Mga Young Adult
Hindi Niya Malilimutan ang Iyong Ginawa
Ilang buwan na ang nakalilipas ay nagkaroon ako ng panaginip kung saan, habang nakaupo sa simbahan sa huling hanay gaya ng nakasanayan, at walang instensiyon na makibahagi, nagbago ang aking pangitain. Nakita ko na nakakalat sa kongregasyon ang iba pang mga returned missionary na umuwi nang maaga. Lumago sa aking puso ang pagnanais na tulungan sila habang tumitingin ako sa paligid. Alam ko na ang pagbabahagi ng aking mga karanasan ay maaaring maging isang paraan para makapaglingkod sa kanila at makatulong sa kanila na magpatuloy sa landas ng tipan sa kabila ng tila isang lubak sa kanilang daan.
Sa pamamagitan ng panaginip na ito, ipinaalam sa akin ng Ama sa Langit na nagmamalasakit Siya. Nalulugod Siya sa matwid na paglilingkod na ginawa natin bilang mga missionary, gaano man katagal ang ating full-time na paglilingkod. “Sapagka’t ang Dios ay hindi liko upang limutin ang inyong gawa at ang pagibig na inyong ipinakita sa kaniyang pangalan” (Sa Mga Hebreo 6:10). Sa aking artikulo (tingnan sa pahina 47), ibinahagi ko ang isang kuwento sa banal na kasulatan at ang mga karanasan ng ilang returned missionary na umuwi nang maaga na makatutulong sa iyo sa paglalakbay mo sa hindi inaasahan at mahirap na landas na ito. Gustung-gusto ko rin kung paano ginamit ni Alex ang kuwento sa Aklat ni Mormon para tulungan tayong makita na kahit para sa mga umuwi nang maaga dahil sa mga isyu ng pagiging marapat, mayroon pa ring pag-asa (tingnan sa pahina 44).
Sa mga artikulo na digital lamang, mababasa mo kung paano binago ni Emily ang mga nadaramang pagkabahala, takot, at kawalan ng pag-asa na naranasan niya para magkaroon ng personal at banal na kagalakan. At si Kevin, na isang propesyonal na tagapayo, ay nagbigay ng mga mungkahi kung paano masusuportahan ng mga mahal sa buhay ang mga nahihirapan dahil sa maagang pag-uwi.
Ang ginagawa natin kapag nakauwi na tayo ay mas mahalaga kaysa sa dahilan ng pag-uwi natin. Sa tulong ng Tagapagligtas, tayo ay gagaling, uunlad, at patuloy na magkakaroon ng kagalakan sa ating walang hanggang paglalakbay.
Tapat na sumasainyo,
Liahona Ficquet