2020
Mga Kababaihan sa Sion
Nobyembre 2020


12:53

Mga Kababaihan sa Sion

Magiging mahalagang puwersa kayo sa pagtitipon ng Israel at sa pagtatatag ng mga tao ng Sion.

Mahal kong mga kapatid, mapalad akong makapagsalita sa kamangha-manghang panahong ito sa kasaysayan ng mundo. Araw-araw, palapit tayo nang palapit sa maluwalhating sandali kung kailan paparitong muli sa lupa ang Tagapagligtas na si Jesucristo. Alam natin ang ilang bagay tungkol sa kakila-kilabot na mga kaganapan bago ang Kanyang pagparito, subalit puspos din ng galak at tiwala ang ating puso dahil alam din natin ang maluluwalhating pangakong matutupad bago Siya bumalik.

Bilang minamahal na mga anak na babae ng Ama sa Langit, at bilang mga anak na babae ng Panginoong Jesucristo sa Kanyang kaharian, 1 mahalaga ang bahaging gagampanan ninyo sa dakilang mga panahon na darating. Alam natin na paparito ang Tagapagligtas sa mga taong natipon at naihandang mamuhay tulad ng mga tao sa lunsod ni Enoc. Ang mga tao roon ay nagkaisa sa pananampalataya kay Jesucristo at naging lubos na dalisay kung kaya’t dinala sila sa langit.

Narito ang paglalarawang inihayag ng Panginoon kung ano ang mangyayari sa mga tao ni Enoc at ano ang mangyayari sa huling dispensasyong ito ng kaganapan ng mga panahon:

“At darating ang araw na ang mundo ay mamamahinga, subalit bago dumating ang araw na yaon ang kalangitan ay magdidilim, at isang tabing ng kadiliman ay babalot sa mundo; at ang kalangitan ay mayayanig, at gayon din ang lupa; at matinding paghihirap ang mapapasa mga anak ng tao, subalit ang aking mga tao ay pangangalagaan ko;

“At kabutihan ang aking ipadadala mula sa langit; at katotohanan ay aking ipadadala sa lupa, upang magpatotoo sa aking Bugtong na Anak; ang kanyang pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay; oo, at ang pagkabuhay na mag-uli rin ng lahat ng tao; at kabutihan at katotohanan ay papapangyarihin kong umabot sa mundo gaya nang isang baha, upang tipunin ang aking mga hinirang mula sa apat na sulok ng mundo, sa isang lugar na aking ihahanda, isang Banal na Lunsod, upang ang aking mga tao ay makapagbigkis ng kanilang mga balakang, at umasa sa araw ng aking pagparito; sapagkat doon ang aking magiging tabernakulo, at ito ay tatawaging Sion, ang Bagong Jerusalem.

“At sinabi ng Panginoon kay Enoc: Pagkatapos ikaw at ang lahat ng iyong lunsod ay sasalubong sa kanila roon, at tatanggapin natin sila sa ating sinapupunan, at makikita nila tayo, at tayo ay yayapos sa kanilang mga leeg at sila ay yayapos sa ating mga leeg, at hahalikan natin ang isa’t isa;

“At doon ang aking magiging tahanan, at ito ay magiging Sion, na lalabas mula sa lahat ng aking mga nilalang na aking nilikha; at sa loob ng isanlibong taon ang mundo ay mamamahinga.” 2

Kayong mga kababaihan, ang inyong mga anak na babae, ang inyong mga apong babae, at ang mga kababaihang inyong napangalagaan ay magiging napakahalagang bahagi ng pagtatatag ng lipunang iyon ng mga tao na makikiisa sa maluwalhating pakikipag-ugnayan sa Tagapagligtas. Magiging mahalagang puwersa kayo sa pagtitipon ng Israel at sa pagtatatag ng mga tao ng Sion na payapang mananahan sa Bagong Jerusalem.

Nangako sa inyo ang Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Noong mga unang araw ng Relief Society, sinabi ni Propetang Joseph Smith sa mga kababaihan, “Kung magiging marapat kayo sa inyong mga pribilehiyo, hindi mapipigilan ang mga anghel na makihalubilo sa inyo.” 3

Taglay ninyo ang kamangha-manghang potensyal na iyan, at inihahanda kayo para dito.

Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

“Kayong mga kababaihan … ay hindi pumapangalawa ang kahalagahan sa plano ng ating Ama para sa walang-hanggang kaligayahan at kapakanan ng Kanyang mga anak. Kayo ay tunay na mahalagang bahagi ng planong iyon.

