2020
Rekomendado sa Panginoon
Nobyembre 2020


14:16

Rekomendado sa Panginoon

Simulan na ngayon ang proseso para maging “rekomendado sa Panginoon” upang ang Kanyang Espiritu ay makasama ninyo sa tuwina.

Magandang umaga, mga kapatid. Bilang disipulo ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, nanabik akong makapagtipon tayo mula sa lahat ng sulok ng mundo sa pamamagitan ng internet para sa kumperensyang ito.

Durban South Africa Temple

Ang taon na ito ay pinaka-kakaiba sa lahat. Para sa akin, nagsimula ito sa asaynment mula sa Unang Panguluhan na ilaan ang banal na templo ng Panginoon sa Durban, South Africa. Hindi ko malilimutan kailanman ang karingalan ng gusali. Ngunit higit sa tagpong ito, palagi kong itatangi ang dignidad ng mga tao na handang-handang pumasok sa banal na gusaling iyon. Dumating silang handa na tanggapin ang isa sa pinakamahahalagang pagpapala ng Pagpapanumbalik; ang paglalaan ng isang bahay ng Panginoon. Dumating sila na may mga pusong puno ng pag-ibig para sa Kanya at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Dumating sila na puno ng pasasalamat sa ating Ama sa Langit sa pagbibigay sa kanila ng mga banal na ordenansa na hahantong sa kadakilaan. Dumating sila na marapat.

Mga miyembro na nasa  Durban South Africa Temple

Ang mga templo, saan man naroroon ang mga ito, ay mas mataas sa mga landas ng mundo. Bawat templo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mundo—ang lahat ng 168 na templo—ay tumatayong mga saksi sa ating pananampalataya sa buhay na walang-hanggan at sa kagalakan ng paggugol nito kasama ang ating mga pamilya at ang ating Ama sa Langit. Ang pagdalo sa templo ay nagdaragdag sa ating pang-unawa sa Panguluhang Diyos at sa walang-hanggang ebanghelyo, sa ating tapat na pangakong ipamuhay at ituro ang katotohanan, at sa ating kahandaang sundin ang halimbawa ng ating Panginoon at Tagapagligtas, na si Jesucristo.

Kabanalan sa Panginoon

Sa labas ng bawat templo sa Simbahan ay ang nababagay na mga salitang “Kabanalan sa Panginoon.” Ang templo ay ang bahay ng Panginoon at isang banal na kanlungan mula sa mundo. Binabalot ng Kanyang Espiritu ang mga sumasamba sa loob ng mga banal na pader na iyon. Itinatakda Niya ang mga pamantayan sa pagpasok natin bilang Kanyang mga panauhin.

Blaine Twitchell

Ang aking biyenan na si Blaine Twitchell, na isa sa pinakamabubuting tao na nakilala ko, ay nagturo sa akin ng isang dakilang aral. Kami ni Sister Rasband ay bumisita sa kanya nang malapit nang magtapos ang kanyang mortal na paglalakbay. Nang pumasok kami sa kanyang kuwarto, ang kanyang bishop ay papaalis na. Nang batiin namin ang bishop, naisip ko, “Napakabait niyang bishop. Narito siya na ginagawa ang kanyang ministering sa isang matapat na miyembro ng kanyang ward.”

Binanggit ko kay Blaine, “Ang bait ng bishop dahil bumisita siya.”

Tumingin sa akin si Blaine at sumagot, “Higit pa ito sa pagdalaw. Hiniling ko sa kanya na pumunta dahil gusto kong magpainterbyu para sa aking temple recommend. Gusto kong pumanaw na rekomendado sa Panginoon.” At gayon nga ang ginawa niya!

