Paghahanap ng Kagalakan kay Cristo
Ang pinakatiyak na paraan upang makahanap ng kagalakan sa buhay na ito ay ang makiisa kay Cristo sa pagtulong sa iba.
Hindi hinihiling ng Panginoon sa ating mga kabataang Aaronic Priesthood na gawin ang lahat ng bagay, ngunit ang ipinagagawa Niya ay kamangha-mangha.
Ilang taon na ang nakararaan, dinanas ng aming maliit na pamilya ang nararanasan ng maraming pamilya sa nahulog na daigdig na ito. Ang aming bunsong anak, si Tanner Christian Lund, ay nagkaroon ng kanser. Isa siyang kahanga-hangang bata, katulad ng ibang mga batang siyam-na-taong-gulang. Siya ay may nakakatawang kakulitan at, kasabay nito, siya ay may kahanga-hangang espirituwalidad. Pilyo at anghel, malikot at mabait. Noong maliit pa siya at araw-araw kaming ginugulat ng kanyang kakulitan, inisip namin kung sa paglaki niya ay magiging propeta o bank robber ba siya. Alinman dito, tila mag-iiwan siya ng marka sa daigdig.
At pagkatapos, siya ay nagkasakit nang malubha. Sa sumunod na tatlong taon, gumamit ang modernong medisina ng mahuhusay na pamamaraan, kabilang ang dalawang bone marrow transplant, kung saan siya dinapuan ng pneumonia, kaya kinailangan niyang manatili nang 10 linggo na walang malay sa isang ventilator. Mahimala namang gumaling siya nang maikling panahon, ngunit bumalik ang kanyang kanser.
Bago siya pumanaw, kumalat ang sakit ni Tanner sa kanyang mga buto, at kahit may matatapang na gamot para sa kirot, nasasaktan pa rin siya. Hindi siya halos makabangon sa higaan. Isang umaga ng Linggo, ang kanyang ina na si Kalleen ay pumasok sa kanyang silid para kumustahin siya bago magsimba ang pamilya. Nagulat siya na makitang nakapagbihis si Tanner nang mag-isa at nakaupo sa gilid ng kanyang kama, na hirap na ibinubutones ang kanyang polo. Umupo si Kalleen sa tabi niya. “Tanner,” sabi niya, “kaya mo na ba talagang magsimba? Siguro dapat dito ka muna sa bahay at magpahinga ngayon.”
Tumitig siya sa sahig. Isa siyang deacon. May korum siya. At may tungkulin siya.
“Ako po dapat ang magpapasa ng sacrament ngayon.”
“Pero, tiyak ko na may ibang makagagawa niyan para sa iyo.”
“Opo,” sabi niya, “pero … nakita ko kung paano ako masdan ng mga tao kapag nagpapasa ako ng sacrament. Sa tingin ko po, nakakatulong ito sa kanila.”
Kaya tinulungan siya ni Kalleen na ibutones ang kanyang polo at isuot ang kanyang kurbata, at nagtungo sila sa simbahan. Malinaw na isang mahalagang bagay ang nangyayari.
Dumating ako sa simbahan mula sa isang mas maagang miting kaya nagulat akong makita na nakaupo si Tanner sa hanay ng mga deacon. Pabulong na sinabi sa akin ni Kalleen kung bakit siya naroon at kung ano ang sinabi niya: “Nakakatulong ito sa mga tao.”
At sa gayon ko pinagmasdan ang mga deacon na lumapit sa mesa ng sacrament. Nakasandal siya nang bahagya sa isa pang deacon nang ipasa sa kanila ng mga priest ang mga tray ng tinapay. At pagkatapos, paika-ikang naglakad si Tanner papunta sa kanyang nakatalagang lugar at humawak sa dulo ng bangko para matatag na makatayo habang ibinabahagi niya ang sacrament.
Tila nakatingin sa kanya ang lahat ng tao sa kapilya, naaantig sa kanyang paghihirap habang ginagawa niya ang kanyang simpleng tungkulin. Kahit paano, nakapagbigay si Tanner ng isang tahimik na sermon habang mapitagan siyang pumupunta mula sa isang hanay patungo sa isa pang hanay—ang kanyang kalbong ulo ay basa ng pawis—kumakatawan sa Tagapagligtas sa paraang ginagawa ng mga deacon. Ang kanyang dating malakas na katawan bilang deacon ay bahagya nang bugbog, sira, at gutay-gutay, handang mahirapan para maglingkod sa pamamagitan ng pagdadala ng mga sagisag ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa aming buhay.
