2020
Bishop L. Todd Budge
Nobyembre 2020


Bishop L. Todd Budge

Pangalawang Tagapayo sa Presiding Bishopric

Matapos maglingkod nang 18 buwan bilang General Authority Seventy, si Bishop L. Todd Budge ay sinang-ayunan bilang Pangalawang Tagapayo sa Presiding Bishopric. Siya ang kahalili ni Bishop Dean M. Davies, na tinawag bilang General Authority Seventy.

Nagtapos si Bishop Budge ng bachelor’s degree sa economics sa Brigham Young University noong 1984. Nagtrabaho siya sa Bain & Company Japan; Citibank, N.A.; at GE Capital sa Japan at Atlanta, Georgia, USA. Siya ay naging president at chief executive officer ng Tokyo Star Bank Limited noong 2003 at naglingkod bilang chairman of the board ng bangko mula 2008 hanggang 2011. Naglingkod din siya bilang miyembro ng board of directors para sa Hawaiian Airlines.

Sa isang pagkakataon sa kanyang buhay, habang pinag-iisipan ni Bishop Budge na magbago ng propesyon, tumanggap siya ng ilang mahahalagang payo. “Kailangan namin ng mga taong may integridad sa negosyo,” sabi sa kanya ng isang mentor, at idinagdag na ang kanyang propesyon ay magbibigay sa kanya ng maraming pagkakataong magpayo at tumulong sa mga tao.

Ang trabaho ni Bishop Budge ay nagbigay nga sa kanya ng maraming pagkakataon na maging mabuting impluwensya sa mundo ng pagnenegosyo, kabilang na ang pagkakataong maibahagi ang ebanghelyo sa Japan, kung saan siya naglingkod noon bilang missionary sa Japan Fukuoka Mission. Kalaunan ay naglingkod siya bilang pangulo ng Japan Tokyo Mission.

“Ang magandang balita ng ebanghelyo,” pagtuturo niya, “ay hindi pangako ng buhay na walang kalungkutan at paghihirap kundi isang buhay na puno ng layunin at kahulugan—isang buhay kung saan ang ating mga kalungkutan at paghihirap ay maaaring ‘malulon sa kagalakan dahil kay Cristo’ [Alma 31:38].”1

Si Lawrence Todd Budge ay ipinanganak noong Disyembre 29, 1959, sa Pittsburg, California, USA. Nakilala niya si Lori Capener noong freshman pa sila sa Brigham Young University. Nagpakasal sila noong 1981 sa Logan Utah Temple. Sila ay may anim na anak.

Bago siya tinawag bilang General Authority Seventy, si Bishop Budge ay naglingkod bilang Area Seventy, stake president, stake executive secretary, stake Young Men president, bishop, at elders quorum president.

Tala

  1. L. Todd Budge, “Patuloy at Matatag na Tiwala,” Ensign o Liahona, Nob. 2019, 47.