“Kung wala kayo hindi maisasagawa ang plano. Kung wala kayo mabibigo ang buong plano. …

“Bawat isa sa inyo ay anak na babae ng Diyos, na pinagkalooban ng banal na pagkapanganay.” 4

Ang ating kasalukuyang propeta na si Pangulong Russell M. Nelson ay nagbigay ng ganitong paglalarawan tungkol sa bahaging ginagampanan ninyo sa paghahanda para sa pagparito ng Tagapagligtas:

“Hindi masusukat ang impluwensya ng … kababaihan, hindi lamang sa mga pamilya kundi sa Simbahan ng Panginoon, bilang asawa, ina, at lola; bilang mga kapatid at tiya; bilang mga guro at lider; at lalo na bilang mga uliran at tapat na tagapagtanggol ng pananampalataya.

“Nakita na ito sa bawat dispensasyon ng ebanghelyo mula pa noong panahon nina Adan at Eva. Subalit ang kababaihan ng dispensasyong ito ay naiiba sa kababaihan ng alinmang iba pang dispensasyon dahil ang dispensasyong ito ay naiiba sa lahat. Ang kaibhang ito ay nagdudulot kapwa ng mga pribilehiyo at ng mga responsibilidad.” 5

Ang dispensasyong ito ay naiiba dahil aakayin tayo ng Panginoon na maging handa na maging katulad ng mga tao sa lunsod ni Enoc. Inilarawan Niya sa pamamagitan ng Kanyang mga apostol at propeta kung ano ang nakapaloob sa pagbabagong iyon sa mga tao ng Sion.

Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie:

“Ang panahon [ni Enoc] ay panahon ng pagkakasala at kasamaan, isang panahon ng kadiliman at paghihimagsik, isang panahon ng digmaan at pagkawasak, isang panahon tungo sa paglilinis ng lupa sa pamamagitan ng tubig.

“Si Enoc, gayunman, ay naging tapat. ‘Nakita [niya] ang Panginoon,’ at kanyang nakausap siya ‘nang harapan’ tulad ng pakikipag-usap ng isang tao sa isa pang tao. (Moises 7:4.) Isinugo siya ng Panginoon upang mangaral ng pagsisisi sa mundo, at iniutos sa kanya na ‘magbinyag sa pangalan ng Ama, at ng Anak, na puspos ng biyaya at katotohanan, at ng Espiritu Santo, na nagpapatotoo sa Ama at sa Anak.’ (Moises 7:11.) Si Enoc ay gumawa ng mga tipan at nagtipon ng isang kongregasyon ng mga tunay na sumasampalataya, na lahat ay naging napakatapat kaya ‘ang Panginoon ay dumating at namuhay kasama ang kanyang mga tao, at sila ay namuhay sa kabutihan,’ at pinagpala ng langit. ‘At tinawag ng Panginoon ang kanyang mga tao na Sion, sapagkat sila ay may isang puso at isang isipan, at namuhay sa kabutihan; at walang maralita sa kanila.’ (Moises 7:18.) …

“Matapos tawagin ng Panginoon ang kanyang mga tao na Sion, sinabi sa banal na kasulatan na si Enoc ay ‘nagtayo ng isang lunsod na tinawag na Lunsod ng Kabanalan, maging ang Sion;’ na ang Sion ay ‘dinala sa langit’ kung saan ‘tinanggap ito ng Diyos sa kanyang sariling sinapupunan;” at “magmula noon, humayo ang kasabihang: ang Sion ay naglaho.’ (Moises 7:19, 21, 69.) …

“Ang Sion ding ito na dinala sa langit ay magbabalik … kapag muling ibinalik ng Panginoon ang Sion, at ang mga naninirahan dito ay makikiisa sa bagong Jerusalem, na itatatag pagkatapos niyon.” 6

Kung ang mga nakalipas na kaganapan ay bahagi ng isang bagay na mas mahalaga na mangyayari kalaunan, sa oras ng pagparito ng Tagapagligtas, ang mga anak na babae na lubos na tapat sa kanilang mga tipan sa Diyos ay hihigit pa sa kalahati ng mga taong handang sumalubong sa Kanya kapag Siya ay dumating. Ngunit gaano man karami, magiging sobra-sobra pa sa kalahati ang inyong nagawa sa paglikha ng pagkakaisa sa mga taong handa para sa Sion na iyon.