Sa nakita naming saloobin niya tungkol sa pagiging isang deacon, nabago rin ang saloobin namin—tungkol sa sacrament, tungkol sa Tagapagligtas, at tungkol sa mga deacon at teacher at priest.
Namamangha ako sa hindi masambit na himala na naghikayat sa kanya noong umagang iyon na matapang na tumugon sa yaong marahan at banayad na pagtawag na maglingkod, at sa lakas at mga kakayahan ng lahat ng ating lumalaking mga kabataan habang pinagsusumikapan nilang tumugon sa tawag ng propeta na sumali sa mga hukbo ng Diyos at makiisa sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan.
Sa tuwing hinahawakan ng isang deacon ang sacrament tray, naipapaalala sa atin ang sagradong kuwento ng Huling Hapunan, ng Getsemani, ng Kalbaryo, at ng libingan sa halamanan. Nang sabihin ng Tagapagligtas sa Kanyang mga Apostol, “Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin,” 1 nangungusap din Siya sa lahat ng panahon sa bawat isa sa atin. Nangungusap Siya tungkol sa walang katapusang himala na ilalaan Niya kapag ang magiging mga deacon, teacher, at priest ay magbabasbas at magpapasa ng Kanyang mga sagisag at mag-aanyaya sa Kanyang mga anak na tanggapin ang Kanyang nagbabayad-salang kaloob.
Itinutuon tayo ng lahat ng simbolo ng sacrament sa kaloob na iyon. Pinagninilayan natin ang tinapay na pinagputul-putol Niya noon—at ngayon naman ang tinapay na pinagpuputul-putol ng mga priest sa harapan natin. Iniisip natin ang kahulugan ng likido na binasbasan at ginawang banal, noon at ngayon, habang ang mga salita ng mga panalangin na iyon sa sacrament ay taimtim na binibigkas ng mga batang priest patungo sa ating mga puso at sa kalangitan, pinapanibago ang mga tipan na nag-uugnay sa atin sa mga kapangyarihan ng pagliligtas ni Cristo. Maaari nating isipin kung ano ang kahulugan nito kapag dinadala sa atin ng deacon ang mga sagradong sagisag, tumatayo siya kung saan tatayo si Jesus kung nariyan Siya, upang pagaanin ang ating mga pasanin at pasakit.
Sa kabutihang-palad, hindi kinakailangang magkasakit ng mga kabataang lalaki at babae para matuklasan ang kagalakan at layunin sa paglilingkod sa Tagapagligtas.
Itinuro ni Elder David A. Bednar na para lumaki at maging katulad ng mga misyonero, kailangan nating gawin kung ano ang ginagawa ng mga misyonero, at sa gayon, “taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, …unti-unti [tayong] magiging ang misyonerong … inaasahan ng Tagapagligtas.” 2
Gayon din, kung ninanais nating “tularan ang Panginoong Jesus,” 3 kailangan nating gawin ang ginagawa ni Jesus, at sa isang nakamamanghang pangungusap, ipinaliwanag ng Panginoon kung ano ang ginagawa Niya: Kanyang sinabi, “Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.” 4
Ang misyon ng Tagapagligtas noon pa man at magpakailanman ay ang paglingkuran ang Kanyang Ama sa pamamagitan ng pagliligtas sa Kanyang mga anak.
At ang pinakatiyak na paraan upang makahanap ng kagalakan sa buhay na ito ay ang makiisa kay Cristo sa pagtulong sa iba.
Ito ang simpleng katotohanang nagbigay-inspirasyon sa programang Mga Bata at Kabataan.
Ang lahat ng aktibidad sa Mga Bata at Kabataan at lahat ng turo sa Mga Bata at Kabataan ay hinggil sa pagtulong sa mga kabataan na maging higit na katulad ni Jesus sa pamamagitan ng pakikiisa sa Kanya sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan.
