2020
Magalak
Nobyembre 2020


12:10

Magalak

Ang ating di-natitinag na pananampalataya sa doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay gumagabay sa ating mga hakbang at nagbibigay sa atin ng kagalakan.

Sa mga huling araw ng Kanyang mortal na buhay, sinabi ni Jesucristo sa Kanyang mga Apostol ang mga pag-uusig at hirap na daranasin nila. 1 Nagtapos Siya sa pagsasabi ng dakilang katiyakang ito: “Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig. Ngunit [magalak], dinaig ko na ang sanlibutan” (Juan 16:33). Iyan ang mensahe ng Tagapagligtas sa lahat ng anak ng ating Ama sa Langit. Iyan ang talagang magandang balita para sa bawat isa sa atin sa ating mortal na buhay.

Ang “magalak” ay isa ring katiyakang kinakailangan sa mundo kung saan isinugo ng nabuhay na mag-uling Cristo ang Kanyang mga Apostol. “Sa bawat panig ay pinagmamalupitan kami,” sabi ni Apostol Pablo sa mga taga-Corinto, “subalit hindi nadudurog, nililito subalit hindi nawawalan ng pag-asa; pinag-uusig, subalit hindi pinababayaan; inilulugmok, subalit hindi napupuksa” (2 Corinto 4:8–9).

Si Jesus ay naglilingkod sa bawat isa

Pagkaraan ng dalawang libong taon tayo rin “sa bawat panig ay pinagmamalupitan,” at kailangan din natin ang mensaheng iyan na huwag mawalan ng pag-asa kundi magalak. Espesyal ang pagmamahal at pagmamalasakit ng Panginoon sa Kanyang minamahal na mga anak na babae. Alam Niya ang inyong mga naisin, pangangailangan, at pangamba. Ang Panginoon ay makapangyarihan. Magtiwala sa Kanya.

Itinuro kay Propetang Joseph Smith na “ang mga gawain, at ang mga layunin, at ang mga hangarin ng Diyos ay hindi mabibigo, ni mapawawalang-saysay” (Doktrina at mga Tipan 3:1). Sa Kanyang nagpupunyaging mga anak, ibinigay ng Panginoon ang dakilang katiyakang ito:

“Masdan, ito ang pangako ng Panginoon sa inyo, O kayo na aking mga tagapaglingkod.

“Kaya nga, magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo; at magpapatotoo kayo sa akin, maging si Jesucristo, na ako ang Anak ng buhay na Diyos” (Doktrina at mga Tipan 68:5–6).

Ang Panginoon ay nakatayo malapit sa atin, at sinabi Niya:

“At kung ano ang sinabi ko sa isa sinasabi ko sa lahat, magalak, maliliit na bata; sapagkat ako ay nasa inyong gitna, at hindi ko kayo pinabayaan” (Doktrina at mga Tipan 61:36).

“Sapagkat pagkatapos ng maraming kapighatian darating ang mga pagpapala” (Doktrina at mga Tipan 58:4).

Mga kapatid, pinatototohanan ko na ang mga pangakong ito, na ibinigay sa gitna ng mga pag-uusig at personal na trahedya, ay angkop sa bawat isa sa inyo sa inyong mga nakababahalang sitwasyon ngayon. Mahalaga ang mga ito at ipinapaalala sa bawat isa sa atin na magalak at masiyahan sa kabuuan ng ebanghelyo habang sumusulong tayo sa kabila ng mga hamon ng mortalidad.

Ang pagdurusa at mga hamon ay karaniwang nararanasan sa mortalidad. Ang oposisyon ay mahalagang bahagi ng banal na plano na makatutulong sa ating pag-unlad, 2 at sa gitna ng prosesong iyan, tiniyak sa atin ng Diyos, sa walang-hanggang pananaw, na hindi itutulot na madaig tayo ng oposisyon. Sa tulong Niya at sa ating katapatan at pagtitiis, tayo ang mananaig. Tulad ng mortal na buhay kung saan bahagi ang mga ito, lahat ng paghihirap ay pansamantala. Sa mga kontrobersya noong bago mangyari ang mapaminsalang digmaan, matalinong ipinaalala ng pangulo ng Estados Unidos na si Abraham Lincoln sa kanyang mga tagapakinig ang sinaunang karunungan na “ito, rin, ay lilipas.” 3

Tulad ng alam ninyo, ang mga paghihirap sa mundo na binanggit ko—na dahilan kaya mahirap magalak—ay dumarating kung minsan sa atin pati na rin sa marami pang ibang tao, gaya ng milyun-milyong tao ngayon na nakikibaka sa ilan sa maraming mapaminsalang epekto ng pandemyang COVID-19. Sa Estados Unidos din ay milyun-milyon ang nagdurusa sa panahon ng alitan at pagtatalo na tila laging kaakibat ng mga halalan sa pagkapangulo ngunit ang panahong ito ang pinakamatindi na di-malilimutan ng marami sa pinakamatanda sa atin.

