Kabanata 1
Magtipon ng Isang Grupo
Libu-libong Banal sa mga Huling Araw ang nanahimik habang umaalingawngaw ang tinig ni Lucy Mack Smith sa gitna ng malaking bulwagan sa unang palapag ng halos kumpleto nang Nauvoo Temple.
Umaga noon ng Oktubre 8, 1845, ang ikatlo at huling araw ng kumperensya sa taglagas ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Batid na hindi na siya magkakaroon ng mas maraming pagkakataon na magsalita sa mga Banal—lalo na ngayong nagbabalak silang lisanin ang Nauvoo para maghanap ng isang bagong tahanan sa malayong kanluran—nagsalita si Lucy nang may kapangyarihang tila hindi maaaring manggaling sa kanyang mahinang pitumpung-taong-gulang na katawan.
“Noong ika-dalawampu’t dalawa ng Setyembre ay labingwalong taon na ang nakakalipas mula nang kunin ni Joseph ang mga lamina mula sa lupa,” nagpatotoo siya, “at noong nakaraang Lunes ay labingwalong taon na ang nakakalipas mula nang si Joseph Smith, ang propeta ng Panginoon—”1
Tumigil siya sandali, inaalala si Joseph, ang kanyang anak na pinaslang. Alam na ng mga Banal sa silid kung paano siya ginabayan ng isang anghel ng Panginoon tungo sa isang pangkat ng mga laminang ginto na nakabaon sa burol na tinatawag na Cumorah. Alam nila na isinalin ni Joseph ang mga lamina sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos at inilathala ang talaan bilang ang Aklat ni Mormon. Subalit ilan nga ba sa mga Banal sa bulwagan ang tunay na nakakakilala sa kanya?
Naaalala pa ni Lucy nang unang magsabi sa kanya si Joseph, na noon ay dalawampu’t isang taong gulang lamang, na ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos ang mga lamina. Buong umaga siyang nag-aalala, natatakot na babalik ito mula sa burol na walang dala, gaya ng nangyari noong nakaraang apat na taon. Ngunit noong dumating si Joseph, agad nitong pinakalma ang kanyang nerbiyos. “Huwag maging balisa,” sabi nito. “Ayos lang ang lahat.” Pagkatapos ay iniabot nito sa kanya ang mga pansalin na inilaan ng Panginoon para sa pagsasalin ng mga lamina, na nakabalot sa isang panyo, bilang patunay na nagtagumpay ito sa pagkuha ng talaan.
Iilan pa lamang ang mga mananampalataya noon, karamihan sa kanila ay miyembro ng pamilyang Smith. Ngayon (noong ibinigay ni Lucy ang kanyang talumpati) ay mahigit labing-isang libong Banal mula sa Hilagang Amerika at Europa ang naninirahan sa Nauvoo, Illinois, kung saan nagtipon ang Simbahan sa loob ng nakalipas na anim na taon. Ang ilan sa kanila ay mga bagong miyembro ng Simbahan at hindi nagkaroon ng pagkakataong makilala si Joseph o ang kanyang kapatid na si Hyrum bago binaril at pinatay ng masasamang-loob ang dalawang lalaki noong Hunyo 1844.2 Iyon ang dahilan kung bakit ninais ni Lucy na magsalita tungkol sa mga patay. Ninais niyang magpatotoo tungkol sa paghirang kay Joseph bilang propeta at sa papel ng kanyang pamilya sa Panunumbalik ng ebanghelyo bago lumisan ang mga Banal.
Sa loob ng mahigit isang buwan, ang mga grupo ng mga taong naghahangad na iwasto ang iniisip nilang kawalang-katarungan sa pamamagitan ng karahasan ay nanunog ng mga tahanan at negosyo ng mga Banal sa mga kalapit na pamayanan. Natatakot para sa kanilang mga buhay, maraming pamilya ang lumipat sa mas ligtas na lugar ng Nauvoo. Ngunit ang mga masasamang-loob ay lalo lamang lumakas at naging mas organisado sa paglipas ng mga linggo, at hindi nagtagal ay nagkaroon ng mga armadong alitan sa pagitan nila at ng mga Banal. Samantala, walang ginawa ang mga pamahalaang estado at pambansa upang maprotektahan ang mga karapatan ng mga Banal.3
Naniniwalang malapit nang salakayin ng mga masasamang-loob ang Nauvoo, nakipag-ayos ang mga lider ng Simbahan ng panandaliang kapayapaan sa pamamagitan ng pagsang-ayon na ilikas ang mga Banal mula sa bayan pagsapit ng tagsibol.4
Sa pamamagitan ng paggabay ng banal na paghahayag, binalak ni Brigham Young at ng iba pang mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol na ilipat ang mga Banal nang higit sa isang libong milya (o isang libo at anim na raang kilometro) pakanluran, lampas sa Rocky Mountains, sa may hangganan ng Estados Unidos. Bilang namumunong korum ng Simbahan, ipinahayag ng Korum ng Labindalawang Apostol ang desisyong ito sa mga Banal sa unang araw ng kumperensya sa taglagas.
