2020
Humingi, Maghanap, at Kumatok
Nobyembre 2020


10:9

Humingi, Maghanap, at Kumatok

Mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit ang pagkakataon na makipag-usap sa Kanya anumang oras natin naisin.

Apat na buwan na ang nakalipas, sa pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan, binabasa ko ang tungkol sa misyon ni Alma sa Ammonihas nang makita ko ang mungkahing ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: “Habang binabasa mo ang tungkol sa malalaking pagpapalang ibinigay ng Diyos sa mga tao ni Nephi (tingnan sa Alma 9:19–23), pagnilayan ang malalaking pagpapalang naibigay Niya sa iyo.”1 Nagpasiya akong gumawa ng listahan ng mga pagpapala ng Diyos sa akin at itala ito sa aking digital na bersyon ng manwal. Sa loob lang ng ilang minuto, nakapaglista ako ng 16 na pagpapala.

Ang pinakauna sa lahat ay ang malalaking pagpapala ng awa at nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas para sa akin. Isinulat ko rin ang pagpapala na maging kinatawan ng Tagapagligtas bilang bata pang missionary sa Portugal at, kalaunan, kasama ang aking mapagmahal na asawa sa kawalang-hanggan, si Patricia, sa Brazil Porto Alegre South Mission, kung saan naglingkod kami kasama ang 522 makapangyarihan at kahanga-hangang mga missionary. Tungkol kay Patricia, marami sa mga pagpapalang naitala ko noong araw na iyon ay mga pagpapalang magkasama naming natamasa sa loob ng 40 taon naming pagsasama—kabilang ang aming pagkabuklod sa São Paulo Brazil Temple, ang aming tatlong kahanga-hangang mga anak, ang kani-kanilang asawa, at ang aming 13 apo.

Naalala ko rin ang aking mga butihing magulang, na nagturo sa akin ng mga alituntunin ng ebanghelyo habang lumalaki ako. Naalala ko ang isang partikular na sandali nang magkasama kaming lumuhod ng aking mapagmahal na ina upang manalangin noong mga 10 taong gulang ako. Siguro naramdaman niya na upang makarating ang aking mga panalangin sa aking Ama sa Langit, dapat pagbutihin ko pa ito. Kaya sabi niya, “Mauuna akong manalangin, at pagkatapos ko, ikaw naman ang manalangin.” Ipinagpatuloy niya ito sa loob ng maraming gabi, hanggang sa tiwala na siya na natutuhan ko na, sa pamamagitan ng alituntunin at pagpapraktis, kung paano ako dapat makipag-usap sa Ama sa Langit. Walang-hanggan akong magpapasalamat sa kanya sa pagtuturo sa akin na manalangin, dahil natutuhan ko na dinirinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang aking mga panalangin.

Sa katunayan, isinama ko rin ang pagpapalang iyon sa aking listahan—ang kaloob na marinig at matutuhan ang kalooban ng Panginoon. Mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit ang pagkakataon na makipag-usap sa Kanya anumang oras natin naisin.

Isang Paanyaya mula sa Panginoon

Nang bisitahin ng Tagapagligtas ang mga lupain ng Amerika pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, inulit Niya ang paanyaya na ibinigay Niya noon sa Kanyang mga disipulo sa Galilea. Sabi Niya:

“Humingi, at iyon ay ibibigay sa inyo; maghanap, at kayo’y makasusumpong, kumatok, at kayo’y pagbubuksan.

“Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at siya na naghahanap ay makasusumpong; at sa kanya na kumakatok, siya ay pagbubuksan” (3 Nephi 14:7–8; tingnan din sa Mateo 7:7–8).

