2020
Matuto mula sa mga Mensahe ng Pangkalahatang Kumperensya
Nobyembre 2020


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Matuto mula sa mga Mensahe ng Pangkalahatang Kumperensya

Ang mga turo ng mga buhay na propeta at ng iba pang mga pangkalahatang lider ng Simbahan ay nagbibigay ng inspiradong patnubay kapag sinisikap nating makibahagi sa gawain ng Panginoon. Tuwing pangalawa at pang-apat na Linggo ng bawat buwan, ang mga panguluhan ng elders quorum at Relief Society ay pumipili ng isang mensahe sa kumperensya na tatalakayin, batay sa mga pangangailangan ng mga miyembro at ayon sa patnubay ng Espiritu. Kung minsan, maaari ring magmungkahi ang bishop o stake president kung anong mensahe ang tatalakayin. Sa pangkalahatan, dapat bigyang-diin ng mga lider ang mga mensahe ng mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Gayunpaman, anumang mensahe mula sa pinakahuling kumperensya ay maaaring talakayin.

Dapat humanap ang mga lider at guro ng mga paraan upang mahikayat ang mga miyembro na basahin ang piniling mensahe bago ang araw ng miting.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga miting ng elders quorum at Relief Society, tingnan sa General Handbook: Serving in The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints [Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw], 8.2.1.2, 9.2.1.2, ChurchofJesusChrist.org.

Pagpaplano na Magturo

Ang mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa mga guro habang nagpaplano sila na ituro ang isang mensahe mula sa pangkalahatang kumperensya.

  1. Ano ang nais ipaunawa sa atin ng nagsalita? Anong mga alituntunin ng ebanghelyo ang itinuturo niya? Paano maipamumuhay ng aming korum o ng Relief Society ang mga alituntuning ito?

  2. Anong mga banal na kasulatan ang ginamit ng nagsalita para suportahan ang kanyang mensahe? May mababasa pa ba kaming iba pang mga banal na kasulatan na magpapalalim ng aming pag-unawa? (Maaari kang makakuha ng ilan sa mga tala sa katapusan ng mensahe o sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.)

  3. Ano ang maaari kong itanong na makatutulong sa mga miyembro na pag-isipang mabuti ang mensahe? Anong mga tanong ang tutulong sa kanila para maunawaan ang kaugnayan ng mensahe sa kanilang buhay, sa kanilang pamilya, at sa gawain ng Panginoon?

  4. Ano ang maaari kong gawin para maanyayahan ang Espiritu sa aming miting? Ano ang maaari kong gamitin para mapaganda pa ang talakayan, kabilang ang mga kuwento, analohiya, musika, o gawang-sining? Ano ang ginamit ng nagsalita?

  5. May ipinaabot bang mga paanyaya ang nagsalita? Paano ko matutulungan ang mga miyembro na magkaroon ng hangaring gawin ang mga paanyayang iyon?

Mga Ideya para sa Aktibidad

Maraming paraan para matulungan ang mga miyembro na matuto mula sa mga mensahe ng pangkalahatang kumperensya. Narito ang ilang halimbawa; maaaring may iba ka pang mga ideya na magiging mas epektibo sa inyong korum o sa Relief Society.

  • Magtalakayan nang grupu-grupo. Hatiin ang mga miyembro sa maliliit na grupo, at bigyan ang bawat grupo ng iba-ibang bahagi ng mensahe sa kumperensya para basahin at talakayin. Pagkatapos ay ipabahagi sa bawat grupo ang isang katotohanang natutuhan nila. O maaaring igrupu-igrupo mo ang mga taong nag-aral ng iba’t ibang bahagi at sabihin sa kanila na ibahagi sa isa’t isa ang natutuhan nila.

  • Sagutin ang mga tanong. Anyayahan ang mga miyembro na sagutin ang mga tanong na tulad ng mga sumusunod tungkol sa mensahe sa kumperensya: Anong mga katotohanan ng ebanghelyo ang makikita natin sa mensaheng ito? Paano natin maipamumuhay ang mga katotohanang ito? Anong mga paanyaya at pangakong pagpapala ang ibinigay? Ano ang itinuturo ng mensaheng ito sa atin tungkol sa gawaing nais ng Diyos na gawin natin?

  • Magbahagi ng mga sipi o quotation. Sabihin sa mga miyembro na magbahagi ng mga sipi o quotation mula sa mensahe sa kumperensya na nagbigay-inspirasyon sa kanila na gawin ang kanilang mga responsibilidad sa gawain ng kaligtasan. Hikayatin sila na isipin kung paano nila maibabahagi ang mga quotation na ito para mapagpala ang isang tao, kabilang ang mga mahal nila sa buhay at mga taong pinaglilingkuran nila.

  • Magbahagi ng isang object lesson. Ilang araw bago magklase, anyayahan ang ilang miyembro na magdala ng mga bagay mula sa kanilang tahanan na magagamit nila sa pagtuturo ng tungkol sa mensahe sa kumperensya. Sa oras ng miting, hilingin sa mga miyembro na ipaliwanag kung paano nauugnay ang mga bagay na iyon sa mensahe.

  • Maghanda ng lesson na ituturo sa tahanan. Pagpartner-partnerin ang mga miyembro para magtulungan sa paggawa ng isang home evening lesson batay sa mensahe sa kumperensya. Paano natin maiuugnay ang mensahe sa ating mga pamilya? Paano natin maibabahagi ang mensaheng ito sa mga taong pinaglilingkuran natin?

  • Magbahagi ng mga karanasan. Magkakasamang basahin ang ilang pahayag mula sa mensahe sa kumperensya. Hilingin sa mga miyembro na magbahagi ng mga halimbawa mula sa mga banal na kasulatan at mula sa kanilang buhay na naglalarawan o nagbibigay-diin sa doktrinang itinuro sa mga pahayag na ito.

  • Pag-aralan ang isang banal na kasulatan. Anyayahan ang mga miyembro na basahin ang isang banal na kasulatan na binanggit sa mensahe sa kumperensya. Ipatalakay sa kanila kung paano nakatulong sa kanila ang mga turo sa mensahe para mas maunawaan ang banal na kasulatan.

  • Maghanap ng sagot. Ilang araw bago magklase, gumawa ng ilang tanong na masasagot gamit ang mensahe sa kumperensya. Magtuon sa mga tanong na naghihikayat ng malalim na pag-iisip o pagsasabuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas [2016], 31–32). Pagkatapos ay hayaang pumili ang mga miyembro ng isang tanong at humanap ng mga sagot sa mensahe. Anyayahan sila na talakayin ang mga sagot nila sa maliliit na grupo.

  • Maghanap ng parirala. Anyayahan ang mga miyembro na saliksikin ang mensahe sa kumperensya para hanapin ang mga parirala na makahulugan sa kanila. Ipabahagi sa kanila ang mga parirala at kung ano ang natutuhan nila mula sa mga ito. Paano tumutulong sa atin ang mga turong ito para magawa ang gawain ng Panginoon?

  • Lumikha ng isang bagay. Anyayahan ang mga miyembro na gumawa ng isang poster o bookmark na may nakasulat na maikling pahayag na nagbibigay-inspirasyon mula sa mensahe sa kumperensya. Bigyan sila ng pagkakataong ibahagi ang ginawa nila.

Para sa marami pang ideya sa pag-aaral at pagtuturo ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, tingnan ang “Mga Ideya sa Pag-aaral at Pagtuturo mula sa Pangkalahatang Kumperensya” na matatagpuan sa ilalim ng Pangkalahatang Kumperensya sa Gospel Library.