Ang katagang “rekomendado sa Panginoon” ay hindi ko malimutan. Nagbigay ito ng lubos na bagong pananaw tungkol sa pagpapainterbyu nang regular sa ating mga lider ng Simbahan. Napakahalaga ng temple recommend kaya sa mga unang taon ng Simbahan, hanggang 1891, ang bawat temple recommend ay iniendorso ng Pangulo ng Simbahan. 1

Para sa mga kabataan man o mga nakatatanda, ang inyong interbyu para sa temple recommend ay hindi tungkol sa mga dapat at hindi dapat gawin. Ang recommend ay hindi isang listahan, isang kard para makapasok, o isang tiket para sa espesyal na upuan. Ito ay may mas mataas at mas banal na layunin. Para maging marapat sa karangalan na magkaroon ng temple recommend, kailangan ninyong mamuhay nang naaayon sa mga turo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Sa inyong interbyu, mayroon kayong pagkakataong siyasatin ang inyong kaluluwa tungkol sa inyong personal na pananampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Mayroon kayong pagpapala na ipahayag ang inyong patotoo sa ipinanumbalik na ebanghelyo, sa inyong kahandaang sang-ayunan ang mga tinawag ng Panginoon na mamuno sa Kanyang Simbahan; sa pananampalataya ninyo sa doktrina ng ebanghelyo; sa pagtupad sa inyong mga responsibilidad sa pamilya; at sa iyong mga katangian na tulad ng katapatan, kalinisang-puri, pagkamasunurin, at pamumuhay ng Word of Wisdom o Salita ng Karunungan, ng batas ng ikapu, at kabanalan ng araw ng Sabbath. Ang mga iyon ang pundasyon ng mga alituntunin ng buhay na nakatuon kay Jesucristo at sa Kanyang gawain.

Ang temple recommend ninyo ay nagpapakita ng malalim at espirituwal na hangarin na sinisikap ninyong ipamuhay ang mga batas ng Panginoon at naisin nang lubos ang Kanyang ninanais: kababaang-loob, kaamuan, katatagan, pag-ibig sa kapwa, tapang, habag, pagpapatawad, at pagsunod. At tapat ninyong iniaayon ang inyong sarili sa mga pamantayang iyon kapag pinirmahan ninyo ang sagradong dokumentong iyon.

Ang temple recommend ninyo ang nagbubukas ng mga pasukan ng langit para sa inyo at sa iba na may mga karapatan at ordenansang may walang-hanggang kahalagahan kabilang na ang mga pagbibinyag, endowment, kasal, at pagbubuklod.

Ang maging “rekomendado sa Panginoon” ay ang mapaalalahanan ng kung ano ang inaasahan mula sa isang Banal sa mga Huling Araw na tumutupad sa tipan. Itinuring ito ng aking biyenan na si Blaine na walang kasing halagang paghahanda para sa araw na mapagpakumbaba siyang haharap sa Panginoon.

Ang nagliliyab na palumpong

Isipin ang pag-akyat ni Moises sa Bundok ng Horeb at nang nagpakita sa kanya ang Panginoong Jehova sa isang nagniningas na palumpong. Sinabi sa kanya ng Diyos, “Hubarin mo ang sandalyas sa iyong mga paa sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay banal na lupa.” 2

Ang paghuhubad ng mga sapatos sa pintuan ng templo ay pagsuko ng mga makamundong pagnanasa o kasiyahan na gumagambala sa ating espirituwal na paglago, pagsasantabi ng mga bagay na naglilihis sa ating mahalagang mortalidad, pagdaig sa palaaway na pag-uugali, at paglalaan ng oras para maging banal.

Sa banal na plano, ang ating pisikal na katawan ay nilikha ng Diyos, isang templo ng ating espiritu, at dapat igalang. Totoong-totoo ang mga salita sa awitin ng Primary: “Ang aking katawan ay isang templo na nangangailangan ng pinakamahalagang pag-aalaga.” 3 Nang magpakita ang Panginoon sa mga Nephita, iniutos Niya, “[Maging banal] sa pamamagitan ng pagtanggap sa Espiritu Santo, upang kayo ay makatayong walang bahid-dungis sa aking harapan.” 4 “Anong uri ng mga tao ba nararapat kayo?” ang tanong ng Panginoon at pagkatapos ay sinagot Niya ito, “Maging katulad ko.” 5 Upang maging “rekomendado sa Panginoon,” nagsisikap tayong maging katulad Niya.