Ang ating propeta, si Pangulong Russell M. Nelson, ay nagbigay rin ng gayong paanyaya sa ating panahon. Sabi niya: “Ipanalangin sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, mga kahinaan—oo, ang pinakaaasam ng inyong puso. At pagkatapos ay makinig! Isulat ang mga naiisip ninyo. Itala ang inyong nadarama at isagawa ang mga bagay na ipinahihiwatig sa inyong gawin. Habang inuulit ninyo ang prosesong ito araw-araw, buwan-buwan, taun-taon, kayo ay ‘[uunlad] sa alituntunin ng paghahayag.’”2

Dagdag pa ni Pangulong Nelson, “Sa darating na mga araw, hindi magiging posible na espirituwal na makaligtas kung [wala ang pumapatnubay, nagtatagubilin, nakapapanatag, at palagiang] impluwensya ng Espiritu Santo.”3

Bakit napakahalaga ng paghahayag sa ating espirituwal na kaligtasan? Dahil ang mundo ay maaaring nakalilito at maingay, puno ng panlilinlang at panggagambala. Ang pakikipag-usap sa ating Ama sa Langit ay nagtutulot sa atin na malaman kung ano ang totoo at kung ano ang mali, kung ano ang angkop sa plano ng Panginoon para sa atin at kung ano ang hindi. Ang mundo ay maaari ring maging marahas at nakapanlulumo. Ngunit kapag binuksan natin ang ating mga puso sa panalangin, mararamdaman natin ang kapanatagan na nagmumula sa ating Ama sa Langit at ang katiyakan na mahal at pinahahalagahan Niya tayo.

Humingi

Sinabi ng Panginoon na “ang bawat humihingi ay tumatanggap.” Tila simple lang ang paghingi, ngunit makapangyarihan ito dahil inihahayag nito ang ating mga hangarin at pananampalataya. Gayunman, kailangan ng oras at tiyaga upang maunawaan ang tinig ng Panginoon. Binibigyan natin ng pansin ang mga kaisipan at damdamin na pumapasok sa ating mga puso at isipan, at isinusulat natin ang mga ito, tulad ng ipinayo sa atin ng ating propeta. Ang pagtatala ng ating mga impresyon ay mahalagang bahagi ng pagtanggap. Tinutulungan tayo nitong gunitain, rebyuhin, at maramdaman muli kung ano ang itinuturo sa atin ng Panginoon.

Kamakailan ay sinabi sa akin ng isang mahal sa buhay, “Naniniwala ako na totoo ang personal na paghahayag. Naniniwala ako na ipapakita sa akin ng Espiritu Santo ang lahat ng bagay na nararapat kong gawin.4 Madaling maniwala kapag nararamdaman kong nag-aalab ang aking dibdib nang may paniniwalang walang pag-aalinlangan.5 Ngunit ano ang maaari kong gawin upang palaging makapangusap sa akin ang Espiritu Santo sa ganitong paraan?”

Sa aking mahal sa buhay at sa inyong lahat, sasabihin ko na nais ko ring palaging maramdaman ang malalakas na impresyong iyon mula sa Espiritu at palaging makita nang malinaw ang landas na tatahakin. Ngunit hindi iyon palaging nangyayari. Gayunman, maaaring ang mas madalas nating maramdaman ay ang marahan at banayad na tinig ng Panginoon na bumubulong sa ating puso’t isipan: “Narito Ako. Mahal kita. Humayo ka; gawin ang lahat ng iyong makakaya. Susuportahan kita.” Hindi kailangan na malaman o makita natin ang lahat ng bagay sa lahat ng oras.

Ang marahan at banayad na tinig ay nagbibigay-katiyakan, nakahihikayat, at nakapapanatag—at maraming beses na iyon lang ang kailangan natin sa maghapon. Tunay ang Espiritu Santo, at tunay ang Kanyang mga impresyon—ang malalaki at maliliit.

Maghanap

Nangako ang Panginoon na, “Siya na naghahanap ay makasusumpong.” Ang paghahanap ay nangangailangan ng mental at espirituwal na pagsisikap—pagninilay, pagsusuri, pagsubok, at pag-aaral. Naghahanap tayo dahil nagtitiwala tayo sa mga pangako ng Panginoon. “Sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga masigasig na humahanap sa kanya” (Mga Hebreo 11:6). Kapag naghahanap tayo, mapagpakumbaba nating kinikilala na marami pa tayong dapat matutuhan, at palalawakin ng Panginoon ang ating pang-unawa, inihahanda tayong makatanggap ng higit pa. “Sapagkat masdan, ganito ang wika ng Panginoong Diyos: Magbibigay ako sa mga anak ng tao ng taludtod sa taludtod, ng tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon; … sapagkat siya na tumatanggap ay bibigyan ko pa ng karagdagan” (2 Nephi 28:30).

