Naniniwala Ako sa mga Anghel
Alam ng Panginoon ang kinakaharap ninyong mga hamon. Kilala Niya kayo, mahal Niya kayo, at ipinapangako ko, magsusugo Siya ng mga anghel para tulungan kayo.
Mga kapatid, naniniwala ako sa mga anghel, at gusto kong ikuwento sa inyo ang mga karanasan ko sa kanila. Sa paggawa nito, dalangin ko na nawa’y kilalanin natin ang kahalagahan ng mga anghel sa ating buhay.
Ito ang mga salita ni Elder Jeffrey R. Holland sa isang nakaraang pangkalahatang kumperensya: “Kapag binabanggit natin ang mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos, ipinapaalala sa atin na hindi lahat ng anghel ay nagmula sa kabila ng tabing o lambong. Ang ilan sa kanila ay nakakasama natin sa paglakad at nakakausap—dito, ngayon, at araw-araw. Ilan sa kanila ay nakatira sa sarili nating sambayanan. … Tunay ngang tila hindi naging mas malapit ang langit kailanman kaysa kapag nakikita natin ang pagmamahal ng Diyos sa kabaitan at katapatan ng mga taong napakabuti at napakadalisay kaya parang anghel ang tanging mga salitang naiisip” (“Ang Ministeryo ng mga Anghel,” Liahona, Nob. 2008, 30).
Ang mga anghel sa mundong ito ang nais kong banggitin. Ang mga anghel na kasa-kasama natin sa buhay araw-araw ay makapangyarihang paalala ng pagmamahal sa atin ng Diyos.
Ang unang mga anghel na babanggitin ko ay ang dalawang sister missionary na nagturo sa akin ng ebanghelyo noong kabataan ko: sina Sister Vilma Molina at Sister Ivonete Rivitti. Inanyayahan kami ng nakababata kong kapatid na babae sa isang aktibidad sa Simbahan kung saan namin nakilala ang dalawang anghel na ito. Hindi ko naisip kailanman kung gaano kalaking pagbabago ang magagawa ng simpleng aktibidad na iyon sa buhay ko.
Hindi interesado noon ang mga magulang at kapatid ko na malaman ang iba pa tungkol sa Simbahan. Ni ayaw nilang tanggapin ang mga missionary sa aming tahanan, kaya nagpaturo ako sa mga missionary sa isang gusali ng Simbahan. Ang munting silid na iyon sa chapel ang aking naging “sagradong kakahuyan.”
Isang buwan matapos ipakilala sa akin ng mga anghel na ito ang ebanghelyo, nabinyagan ako. Ako ay 16 anyos noon. Ang malungkot, wala akong retrato ng sagradong kaganapang iyon, ngunit may retrato kaming magkapatid nang sumali kami sa aktibidad na iyon. Kailangan ko sigurong linawin kung sinu-sino ang nasa retratong ito. Ako iyong mas matangkad sa kanan.
Tulad ng naiisip ninyo, mahirap manatiling aktibo sa Simbahan ang isang tinedyer na kailan lang nagbago ang pamumuhay at iba ang landas na tinatahak ng pamilya.
Habang sinisikap kong umakma sa aking bagong buhay, bagong kultura, at bagong mga kaibigan, nadama kong hindi ako nababagay. Pakiramdam ko nag-iisa ako at maraming beses akong pinanghinaan ng loob. Alam kong totoo ang Simbahan, ngunit nahirapan akong madama na bahagi ako nito. Kahit nadama kong hindi ako hindi komportable at hindi sigurado habang sinisikap kong umakma sa bago kong relihiyon, nagkaroon ako ng lakas ng loob na sumali sa isang tatlong-araw na youth conference, na naisip kong makakatulong para magkaroon ako ng mga bagong kaibigan. Dito ko nakilala ang isa pang nagliligtas na anghel, na nagngangalang Mônica Brandão.
Baguhan siya sa lugar, at kalilipat lamang mula sa ibang panig ng Brazil. Agad ko siyang napansin at, sa kabutihang-palad, tinanggap niya ako bilang kaibigan. Palagay ko mas pinansin niya ang kalooban ko kaysa hitsura ko.