Sasabihin ko sa inyo kung bakit ako naniniwala na gayon ang mangyayari. Isinalaysay sa Aklat ni Mormon ang tungkol sa mga tao ng Sion. Naaalala ninyo na iyon ay matapos silang turuan, mahalin, at pagpalain ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas na “hindi nagkaroon ng alitan sa lupain, dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao.” 7

Naituro sa akin ng aking karanasan na ang mga anak na babae ng Ama sa Langit ay may kaloob na magpahupa ng alitan at magtaguyod ng kabutihan sa pamamagitan ng kanilang pagmamahal sa Diyos at pagtulong sa kanilang mga pinaglilingkuran na magkaroon ng pagmamahal sa Diyos.

Nakita ko ito noong kabataan ko noong nagpupulong sa bahay namin ang aming maliit na branch. Kaming magkapatid lamang ang Aaronic Priesthood holder, at ang aking ama lamang ang Melchizedek Priesthood holder. Ang branch Relief Society president ay isang convert na ang asawa ay hindi masaya sa paglilingkod niya sa Simbahan. Ang mga miyembro ay pawang may edad na mga kababaihan na walang kasamang priesthood holder sa kanilang tahanan. Namasdan kong mahalin, pasiglahin at pagmalasakitan nang walang maliw ng aking ina at ng mga kababaihang iyon ang isa’t isa. Napagtanto ko ngayon na nabigyan ako ng maagang pagkakataon na masulyapan ang Sion.

Ang natututuhan ko tungkol sa impluwensya ng matatapat na kababaihan ay nagpatuloy sa isang maliit na branch ng Simbahan sa Albuquerque, New Mexico. Namasdan kong pasayahin ng asawa ng branch president, asawa ng district president, at Relief Society president ang lahat ng bagong dating at convert. Noong Linggong umalis ako ng Albuquerque, pagkaraan ng dalawang taong pagmamasid sa impluwensya ng mga kababaihan doon, binuo ang unang stake. Ngayon ay naglagay na ang Panginoon ng isang templo roon.

Sumunod ay lumipat ako sa Boston, kung saan naglingkod ako sa district presidency na nangulo sa maliliit na branch sa dalawang estado. Nagkaroon ng mga alitan na hindi lamang minsan nilutas ng mapagmahal at mapagpatawad na mga kababaihan na tumulong na mapalambot ang mga puso. Noong Linggong umalis ako ng Boston, inorganisa ng isang miyembro ng Unang Panguluhan ang unang stake sa Massachussetts. May templo na roon ngayon, malapit sa dating tirahan ng district president. Siya ay naging aktibong miyembro ng Simbahan at tinawag kalaunan upang maglingkod bilang stake president at pagkatapos ay bilang mission president, dahil sa impluwensya ng kanyang tapat at mapagmahal na asawa.

Mga kapatid, pinagpala kayong maging mga anak na babae ng Diyos na nagtataglay ng mga natatanging kaloob. Dala ninyo sa mortal na buhay ang espirituwal na kakayahang pangalagaan ang iba at iangat sila nang mas mataas patungo sa pagmamahal at kadalisayang magpapamarapat sa kanila na mamuhay nang magkakasama sa lipunan ng Sion. Talagang may dahilan na ang Relief Society, ang unang organisasyon sa Simbahan na partikular na para sa mga anak na babae ng Ama sa Langit, ay may sawikaing “Ang Pag-ibig sa Kapwa-tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang.”

Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay ang dalisay na pag-ibig ni Cristo. At ang pananampalataya sa Kanya at ang lubos na mga epekto ng Kanyang walang-katapusang Pagbabayad-sala ang magpapamarapat sa inyo, at sa inyong mga minamahal at pinaglilingkuran para sa maluwalhating kaloob na mamuhay sa lipunang iyon ng Sion na inasam at ipinangako noon pa man. Doon kayo ay magiging magkakapatid sa Sion, na personal na minamahal ng Panginoon at ng mga taong inyong napagpala.

Pinatototohanan ko na kayo ay mga mamamayan ng kaharian ng Panginoon sa lupa. Kayo ay mga anak na babae ng isang mapagmahal na Ama sa Langit, na isinugo kayo sa mundo taglay ang mga natatanging kaloob na ipinangako ninyong gagamitin upang mapagpala ang iba. Ipinapangako ko sa inyo na aakayin kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Siya ay magpapauna sa inyong harapan habang tinutulungan ninyo Siya na ihanda ang Kanyang mga tao na maging katulad ng Sion na Kanyang ipinangako. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.