“Layon ng Panginoon na akayin tayo tungo sa isang mas malawak na lugar kung saan mas malaya tayong makakakilos,” ipinahayag ng apostol na si Parley Pratt, “kung saan natin matatamasa ang mga dalisay na alituntunin ng kalayaan at pantay-pantay na karapatan.”5
Alam ni Lucy na tutulungan siya ng mga Banal na maisagawa ang paglalakbay na ito kung pipiliin niyang sumama. Iniutos ng mga paghahayag sa mga Banal na magtipon nang sama-sama sa iisang lugar, at ang Labindalawa ay determinadong isakatuparan ang kalooban ng Panginoon. Subalit si Lucy ay matanda na at naniwalang hindi na siya mabubuhay nang matagal. Nang pumanaw siya, ninais niyang mailibing sa Nauvoo malapit kina Joseph, Hyrum, at sa iba pang mga miyembro ng pamilya na namayapa na, kabilang ang kanyang asawang si Joseph Smith Sr.
Bukod pa rito, karamihan sa mga buhay na miyembro ng kanyang pamilya ay naninirahan sa Nauvoo. Ang kanyang tanging naiwang anak na lalaki, si William, ay naging miyembro ng Korum ng Labindalawa, ngunit itinatwa nito ang kanilang pamumuno at tumangging magpunta sa kanluran. Ang kanyang tatlong anak na babae—sina Sophronia, Katharine, at Lucy—ay maiiwan din. Gayon din ang kanyang manugang na si Emma, ang balo ng propeta.
Habang nagsasalita si Lucy sa kongregasyon, hinikayat niya ang kanyang mga tagapakinig na huwag mag-alala tungkol sa darating na paglalakbay. “Huwag mawalan ng pag-asa at huwag sabihin na hindi kayo makakakuha ng mga bagon at mga bagay,” sabi niya. Sa kabila ng kahirapan at pag-uusig, natupad ng kanyang sariling pamilya ang utos ng Panginoon na ilathala ang Aklat ni Mormon. Hinikayat niya silang makinig sa kanilang mga lider at pakitunguhan nang maayos ang isa’t isa.
“Tulad ng sinasabi ni Brigham Young, kailangan maging tapat kayong lahat o hindi kayo makakarating doon,” sabi niya. “Kung nakakaramdam kayo ng galit, magkakaroon kayo ng problema.”
Nagsalita pa si Lucy tungkol sa kanyang pamilya, ang matinding pag-uusig na dinanas nila sa Missouri at Illinois, at ang mga pagsubok na naghihintay sa hinaharap para sa mga Banal. “Dalangin ko na nawa’y pagpalain ng Panginoon ang mga pinuno ng Simbahan, si Brother Brigham at ang lahat,” sabi niya. “Kapag ako ay pumanaw na, nais kong makita kayong lahat.”6
Noong Enero 1846, madalas na nakipagpulong si Brigham sa Korum ng Labindalawa at sa Konseho ng Limampu, isang organisasyon na nangangasiwa sa mga temporal na pangangailangan ng kaharian ng Diyos sa lupa, upang planuhin ang pinakamainam at pinakamabilis na paraan para lumikas mula sa Nauvoo at magtatag ng isang bagong lugar ng pagtitipon para sa mga Banal. Si Heber Kimball, ang kanyang kapwa apostol, ay nagrekomenda na pamunuan nila ang isang maliit na grupo ng mga Banal pakanluran sa lalong madaling panahon.
“Magtipon ng isang grupo na maihahanda ang kanilang mga sarili,” payo niya, “upang maging handa sa anumang oras kapag tinawag na humayo at maghanda ng isang lugar para sa kanilang mga pamilya at sa mga maralita.”
“Kung may isang mauunang grupo na susulong at magtatanim ng mga binhi sa tagsibol na ito,” sinabi ng apostol na si Orson Pratt, “kailangang magsimula ito pagsapit ng unang araw ng Pebrero.” Inisip niya kung magiging mas mainam na manirahan sa isang lugar na mas malapit, na magiging daan upang makapagtanim sila ng mga pananim nang mas maaga.
Hindi nagustuhan ni Brigham ang ideyang iyon. Nagtagubilin na ang Panginoon sa mga Banal na manirahan malapit sa Great Salt Lake. Ang lawa ay bahagi ng Great Basin, isang napakalaking hugis-mangkok na rehiyong napapaligiran ng mga bundok. Ang malaking bahagi ng basin ay tuyong disyerto at isang hamon na tamnan, kung kaya’t hindi ito kanais-nais para sa maraming Amerikanong lumilipat patungong kanluran.
“Kung pupunta tayo sa pagitan ng mga bundok sa lugar na pinag-iisipan,” pangangatwiran ni Brigham, “walang mangyayaring pag-iimbot mula sa alinmang bansa.” Nauunawan ni Brigham na ang rehiyon ay tinitirhan na ng mga katutubo. Subalit umaasa siya na ang mga Banal ay maaaring manirahan nang payapa kasama nila.7