Kumatok

At panghuli, sinabi ng Panginoon, “Sa kanya na kumakatok, siya ay pagbubuksan.” Ang pagkatok ay pagkilos nang may pananampalataya. Kapag aktibo tayong sumusunod sa Kanya, binubuksan ng Panginoon ang daan sa ating harapan. May magandang himno na nagtuturo sa atin na “kumilos at h’wag mangarap ng biyayang naghihintay [sa atin]. Paggawa ng mabuti ay kaligayahan, biyaya ng pagmamahal.”6 Ipinaliwanag kamakailan ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang paghahayag ay madalas na dumarating habang gumagawa tayo ng mabuti. Sabi niya: “Sa pagsisikap nating tulungan at paglingkuran ang ating kapwa, binibigyan tayo ng Panginoon ng dagdag na pagmamahal Niya para sa kanila at, gayundin, para sa atin. Palagay ko naririnig natin ang Kanyang tinig, nadarama natin Siya sa naiibang paraan kapag nagdarasal tayo para tulungan ang mga nasa paligid natin, dahil isa iyan sa mga panalanging nais Niyang sagutin.”7

Halimbawa ni Alma

Ang simpleng mungkahing iyon sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na isipin ang aking mga pagpapala ay naghatid ng magiliw na diwa at ilang di-inaasahang espirituwal na kabatiran. Sa patuloy kong pagbabasa tungkol kay Alma at sa kanyang ministeryo sa Ammonihas, natuklasan ko na si Alma ay isang mabuting halimbawa ng ibig sabihin ng humingi, maghanap, at kumatok. Mababasa natin na “si Alma ay nagpagal nang labis sa espiritu, nakipagbuno sa Diyos sa mataimtim na panalangin, upang kanyang ibuhos ang kanyang Espiritu sa mga tao.” Gayunman, ang panalanging iyon ay hindi nasagot sa paraang inaasahan niya, at si Alma ay itinaboy palabas ng lungsod. “Nabibigatan sa kalungkutan,” halos sumuko na si Alma, nang ihatid ng isang anghel ang mensaheng ito: “Pinagpala ka, Alma; kaya nga, itaas mo ang iyong ulo at magsaya, sapagkat mayroon kang malaking dahilan upang magsaya.” Pagkatapos ay sinabihan siya ng anghel na bumalik sa Ammonihas at sumubok muli, at si Alma ay “mabilis [na] bumalik.”8

Ano ang matututuhan natin mula kay Alma tungkol sa paghingi, paghahanap, at pagkatok? Matututuhan natin na ang panalangin ay nangangailangan ng espirituwal na pagsisikap, at hindi ito palaging nauuwi sa inaasahan nating kalabasan nito. Ngunit kapag tayo ay pinanghihinaan-ng-loob o nabibigatan sa kalungkutan, binibigyan tayo ng Panginoon ng kapanatagan at lakas sa iba’t ibang paraan. Maaaring hindi Niya kaagad sinasagot ang lahat ng ating mga tanong o nilulutas ang lahat ng ating mga problema; sa halip, hinihikayat Niya tayong patuloy na magsikap. Kung mabilis nating iaayon ang ating plano sa Kanyang plano, bubuksan Niya ang daan para sa atin, tulad ng ginawa Niya para kay Alma.

May patotoo ako na ito ang dispensasyon ng kabuuan ng ebanghelyo. Maaari nating matamasa ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa ating buhay. Maaari nating gamitin ang mga banal na kasulatan anumang oras. Tayo ay ginagabayan ng mga propeta na nagtuturo sa atin ng kalooban ng Panginoon para sa mahihirap na panahong nararanasan natin. Bukod pa rito, maaari tayong direktang makatanggap ng paghahayag para sa ating sarili upang tayo ay personal na mapanatag at magabayan ng Panginoon. Tulad ng sinabi ng anghel kay Alma, tayo ay may “malaking dahilan upang magsaya” (Alma 8:15). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.