Naaalala ko nang marinig ko si Pangulong Howard W. Hunter sa kanyang unang mensahe sa pangkalahatang kumperensya bilang ika-14 na Pangulo ng Simbahan. Sabi niya: “Pinakamarubdob na hangarin ng puso ko ang maging karapat-dapat ang bawat miyembro ng Simbahan na pumasok sa templo. Malulugod ang Panginoon kung bawat miyembrong nasa hustong gulang ay magiging karapat-dapat sa—at magkaroon ng—current temple recommend.” 6 Idaragdag ko na ang limited-use recommend ay magtatakda ng isang mabuting landas para sa ating itinatanging mga kabataan.

Ginunita ni Pangulong Russell M. Nelson ang mga salita ni Pangulong Hunter: “Sa araw na iyon, Hunyo 6, 1994, ang temple recommend na dala-dala namin ay naging kakaibang bagay sa aking pitaka. Bago ito, isang paraan ito para makamit ang isang mithiin. Isa itong paraan para pahintulutan akong makapasok sa banal na bahay ng Panginoon; ngunit matapos niyang sabihin ang pahayag na iyon, ito mismo ay naging isang mithiin. Ito ay naging isang simbolo ng pagsunod sa propeta ng Diyos.” 7

Nauvoo Temple

Kung matatanggap pa lamang ninyo ang isang recommend o kung paso na ang inyong recommend, pumila sa pintuan ng bishop tulad ng ginawa ng mga naunang Banal sa pinto ng Nauvoo Temple noong 1846. 8 Kabilang ang mga ninuno ko sa matatapat na taong iyon. Nililisan nila ang kanilang magandang lungsod at papunta sila sa kanluran, ngunit alam nilang may naghihintay sa kanilang mga banal na karanasan sa loob ng templo. Isinulat ni Sarah Rich mula sa baku-bakong daanan sa Iowa, “Kung hindi sa pananampalataya at kaalamang ipinagkaloob sa amin … sa templong iyon, ang paglalakbay namin siguro ay parang paghakbang … sa kadiliman.” 9 Iyan ang hindi natin natatamasa kung tinatahak natin ang buhay na ito nang mag-isa at walang inspirasyon at kapayapaang ipinangako sa templo.

Simulan na ngayon ang proseso para maging “rekomendado sa Panginoon” upang ang Kanyang Espiritu ay makasama ninyo sa tuwina at magbigay sa inyo ng “katahimikan ng budhi” 10 ang Kanyang mga pamantayan.

Ang mga lider ng mga kabataan, elders quorum president, Relief Society president, at mga ministering brother at sister ay tutulong sa inyo na maghanda, at ang inyong bishop o branch president ay mapagmahal na gagabay sa inyo.

Nararanasan natin ngayon ang panahon kung kailan ang mga templo ay nakasara o limitado lamang ang paggamit. Para kay Pangulong Nelson at para sa amin na naglilingkod sa kanyang tabi, ang inspiradong desisyon na isara ang mga templo ay “masakit” at “puno ng pag-aalala.” Natagpuan ni Pangulong Nelson ang kanyang sarili na nagtatanong, “Ano ang sasabihin ko kay Propetang Joseph Smith? Ano ang sasabihin ko kay Brigham Young, Wilford Woodruff, at sa iba pang mga Pangulo, hanggang kay Pangulong Thomas S. Monson?” 11

Ngayon, dahan-dahan at mapagpasalamat nating binubuksang muli ang mga templo para sa mga pagbubuklod at endowment sa limitadong paraan.

