2019
“Kailangan Mong Umalis sa Lugar na Ito”
Hulyo 2019


“Kailangan NINYONG Umalis sa Lugar na Ito”

Ang awtor ay naninirahan sa Antofagasta, Chile.

Sa kabila ng pag-aalinlangan ko na lumipat sa hilagang Chile kasama ang aking pamilya, ang disyerto ang naging lupang pangako namin.

Larawan
road in Chile

Larawan ng Concepción, Chile, mula sa Getty Images

Nang mabasa ko sa Aklat ni Mormon kung paano sinuportahan palagi ni Nephi ang kanyang mapangitaing ama, naisip ko na malamang ay katulad ni Nephi ang karamihan sa mga kabataan sa Simbahan. Ngunit nang magpasiya ang aking pamilya na kailangan naming lumipat sa disyerto, pakiramdam ko’y mas katulad ako nina Laman at Lemuel. Ayaw kong lisanin ang aking tahanan.

Tulad ni Nephi at ng kanyang mga kapatid, ako ay “isinilang sa butihing mga magulang” (1 Nephi 1:1). Pareho silang sumapi sa Simbahan noong tinedyer sila, at naghintay ang aking ina sa aking ama nang maglingkod ang aking ama ng isang misyon. Sila ay naging aktibo at masipag na mga miyembro ng Simbahan.

Noong hayskul ako, bumagsak ang ekonomiya sa aming rehiyon ng Concepción, Chile. Biglang naging matumal ang trabaho, at nagsimulang mahirapan ang aking ama na makahanap ng trabaho. Sa huli, nagsimula siyang maghanap ng trabaho sa ibang bayan.

Sa kahahanap ng trabaho, nakarating siya sa hilaga sa lungsod ng Calama, sa rehiyon ng pagmimina sa Chile. Isa siyang inhinyero sa konstruksyon, at nakahanap siya ng magandang trabaho roon. Ngunit siya ay mag-isa at malayo. Nakikita lang namin siya kapag may sapat siyang pera para sa tiket sa 32-oras na biyahe sa bus pauwi.

Pagkaraan ng ilang taon na nakikita ko lang ang aking ama nang dalawa o tatlong beses sa isang taon, nadama ng aking ina na panahon na para gumawa ng pagbabago. Nagpasiya ang aking mga magulang na kailangang lumipat ng aming buong pamilya sa hilaga.

Kailangan Naming Makasama ang Aming Ama

Walang problema ang aking nakababatang kapatid na lalaki sa paglipat. At ang aking ate, na nasa kolehiyo, ay nagpakita ng magandang halimbawa sa akin.

“Isasakripisyo ko ang aking pag-aaral,” sabi niya. “Kailangan nating makasama ang ating ama.”

Sinuportahan ng lahat ang desisyong lumipat maliban sa akin. Gusto ko ring makasama ang aking ama, pero ayaw kong gumawa ng mga pagbabago at magsakripisyo. Mayroon akong mga kaibigan, sanay na ako sa kapaligiran, masaya ako sa aking pamumuhay, at gusto kong magkolehiyo sa Concepción. Ginawa ko ang lahat ng magagawa ko para kumbinsihin ang aking ina na hindi kami dapat lumipat.

Sa huli, sinabi niya, “Anak, nag-iisa ang iyong ama.” Gusto niya tayong makasama. Sana maintindihan mo, pero masyado kang nakatuon sa iyong sarili.” Pagkatapos ay tiniyak niya sa akin, “Magkakaroon tayo ng mga pagkakataon doon.”

Sa aking puso, alam kong tama ang aking ina—kahit hindi kumbinsido ang aking isipan na magiging maganda ang pagbabagong iyon. Wala akong matibay na patotoo noon, pero nagpasiya akong magdasal kung dapat ba akong sumama sa aking pamilya. Nakatanggap ako ng malinaw na sagot: “Kailangan mong umalis sa lugar na ito.” Nalungkot ako, pero sinabi ko sa aking mga magulang na sasama ako.

Nasaan ang mga Puno?

Ang Concepción ay isang luntiang lugar na maraming puno. Nakakatanggap ito ng 50 pulgada (127 sentimetro) ng ulan bawat taon. Ang Antofagasta, ang lungsod na malapit sa Calama na lilipatan namin, ay nakakatanggap lang ng 0.1 pulgada (0.24 sentimetro) ng ulan bawat taon.

Ang labis kong ikinagulat tungkol sa paglipat ay ang mismong biyahe. Habang papunta kami sa hilaga sakay ng bus, nakakalungkot tingnan ang pagbabago ng kulay ng mga dahon na mula sa luntian ay naging kulay-tsokolate. Nagtaka ako, “Nasaan ang mga puno? Nasaan ang mga baka sa kabukiran?” Puro lupa, mga bato, at mga burol lang ang nakita ko.

Malinaw na disyerto nga ang hilagang Chile, kaya hindi na dapat ako umasa na makikita ko pa rin ang mga bagay na kinasanayan ko sa Concepción. Naalala ko kung ano ang nadama nina Laman at Lemuel nang lisanin ng pamilya ni Lehi ang lupaing kanilang mana at maglakbay sila sa ilang.

Marami akong pangamba pagdating namin sa Antofagasta. Ano ang mangyayari kung wala akong maging kaibigan? Ano ang mangyayari kung hindi ako masanay sa lugar na ito? Ano ang mangyayari kung hindi magkatotoo ang mga inaasahan ko sa hinaharap?

Kalaunan, napagtanto ko na hindi ako dapat nag-alala. Tama ang aking ina tungkol sa mga pagkakataong naghihintay sa amin—lalo na ang mga espirituwal na pagkakataon.

Bago kami lumipat, hindi ko prayoridad ang ebanghelyo. Hindi nakatuon sa Panginoon ang aking buhay. Pero sa Antofagasta, nakatagpo ako ng mga taong tumulong sa akin na makita ang kagandahan ng ebanghelyo. Nakatanggap ako ng tulong mula sa mga espesyal na lider ng priesthood. Nagkaroon ako ng mga kaibigan na nananatiling mahalaga sa akin. Tuluyang nagbago ang aking espirituwal na buhay.

Larawan
Segio at institute

Binibisita ni Sergio ang kanyang mga kaibigan sa institute.

Nagpapasalamat ako na nakinig ako sa aking ina. Nagpapasalamat ako na sinagot ng Diyos ang aking panalangin. Nagpapasalamat ako na nagkaroon ako ng lakas-ng-loob na lumipat sa hilaga kasama ang aking pamilya.

Sa disyertong ito ako gumawa ng mga pagbabago na tumulong sa akin na maging kung sino ako ngayon. Dito ako nangakong tanggapin ang ebanghelyo, maglingkod ng isang misyon, magpakasal sa templo, at ilaan ang aking buhay sa Panginoon. Dito ko napagpasiyahan na ayaw ko nang tumulad kina Laman at Lemuel.

Para sa akin at sa aking pamilya, ang ilang ang naging lupang pangako namin.

Print