Ang Mga Bata at Kabataan ay isang tool o kasangkapan na tutulong sa lahat ng bata sa Primary at kabataan na lumaki bilang mga disipulo at magtamo ng isang pananaw na puno ng pananampalataya kung ano ang dapat gawin para matamo ang kaligayahan. Maaari nilang matutuhang asamin at hangarin ang mga daraanan at palatandaan sa landas ng tipan, kung saan sila bibinyagan at ikukumpirma at pagkakalooban ng kaloob na Espiritu Santo at pagkatapos ay mapapabilang sa mga korum at Young Women class, kung saan nila madarama ang kagalakan ng pagtulong sa iba sa pamamagitan ng patuloy na paglilingkod na katulad ng kay Cristo. Sila ay magtatakda ng mga mithiin, malaki at maliit, na magbibigay ng balanse sa kanilang buhay habang higit silang nagiging katulad ng Tagapagligtas. Ang mga For the Strength of the Youth na kumperensya at magasin, ang Kaibigan, at ang Gospel Living app ay tutulong na maituon sila sa paghahanap ng kagalakan kay Cristo. Aasamin nila ang mga pagpapala ng pagkakaroon ng mga limited-use temple recommend at madarama ang diwa ni Elijah sa pamamagitan ng impluwensya ng Espiritu Santo habang hinahangad nila ang mga pagpapala ng templo at family history. Sila ay magagabayan sa pamamagitan ng patriarchal blessing. Pagdating ng panahon, makikita nila ang kanilang sarili na nagtutungo sa mga templo upang mapagkalooban ng kapangyarihan at upang makahanap ng kagalakan doon habang inuugnay sila magpakailanman, anuman ang mangyari, sa kanilang mga pamilya.
Sa paghampas ng malalakas na hangin ng pandemya at kalamidad, ang pagtatamo ng lubos na kapakinabangan ng bagong programang Mga Bata at Kabataan ay pinagsisikapan pa rin—ngunit kinakailangang makamtan agad. Hindi mahihintay ng mga kabataan ang daigidig para ituwid nito ang sarili nito bago nila makilala ang Tagapagligtas. Maging ngayon, gumagawa ang ilan ng mga pagpapasiya na hindi nila gagawin kung naunawaan nila ang kanilang tunay na pagkatao—at ang Kanyang pagkatao.
Kaya ang dagliang panawagan mula sa mga hukbo ng Diyos na matinding sinasanay ay “kinakailangan ang tulong ng lahat!”
Mga ina at ama, kailangan ng inyong mga anak na lalaki ang inyong tulong ngayon gaya ng masigasig ninyong pagtulong sa kanila noon kapag ang mas pinagtutuunan nila ay ang mga bagay na hindi gaanong mahalaga tulad ng mga badge at pin. Mga ina at ama, mga lider sa priesthood at Young Women, kung nahihirapan ang mga kabataan ninyo, ang Mga Bata at Kabataan ay tutulong na madala sila sa Tagapagligtas, at pagkakalooban sila ng Tagapagligtas ng kapayapaan. 5
Mga panguluhan ng korum at klase, kumilos at gampanan ang inyong tungkulin sa gawain ng Panginoon.
Mga bishop, makipagtulungan gamit ang mga susi ng inyong priesthood sa mga quorum president, at sa inyong korum—at ang inyong ward—ay patuloy na magbabago.
At sa inyo na bagong henerasyon, pinatototohanan ko, bilang isang taong nakaaalam, na kayo ay mga minamahal na anak na lalaki at babae ng Diyos at Siya ay may gawaing ipagagawa sa inyo.
Sa pagtupad ninyo sa karingalan ng inyong mga tungkulin, nang inyong buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas, mamahalin ninyo ang Diyos at tutuparin ang inyong mga tipan at magtitiwala sa Kanyang priesthood habang kumikilos kayo para pagpalain ang iba, na magsisimula sa inyong mga tahanan.
Dalangin ko na magsisikap kayo, nang may dobleng sigla na nararapat sa panahong ito, para maglingkod, manampalataya, magsisi, at magpakabuti sa bawat araw, upang maging karapat-dapat na matanggap ang mga pagpapala sa templo at ang walang hanggang kaligayahan na dumarating lamang sa pamamagitan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Dalangin ko na maghahanda kayo para maging masigasig na missionary, tapat na asawa, mapagmahal na ama o ina na ipinangako sa inyo na maaaring maabot ninyo sa huli sa pamamagitan ng pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo.
Nawa’y tulungan ninyo na maihanda ang daigdig para sa pagbabalik ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa lahat na lumapit kay Cristo at tanggapin ang mga pagpapala ng Kanyang Pagbabayad-sala. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.