Gayunman, ang pagiging marapat na dumalo sa templo ay hindi inihinto. Hayaan ninyong bigyang-diin ko ito, kayo man ay makapupunta sa templo o hindi, kailangan ninyo ng current temple recommend para manatiling matatag sa landas ng tipan.

Grupo sa New Zealand

Sa katapusan ng nakaraang taon, kami ni Sister Rasband ay inatasang magpunta sa New Zealand para magsalita sa malaking grupo ng mga young single adult. Mahirap sa kanilang pumunta sa templo; ang isa na nasa Hamilton ay inaayos, ay hinihintay pa rin nila ang groundbreaking para sa templo sa Auckland. Gayunman, nagkaroon ako ng impresyon na hikayatin sila na magpanibago o tumanggap ng kanilang mga temple recommend.

Kahit na hindi nila maipapakita ang mga ito sa templo, ipapakita nila ang mga ito sa harapan ng Panginoon nang dalisay at handa na maglingkod sa Kanya. Ang pagiging marapat na magtaglay ng current temple recommend ay isang proteksyon mula sa kaaway, dahil gumawa kayo ng matibay at tapat na pangako sa Panginoon tungkol sa inyong buhay, at isang pangako na ang Espiritu ay palaging makakasama ninyo.

Ginagawa natin ang gawain sa templo kapag sinasaliksik natin ang ating mga ninuno at isinusumite ang kanilang mga pangalan para sa mga ordenansa. Bagama’t nakasara ang ating mga templo, nasasaliksik pa rin natin ang ating mga pamilya. Taglay ang Espiritu ng Panginoon sa ating puso, alang-alang sa kanila ay tumatayo tayo para sila ay maging “rekomendado sa Panginoon.”

Noong ako ay naglilingkod bilang Executive Director ng Temple Department, madalas kong marinig na banggitin ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang banal na kasulatang ito na sinabi ng Panginoon tungkol sa Nauvoo Temple: “Ang gawain sa aking templo, at lahat ng gawain na aking itinakda sa inyo, ay ipagpatuloy at huwag itigil; at ang inyong pagsusumikap, at ang inyong pagtitiyaga, at pagtitiis, at ang inyong mga gawain ay papag-ibayuhin, at tiyak na hindi mawawala sa inyo ang inyong gantimpala, wika ng Panginoon ng mga Hukbo.” 12

Ang ating gawain sa templo ay nakatali sa ating walang-hanggang gantimpala. Kamakailan ay sinubok tayo. Tinawag tayo ng Panginoon na magtrabaho sa mga templo nang may “pagsusumikap … pagtitiyaga, at pagtitiis.” 13 Ang pagiging “rekomendado sa Panginoon” ay nangangailangan ng mga katangiang iyon. Kailangan nating maging masigasig sa pamumuhay ng mga kautusan, magsikap sa pagtutuon sa ating mga tipan sa templo, at maging mapagpasalamat sa patuloy na itinuturo ng Panginoon tungkol sa mga ito, at maging matiyaga habang hinihintay nating muling ganap na magbukas ang mga templo.

Kapag nanawagan sa atin ang Panginoon na “muling doblehin” ang ating mga pagsisikap, hinihiling Niya sa atin na dagdagan ang ating kabutihan. Halimbawa, maaari nating palawigin ang ating pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagsasaliksik ng family history, at ang ating mga dasal nang may pananampalataya nang maibahagi natin ang ating pagmamahal para sa bahay ng Panginoon kasama ang mga naghahanda na tumanggap ng temple recommend, partikular na ang ating mga kapamilya.

Ipinapangako ko bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo na kung sisikapin ninyong muling doblehin ang inyong mabubuting gawain, mararamdaman ninyo ang pinanibagong debosyon sa Diyos Ama at kay Jesucristo, mararamdaman ninyo ang madalas na paggabay ng Espiritu Santo sa inyo, at mararamdaman ninyo ang kapayapaan sa kaalaman na kayo ay “rekomendado sa Panginoon.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.