Manalangin Tayo Malapit sa Templo
Juan Beltrame
Buenos Aires, Argentina
Noong tatlong taong gulang ang aming anak na lalaking si Marco, siya at ako ay dumanas ng matinding kaso ng food poisoning o pagkalason sa pagkain. Matindi ang tama nito kay Marco kaya’t nawalan siya ng malay. Isinugod namin siya ng asawa kong si Marianela sa ospital. Pagkarating namin, mukhang patay na siya. Sa wakas, pagkalipas ng apat na oras, muli siyang nagkaroon ng malay.
Mula noon, si Marco ay dumanas na ng pasumpong-sumpong na seizure o pangingisay nang sumunod na limang taon. Kapag pinahihiga na namin siya sa kama tuwing gabi, napapaisip kami kung sa kalagitnaan ba ng gabi ay kakailanganin namin siyang isugod muli sa ospital. Nahirapan kaming matulog noong nakababagabag na mga taong iyon, at umasa kami sa dasal, pananampalataya, pag-aayuno, at mga basbas ng priesthood.
Noong anim na taong gulang na si Marco, tinawagan ako ni Marianela sa trabaho at sinabihan ako na sumugod sa ospital. Nagkaroon ng malalang seizure si Marco at siya ay na-comatose. Nang tumawag siya, ako ay nagtatrabaho sa muling inaayos na Argentina Missionary Training Center, na nasa tabi ng Buenos Aires Argentina Temple.
Bago ako pumunta sa ospital, isang kaibigan at katrabaho ang nagsabing, “Dahil napakalapit natin sa bahay ng Panginoon, bakit hindi muna tayo manalangin nang magkasama?” Sarado ang templo dahil sa muli itong inaayos at pinalalawak, pero lumapit kami sa bahay ng Panginoon, kung saan ako nanalangin para kay Marco.
Sa kabila ng lahat ng naranasan namin kay Marco, nakadama ako ng pasasalamat sa Diyos para sa panahon na nakasama namin siya ni Marianela. Habang nagdarasal ako, sinabi ko sa Ama sa Langit na nagsikap kami na maging mabubuting magulang at inalagaan si Marco sa abot ng aming makakaya. Sinabi ko rin sa Kanya na tatanggapin namin ang Kanyang kalooban kung pababalikin Niya si Marco sa Kanya.
Pagdating ko sa ospital, hindi ko alam kung malalampasan ni Marco ang pagka-comatose niya o, kung magigising siya mula rito, makalalakad o makapagsasalita ba siyang muli. Pagkaraan ng dalawang oras, nagising siya. Pagod na pagod siya, pero maayos naman siya. Mula noon, mahimalang bumuti ang kanyang kalagayan. Kalaunan, itinigil na ang pagpapainom ng gamot kay Marco at hindi na siya muling naospital.
Binabalikan namin ni Marianela ang mahirap na panahong iyon na nagpapasalamat na kasama pa rin namin si Marco at nagpapasalamat para sa mga bagay na natutuhan namin. Nagkaisa at naging mas malakas kami sa espirituwal dahil sa pagsubok sa aming buhay. Kung wala nito, maaaring hindi namin natutuhang kilalanin ang maraming paraan na tinutulungan kami ng Panginoon sa aming buhay.
Tulad ng sinabi ni Marianela, “Nakita namin ang napakaraming katibayan at karanasan na nagbigay sa amin ng patotoo tungkol sa presensya ng Diyos, na kasama natin Siya, at pinakikinggan Niya tayo. Kung tayo ay magtitiis at magtitiyaga, makararating ang mga pagpapala sa oras na hindi natin talaga inaasahan ang mga ito.”