Ang Aking Pinakamasayang Araw sa Trabaho!
Kapag natutuhan mong mahalin at pahalagahan ang pagtatrabaho, makakahanap ka rin ng dakilang pagmumulan ng kagalakan.
Maraming taon na ang nakakaraan, ako ay nasa isang auditorium sa Churchill College ng University of Cambridge sa England para sa isang taunang miting para sa kumpanyang pinagtatrabahuhan ko. Sa okasyong iyon, nagkaroon ako ng pribilehiyong tumanggap ng isang parangal mula sa pandaigdigang pangulo at punong ehekutibong opisyal (CEO) ng kumpanya para sa aking grupo para sa mahusay na trabahong ginawa namin noong taong iyon.
Habang pinapalakpakan at pinupuri ng mga lider ng kumpanya mula sa iba’t ibang sulok ng mundo, na kumakatawan sa 80,000 empleyado, ang aming grupo para sa aming tagumpay, naisip ko, “Ito na marahil ang aking pinakamasayang araw sa trabaho!” Ang pakiramdam noong sandaling iyon ay masayang-masayang.
Pinaghatiang Tinapay
Subalit naalala ko ang aking unang araw ng pagtatrabaho mga 40 taon na ang nakakaraan. Ang aking ama ay nagmamay-ari ng isang panaderya at tinapay na itinitinda sa maraming maliliit na palengke sa aming lungsod sa katimugang Brazil. Noong bata pa ako, pinipilit ko na isama ako ng aking ama sa kanyang trabaho. Isang araw, sa wakas ay pumayag siya!
Ang aking ina ay nagtahi ng isang maliit na puting apron at sumbrero ng panadero para sa akin, at ako at ang aking ama ay pumunta sa panaderya. Magkasama naming hinalo at hinanda ang masa, hinugis ang masa para maging mga tinapay gamit ang aming mga kamay, at inilagay ang mga tinapay sa hurnong yari sa laryo. Nang maluto ang tinapay, gumamit kami ng mahabang sagwan na yari sa kahoy upang maingat na makuha ang tinapay. Naghintay kami nang ilang segundo, at pagkatapos ay pinaghatian namin ang mainit-init pang tinapay. Napakasarap nito!
Matapos ko itong maalala, nagpasiya ako na ang pagtanggap ng isang parangal sa Cambridge ang aking pangalawang pinakamasayang araw sa trabaho. Ang pinakamaganda at pinakamasayang araw sa trabaho ay nasa isang mas mapagpakumbabang tagpo: isang maliit na panaderya na walang manonood o mga taong nakatayo at nagpapalakpakan. Ako lamang at ang aking ama. Noong araw na iyon, itinuro niya sa akin na mahalin at pahalagahan ang pagtatrabaho at tinulungan niya akong madama ang kagalakan ng paggawa ng isang bagay mula sa sariwang sangkap sa pamamagitan ng aking sariling pagkilos at pagsisikap. Natutuhan ko na ang pagtatrabaho nang mabuti ay kasiya-siya kapwa sa katawan at sa kaluluwa.
Ang Pagtatrabaho ay Isang Pagpapala
Noong sinabi ng Panginoon kina Adan at Eva na, “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay” (Genesis 3:19), tila pinarurusahan Niya sila. Sa katotohanan, binibigyan Niya sila ng pagkakataong maranasan ang nakakagalak at nakakasiyang pakiramdam ng pag-asa sa sarili, ng paglalaan para sa kanilang sariling pagnanais at pangangailangan.
Karamihan sa atin ay itinuturing lamang ang pagtatrabaho bilang isang paraan para matustusan ang temporal na pangangailangan ng ating mga sarili at ng ating mga pamilya o marahil ay isang paraan para magkaroon ng magandang estado sa buhay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isang magarbong titulo. Subalit mas mahalaga pa, nais ng Diyos na magtrabaho tayo upang magkaroon tayo ng isang matatag na diwa ng katuparan sa pagkumpleto natin ng mga gawain, paglikha ng isang bagong bagay, pagpapabago at pagpapabuti ng anumang umiiral na, at pagdaragdag ng halaga sa mundong tinitirhan natin.
Hinggil sa espirituwalidad, ang isang buhay na nakatuon sa ebanghelyo ay palaging kinabibilangan ng pagtatrabaho. Sinabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Ang buhay na inilaan ay puno ng paggawa, minsan paulit-ulit, minsan maliit, minsan hindi napahahalagahan ngunit palaging gawin ang yaong nagpapaunlad, nagdudulot ng kaayusan, nagtataguyod, nagpapasigla, nakatutulong, nagpapabuti.”1
Noong bata ka pa, marahil ay may nagtanong sa iyo ng, “Ano ang gusto mong maging trabaho pagtanda mo?” Noong tinedyer ka na, marahil ay nag-iba ang tanong at naging, “Ano ang kursong nais mong pag-aralan sa kolehiyo?”
Sigasig, Karangalan, at Hangarin
Anumang propesyon ang piliin mo, anumang uri ng trabaho ang maibigay sa iyo, sikaping gawin ang iyong trabaho nang may sigasig, karangalan, at hangarin. Dapat magtrabaho ka nang mabuti at palagi mong subukang makamit ang pinakamagandang mga resulta. Ang pagkakaroon ng saloobing ito sa pagtatrabaho ay makakatulong sa iyo na maging matatag sa temporal, emosyonal, at espirituwal. Ang pagkakataong magtrabaho ay isang pagpapala mula sa Panginoon. Kapag natutuhan mong pahalagahan at mahalin ang pagtatrabaho, mahahanap mo ang kaligayahan at hangarin na nagmumula sa pag-asa sa sarili.
Naririnig ko pa rin ang palakpakan at ang mapanghikayat na mga salita mula sa mga manonood na iyon sa University of Cambridge, subalit mas mahalaga sa akin ang alaala ng aking araw sa panaderya kasama ang aking ama at ang amoy ng mga tinapay pagkalabas ng mga ito sa hurno.