Dahil kinaibigan niya ako, ipinakilala niya ako sa mga kaibigan niya, na naging mga kaibigan ko nang masaya kaming dumalo sa maraming aktibidad ng mga kabataan kalaunan. Napakahalaga ng mga aktibidad na iyon sa pag-akma ko sa bagong buhay na ito.
Malaki ang nagawang kaibhan ng mabubuting kaibigang ito, ngunit dahil hindi naituro ang ebanghelyo sa aming tahanan na may pamilyang sumusuporta, naging alanganin pa rin ang patuloy na pagbabalik-loob ko. Ang mga pakikipag-ugnayan ko sa ebanghelyo sa Simbahan ay naging mas mahalaga sa aking lumalagong pagbabalik-loob. Pagkatapos nagsugo ng dalawa pang anghel ang Panginoon para tumulong.
Isa sa kanila si Leda Vettori, ang aking early morning seminary teacher. Sa kanyang magiliw na pagtanggap at nakasisiglang mga klase, araw-araw niya akong binusog sa “mabuting salita ng Diyos” (Moroni 6:4), na kailangang-kailangan ko sa maghapon. Natulungan ako nitong magkaroon ng espirituwal na lakas na magpatuloy.
Ang isa pang anghel na isinugo para tulungan ako ay ang Young Men president na si Marco Antônio Fusco. Itinalaga rin siyang maging senior home teaching companion ko. Kahit kulang ako sa karanasan at iba ang hitsura ko, inatasan niya akong magturo sa aming mga priests quorum meeting at mga home teaching visit. Binigyan niya ako ng pagkakataong kumilos at matuto at hindi lamang maging tagamasid sa ebanghelyo. Nagtiwala siya sa akin, nang higit kaysa pagtitiwala ko sa sarili ko.
Salamat sa lahat ng anghel na ito, at sa marami pang nakasalamuha ko noong mahahalagang taon na iyon, nagkaroon ako ng sapat na lakas upang manatili sa landas ng tipan nang magtamo ako ng espirituwal na patotoo sa katotohanan.
At siyanga pala, ang batang anghel na si Mônica? Pagkatapos naming magmisyon, napangasawa ko siya.
Palagay ko hindi nagkataon lamang na naging bahagi ng prosesong iyon ang mabubuting kaibigan, mga responsibilidad sa Simbahan, at pangangalaga ng mabuting salita ng Diyos. Matalinong itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Hindi madaling gumawa ng pagbabagong kaugnay ng pagsapi sa Simbahang ito. Nangangahulugan ito ng pagtapos ng ugnayan sa mga dating kaibigan. Nangangahulugan ito ng pag-iwan sa mga kaibigan. Maaari itong mangahulugan ng pagtalikod sa mga pinahahalagahang paniniwala. Maaari itong mangailangan ng pagbabago ng mga gawi at pagpipigil ng mga hilig. Sa maraming pagkakataon nangangahulugan ito ng kalungkutan at maging ng takot sa mga bagay na hindi pamilyar. Kailangang mayroong pangangalaga at pagpapalakas sa mahirap na panahong ito ng buhay ng isang bagong miyembro” (“There Must Be Messengers,” Ensign, Okt. 1987, 5).
Kalauna’y itinuro rin niya, “Bawat isa sa kanila ay nangangailangan ng tatlong bagay: isang kaibigan, isang responsibilidad, at pangangalaga ng ‘mabuting salita ng Diyos’” (“Converts and Young Men,” Ensign, Mayo 1997, 47).
Bakit ko ikinukuwento sa inyo ang mga karanasang ito?
Una, para magpadala ng isang mensahe sa mga nagdaraan sa ganito ring proseso ngayon mismo. Bagong binyag siguro kayo, o nagbabalik sa Simbahan matapos maging di-aktibo sandali, o nahihirapan lang kayong umakma. Pakiusap, huwag sana kayong tumigil sa pagsisikap na maging bahagi ng malaking pamilyang ito. Ito ang totoong Simbahan ni Jesucristo!
