Ang pagbisita ng mga missionary ay naging mas madalas, at ang aking pagkakaunawa sa ebanghelyo ay lumago hanggang sa nagkaroon ako ng napakalaking pagnanais na mabinyagan. Hindi nagtagal ay nabinyagan ako, at tinatamasa ko ngayon ang mga pagpapala ng ebanghelyo. Dahil dito, labis akong nagpapasalamat na tinupad ko ang aking pangako sa isang anim na taong-gulang na batang babae.