Sa personal na buhay, bawat isa sa atin ay nakikibakang mag-isa sa ilan sa maraming paghihirap sa mortalidad, gaya ng karukhaan, rasismo, karamdaman, pagkawala ng trabaho o mga kabiguan, pasaway na mga anak, magulong pagsasama ng mag-asawa o di-pag-aasawa, at mga epekto ng kasalanan—natin o ng iba.

Subalit, sa gitna ng lahat ng ito, pinayuhan tayo ng langit na magalak at masiyahan sa mga alituntunin at pangako ng ebanghelyo at sa mga bunga ng ating mga pagsisikap. 4 Ipinayo na iyan noon pa sa mga propeta at sa ating lahat. Nalaman natin ito mula sa mga karanasan ng mga nauna sa atin at sa sinabi ng Panginoon sa kanila.

Brother Joseph

Alalahanin ang sitwasyon ni Propetang Joseph Smith. Kung iisipin natin ang mga hirap na naranasan niya, ang kanyang buhay ay puno ng kahirapan, pag-uusig, kabiguan, kalungkutan ng pamilya, at sa huli ay pagkamartir. Noong nakabilanggo siya, nagdanas ng matitinding hirap ang kanyang asawa at mga anak at ang iba pang mga Banal nang sila ay paalisin sa Missouri.

Nang magsumamo si Joseph para sa kapanatagan, sumagot ang Panginoon:

“Aking anak, kapayapaan ay mapasaiyong kaluluwa; ang iyong kasawian at ang iyong mga pagdurusa ay maikling sandali na lamang;

“At muli, kung ito ay iyong pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain ka sa itaas; ikaw ay magtatagumpay sa lahat ng iyong mga kaaway” (Doktrina at mga Tipan 121:7–8).

Ito ang personal at walang-hanggang payo na nakatulong kay Propetang Joseph na mapanatili ang kanyang likas na pagkamasayahin at ang pagmamahal at katapatan ng kanyang mga tao. Ang mga katangiang ito ang nagpalakas sa sumunod na mga lider at pioneer at mapapalakas din kayo nito.

Mga naunang missionary na naglalakad sa makapal na niyebe

Isipin ang mga miyembrong iyon noon! Paulit-ulit silang itinaboy sa iba’t ibang lugar. Sa huli ay hinarap nila ang hamon na itatag ang kanilang mga tahanan at ang Simbahan sa ilang. 5 Dalawang taon matapos dumating ang unang grupo ng mga pioneer sa lambak ng Great Salt Lake, ang mga pioneer ay nagsisikap pa ring mabuhay sa liblib na lugar na iyon. Ang karamihan sa mga miyembro ay naglalakbay pa rin patawid sa kapatagan o nagsisikap na makahanap ng paraan para magawa ito. Gayon pa man, umasa at nagalak pa rin ang mga lider at miyembro.

Bagama’t hindi pa maayos na nakapanirahan ang mga Banal sa kanilang bagong tahanan, sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1849, isang bagong malaking grupo ng mga missionary ang isinugo sa Scandinavia, France, Germany, Italy, at South Pacific. 6 Sa panahong may dahilan ang mga pioneer na malungkot at mawalan ng pag-asa, nagawa pa rin nilang magsakatuparan ng mga dakilang bagay. At pagkaraan lamang ng tatlong taon, 98 pa ang tinawag upang simulang tipunin ang nakalat na Israel. Ipinaliwanag ng isa sa mga lider ng Simbahan noon na ang mga misyong ito “ay karaniwang hindi pangmatagalan; siguro’y mula 3 hanggang 7 taon na mapapalayo ang sinumang lalaki sa kanyang pamilya.” 7

Mga kapatid, ang Unang Panguluhan ay nag-aalala sa mga hamong nararanasan ninyo. Mahal namin kayo at ipinagdarasal kayo. Kasabay nito, madalas kaming nagpapasalamat na ang ating pisikal na mga hamon—bukod pa sa mga lindol, sunog, baha, at bagyo—ay kadalasang hindi kasintindi ng naranasan ng mga nauna sa atin.

