Mababasa ang General Handbook [Pangkalahatang Hanbuk] sa Digital Format
Patuloy ang ginagawang rebisyon sa General Handbook: Serving in The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, na may pagsasalin ng piling materyal sa 21 mga pangunahing wika na malapit nang i-release.
Ang bagong hanbuk ay inilathala sa digital format sa wikang Ingles noong Pebrero 2020, na may karagdagang paglalathala ng mga binagong materyal noong Marso at Hulyo. Sa ngayon, 16 sa 38 kabanata ng aklat ang muling isinulat at inilathala. Ang natitirang mga kabanata ay babaguhin sa darating na mga buwan, kabilang ang mga pagbabago para mabawasan ang haba at gawing simple para mas maunawaan.
Pagkatapos ng Pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2020, ang chapter 32, “Repentance and Church Membership Councils,” at ilang bahagi ng section 38.6, “Policies on Moral Issues” (na sumusuporta sa chapter 32), ay sisimulan nang ilathala sa 21 wika (bukod sa wikang Ingles). Ang mga karagdagang kabanata ay isinasalin at inihahanda na para sa paglalathala sa darating na mga buwan, at kalaunan ang lahat ng materyal ay mababasa na sa 35 wika.
Bagama’t makikita ang hanbuk sa website ng Simbahan at sa Gospel Library app, ang pangunahing gagamit ng materyal ay ang mga lider ng Simbahan. Ang binagong hanbuk ang papalit sa Hanbuk 1 (para sa mga stake president at bishop) at Hanbuk 2 (para sa lahat ng lider) at pagsasama-samahin ang lahat ng impormasyon ng mga ito sa iisang hanbuk.
Ang balangkas na binuo para sa bagong hanbuk ay ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan, na kinabibilangan ng apat na aspeto na pagtutuunan ng pansin habang lumalapit tayo kay Cristo at tumutulong sa gawain ng Diyos:
-
Pamumuhay ayon sa ebanghelyo ni Jesucristo
-
Pangangalaga sa mga nangangailangan
-
Pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo
-
Pagbubuklod ng mga pamilya para sa kawalang-hanggan
Ang mga kabanata ay naglalayong tulungan ang mga lider sa iba’t ibang panig ng mundo na maglingkod nang may pangangalagang katulad ng kay Cristo kapag isinasagawa ang iba’t ibang programa, patakaran, at pamamaraan ng Simbahan at, kung kinakailangan, kapag iniaangkop ang mga ito sa mga lokal na kalagayan.
Dahil nailathala sa digital format ang hanbuk, nagagawa ang pag-update at pagbabago habang lumalago ang Simbahan at kapag binabago ang mga patakaran. Ang mga alituntunin ng pag-aangkop at pagbabagay na nakapaloob sa hanbuk ay tumutulong sa mga lider at miyembro na epektibong magamit ang mga alituntunin at programa ng Simbahan sa lahat ng kongregasyon anuman ang laki ng mga ito at sa magkakaibang komunidad ng mga Banal sa iba’t ibang panig ng mundo.