Pagdating sa inyong kaligayahan at kaligtasan, palaging sulit ang pagsisikap na patuloy na sumubok. Sulit ang pagsisikap na baguhin ang inyong pamumuhay at mga tradisyon. Alam ng Panginoon ang kinakaharap ninyong mga hamon. Kilala Niya kayo, mahal Niya kayo, at ipinapangako ko, magsusugo Siya ng mga anghel para tulungan kayo.
Sa sarili Niyang mga salita sinabi ng Tagapagligtas: “Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong [puso], at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo’ (Doktrina at mga Tipan 84:88).
Ang pangalawang layunin ko sa pagbabahagi ng mga karanasang ito ay para magparating ng isang mensahe sa lahat ng miyembro ng Simbahan—sa ating lahat. Dapat nating tandaan na hindi madali para sa mga bagong binyag, nagbabalik na mga kaibigan, at yaong naiiba ang pamumuhay na agad na makaakma. Alam ng Panginoon ang kinakaharap nilang mga hamon, at naghahanap Siya ng mga anghel na handang tumulong. Palaging naghahanap ang Panginoon ng mga taong handa na maging mga anghel sa buhay ng iba.
Mga kapatid, handa ba kayong maging kasangkapan sa mga kamay ng Panginoon? Handa ba kayong maging isa sa mga anghel na ito? Na maging isang sugo, mula sa Diyos, sa mundong ito, para sa isang taong inaalala Niya? Kailangan Niya kayo. Kailangan nila kayo.
Siyempre pa, lagi tayong makakaasa sa ating mga missionary. Lagi silang nariyan, unang nagpapatala para sa mala-anghel na gawaing ito. Ngunit hindi sila sapat.
Kung titingin kayong mabuti sa paligid makikita ninyo na maraming nangangailangan ng tulong ng isang anghel. Maaaring hindi nakasuot ang mga taong ito ng puting polo, bestida, o anumang karaniwang damit-pangsimba. Maaaring mag-isa silang nakaupo, nasa bandang likod ng chapel o klase, pakiramdam nila kung minsan ay hindi sila nakikita. Medyo kaiba siguro ang buhok nila o naiiba ang pananalita nila, ngunit naroon sila, at nagsisikap sila.
Maaaring iniisip ng ilan, “Dapat ba akong patuloy na bumalik? Dapat ba akong patuloy na magsikap?” Maaaring iniisip ng iba kung balang araw ay madarama nila na sila ay tanggap at minamahal. Kailangan ang mga anghel, ngayon mismo; mga anghel na handang iwan ang kanilang pansariling kaginhawaan upang yakapin sila; “[mga taong] napakabuti at napakadalisay kaya parang anghel ang tanging salitang naiisip ko [para ilarawan sila]” (Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng mga Anghel,” 30).
Mga kapatid, naniniwala ako sa mga anghel! Narito tayong lahat ngayon, isang malaking hukbo ng mga anghel na itinalaga para sa mga huling araw na ito, upang maglingkod sa iba bilang mga karugtong ng mga kamay ng isang mapagmahal na Lumikha. Ipinapangako ko na kung handa tayong maglingkod, bibigyan tayo ng Panginoon ng mga pagkakataong maging naglilingkod na mga anghel. Alam Niya kung sino ang nangangailangan ng tulong ng anghel, at ilalagay Niya sila sa ating landas. Inilalagay ng Panginoon yaong mga nangangailangan ng tulong ng anghel sa ating landas araw-araw.
Labis akong nagpapasalamat sa maraming anghel na inilagay ng Panginoon sa aking landas sa buong buhay ko. Kinailangan sila. Nagpapasalamat din ako para sa Kanyang ebanghelyo na tumutulong sa atin na magbago at nagbibigay ng pagkakataon sa atin na magpakabuti pa.
Ito ay isang ebanghelyo ng pag-ibig, isang ebanghelyo ng paglilingkod. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.