Sa gitna ng mga paghihirap, ang ibinibigay na katiyakan ng langit ay palaging “magalak, sapagkat akin kayong aakayin. Ang kaharian ay sa inyo at ang mga pagpapala nito ay sa inyo, at ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan ay sa inyo” (Doktrina at mga Tipan 78:18). Paano ito nangyayari? Paano ito nangyari para sa mga pioneer? Paano ito mangyayari sa mga kababaihan ng Diyos ngayon? Sa pagsunod natin sa mga payo ng propeta, “ang mga pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa [atin],” sabi ng Panginoon sa paghahayag noong Abril 1830. “Oo,” wika Niya, “… itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan” (Doktrina at mga Tipan 21:6). “Huwag matakot, munting kawan; gumawa ng mabuti; hayaang magsama ang mundo at impiyerno laban sa inyo, sapagkat kung kayo ay itinayo sa aking bato, hindi sila mananaig” (Doktrina at mga Tipan 6:34).

Sa mga pangako ng Panginoon, ating “pasiglahin ang [ating mga] puso at magalak” (Doktrina at mga Tipan 25:13), at “nang may maligayang mga puso at mukha” (Doktrina at mga Tipan 59:15), sumusulong tayo sa landas ng tipan. Karamihan sa atin ay hindi pa gumagawa ng malalaking desisyon, tulad ng pag-iwan sa ating tahanan upang manirahan sa malayo at di-kilalang lupain. Ang ating mga desisyon ay karaniwang sa araw-araw na gawain sa buhay, ngunit tulad ng sinabi sa atin ng Panginoon, “Huwag mapagod sa paggawa ng mabuti, sapagkat kayo ay naglalagay ng saligan ng isang dakilang gawain. At mula sa maliliit na bagay nagmumula ang yaong dakila” (Doktrina at mga Tipan 64:33).

Walang hanggan ang kapangyarihan sa doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ating di-natitinag na pananampalataya sa doktrinang iyon ay gumagabay sa ating mga hakbang at nagbibigay sa atin ng kagalakan. Nililinaw nito ang ating isipan at nagbibigay ito ng lakas at tiwala sa ating mga ginagawa. Ang patnubay at kaliwanagan at kapangyarihang ito ay mga ipinangakong kaloob na natanggap natin mula sa ating Ama sa Langit. Sa pag-unawa at pag-aayon ng ating buhay sa doktrinang iyon, pati na sa banal na kaloob na pagsisisi, maaari tayong magalak habang nananatili tayo sa landas patungo sa ating walang-hanggang tadhana—muling pagkikita at kadakilaan sa piling ng ating mapagmahal na mga magulang sa langit.

“Maaaring nahaharap kayo sa malalaking hamon,” pagtuturo ni Elder Richard G. Scott. “Kung minsan ay napakarami at napakatindi ng mga ito, kaya maaaring maramdaman ninyo na hindi na ninyo ito makakayanan. Huwag haraping mag-isa ang mundo. ‘Sa Panginoon ay buong puso kang magtiwala, at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa’ [Mga Kawikaan 3:5]. … Nilayon na maging isang hamon ang buhay, hindi upang ikaw ay mabigo, kundi upang ikaw ay magtagumpay sa pagdaig dito.” 8

Ito ay bahaging lahat ng plano ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo, na aking pinatototohanan, at dalangin ko na magsumikap tayong lahat na makarating sa ating patutunguhan sa langit, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Juan 13–16.

  2. Tingnan sa 2 Nephi 2:11.

  3. Abraham Lincoln, mensahe sa Wisconsin State Agricultural Society, Milwaukee, Set. 30, 1859, sa John Bartlett, Bartlett’s Familiar Quotations, 18th ed. (2012), 444.

  4. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 6:31.

  5. Tingnan sa Lawrence E. Corbridge, “Surviving and Thriving like the Pioneers,” Ensign, Hulyo 2020, 23–24.

  6. Tingnan sa “Minutes of the General Conference of 6 October 1849,” General Church Minutes Collection, Church History Library, Salt Lake City.

  7. George A. Smith, sa Journal History of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, Ago. 28, 1852, 1, Church History Library, Salt Lake City.

  8. Richard G. Scott, Finding Peace, Happiness, and Joy (2007), 248–49.